Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Magmahal Tulad ni JesusHalimbawa

Love Like Jesus

ARAW 13 NG 13

Ang Magmahal Tulad ni Jesus ay ang Mahalin Si Jesus

Noong magsimulang mangalaga ng mga bata ang aming pamilya, dumalo kami sa isang pagdiriwang para sa Pasko para sa mga pamilyang nangangalaga rin ng mga bata na pinangangasiwaan ng isang iglesiang hindi pa namin nabibisita na kabilang sa isang denominasyong hindi namin kinaaaniban. Sa buong dalawang oras na iyon ay nagpipigil ako sa pag-iyak at pinilit kong maging mahinahon. Saan man ako tumingin ay nakakakita ako ng mga banaag ng mukha ni Jesus sa karamihan ng tao.

Bago pa man kami pumasok kasama ang aming mga anak, nakasalubong namin ang isang kaibigan na inanyayahan kaming pumunta sa paradahan ng mga sasakyan. Naroon Siya sa kanyang bisig habang komportableng nakahiga sa tagadala ng sanggol, isang sanggol na babaeng gumon sa meth, cocaine, Xanax, at iba pang mga drogang hindi ko na maalala ang pangalan. Naroon Siyang muli sa pagpasok ng pinto—isang grupo ng mga boluntaryo na masayang bumati sa amin at nag-aagawan sa pagbibigay sa amin ng mga mahahabang medyas at mga name tag sa halip na gamitin ang kanilang Sabado bago mag-Pasko sa pamimili. Pagkatapos ay naroon Siya sa aming likuran. Isang nanay, isang tatay, at walang biro ito, anim na mga inaalagaang bata na mga nagsisipag-aral pa. Ang marami sa kanila ay may suot na mga makakapal na salamin o saklay sa paa at lahat sila ay may suot na malilinis na damit at may mga ngiti ng pagkakontento. Siya ay isang batang pula ang buhok na masayang ipinakita sa akin ang laruang Lego na ibinigay sa kanya ng hindi napangalanan at hindi napasalamatang miyembro ng iglesia. At Siya rin ang tatay na marahang pinupunasan ang laway ng isang batang nakaupo sa silyang de-gulong, at ang tanging tugon ng bata ay ang ituon ang Kanyang mukha upang tingnan ang mga mata ng Kanyang ama. At Siya rin ang maingay na babaeng may dalang isang malusog na sanggol na nasa may balakang niya at Siya rin ang batang musmos na nakabitin sa kanyang binti. At ang matandang babaeng sumesenyas sa dalawang batang lalaki na may mga cochlear implants sa kanilang tenga. At isang napakabait na lolo na may suot ng sumbrero ni Santa na nagpasimuno sa pag-awit ng Rudolf at Jingle Bells upang mapayapa ang mga bata. At habang pauwi na kami dala-dala ang napakaraming mga pagkain at regalong ipinamahagi sa amin, napagtanto kong Siya ang dalawang magkapatid na babaeng kasama naming umuwi nang gabing iyon. Siya rin ang pamilya ko. Isinasabuhay namin ang pagiging si Jesus habang minamahal namin si Jesus. Si Jesus ay nasa lahat ng lugar na tinitingnan ko. Sa pagmamahal at habang minamahal.

Sa sipi para sa araw na ito, hinihikayat ni Pablo ang Iglesia na mamuhay sa paraang inihalimbawa ng pagtitipong ito. Na magkaroon ng pagkakapantay-pantay. Na lahat tayo ay magkakasama rito. Hindi lang ang Kanyang mga kamay at paa, kundi kung minsan ay ang Kanyang mukha. ang Kanyang nahahawakan, nakikitang katawan. Ngunit malibang hayaan natin ang ating mga sariling malubog hanggang baba sa dalamhati, at pangangailangan, at kirot, at kahirapan, at pagkawasak, at kalungkutan, hindi natin ito mararamdaman. At ang mga sitwasyon tulad ng mga bata sa iyong pamayanan na magdiriwang ng Pasko na walang pamilya ay hindi dudurog sa iyong puso dahil hindi mo naman malalaman ang alin man sa kanilang mga pangalan. At hanggang sa tumingin ka sa kanilang mga mata, hindi mo malalaman ang kagalakan na makita nang harapan si Jesus sa langit dito sa lupa.

Pero sulit ito talaga. Ang kariktan Niya ay di-mailarawan, makapigil-hininga. Siya ay kamangha-mangha at marilag at maluwalhati at nagliliwanag.At higit pang dahilan ito upang magmahal ng tulad ni Jesus— ng lahat-lahat ng mayroon tayo.

Kendra Golden
Life.Church Creative Media Team

Banal na Kasulatan

Araw 12

Tungkol sa Gabay na ito

Love Like Jesus

Paano tayo matututong mabuhay tulad ni Jesus kung hindi muna natin matututunang magmahal nang tulad Niya? Magbasa kasabay ang kawani ng Life.Church at kanilang mga asawa habang muli nilang isinasalaysay ang mga karanasan at ang Banal na Kasulatang nagbigay-inspirasyon sa kanila upang mabuhay nang ganap at Magmahal Tulad ni Jesus.

More

Nais naming pasalamatan ang Life.Church sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaring bisitahin ang: www.life.church