Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Magmahal Tulad ni JesusHalimbawa

Love Like Jesus

ARAW 7 NG 13

Paghihintay Habang nasa Pila sa Bangko

Noon pa ako naguguluhan sa tinatawag na katayuang panlipunan. Bakit ba ang mga tao ay itinataas ang ibang tao at ang iba ay hindi naman? Maaaring maraming kadahilanan na nakakapagpabago sa katayuan ng tao sa lipunan: kasikatan, kayamanan, kakayahan, kagandahan, katangian, titulo, mga minana, at iba pa.

Maaaring noong nasa mataas na paaralan ako ay doon ko napansin ang iba't-ibang ranggo ng popularidad, ngunit hanggang sa ako ay magka-edad ay patuloy kong napansin kung paanong ang mga tao ay nagkakaisang kumakatig sa iba, at sama-sama ring hindi pinapansin ang iba. Binibigyan natin ng ranggo ang bawat isa, kung saan inilalagay natin ang iba sa unahan at ang iba ay sa huli.

Noong unang taon ng paglipat ko sa malaking siyudad, nagkamali ako sa pagpunta sa ATM sa araw ng Sabado. Habang papunta ako sa aking kakatagpuin na gusto ko sanang pahangain, pumila ako sa isang mahabang linya ng mga naiinip na taong nangangailangan ng pera para gamitin sa Sabado at Linggo. Nag-iisip ako noon, kaya hindi ko agad napansin ang kaguluhan sa unahan ng linya kung saan may walong taong sangkot. Subalit may isang hikbi at pagmumurang nakakuha ng aking atensyon, at napansin ko ang isang babaeng pinipilit pigilan ang kanyang emosyon at tapusin ang kanyang transaksyon. Tinitigan ko ang babae, at pagkatapos ay ang mahabang linya ng mga tao sa harap at sa likuran ko. Lahat ay umiiwas na tumingin sa mata, at may paggalang ( o baka simpleng naiinip lang) na hindi pinapansin ang babaeng nagkakaproblema. Kinansela ng babae ang kanyang transaksyon at pagkatapos ay tumingin sa aming lahat at sinabi, "Kamamatay lang ng tatay ko." Ito ay hindi isang paghingi ng paumanhin, at mas masasabing isang pagpapaliwanag. Nang wala siyang narinig na tugon, bumaling siya, habang umiiyak pa rin, at nagtungo sa paradahan ng mga sasakyan. Tumingin ako sa aking paligid para sa sinumang maaaring tumulong, dahil iniisip kong talagang kailangang may gawin. Nakakapanliit, pero napagtanto kong ang dahilan kung bakit nakapako ang mga paa ko sa kinatatayuan ko ay dahil ayokong mawala ang lugar ko sa humahabang linya.

Gaano kadalas nating inuuna ang mga programa natin kaysa sa mahalin ang mga tao sa paraang tinatawag tayo ni Jesus? Gaano kadalas nating hindi pinapansin ang mga taong mahalaga kay Cristo dahil sa mababaw na pamantayan natin sa kanilang halaga? Nang sandaling iyon sa ATM, may pupuntahan ako at sa isang taong gusto kong mapahanga. Itong babaeng ito ay hindi ko kilala, at may pagkamakasariling iniisip kong wala akong maibibigay na panahon para sa kanya. Ngunit hindi tayo tinatawag ni Cristo upang paglingkuran Siya kung kailan kombinyente lang sa atin. Hindi Niya hinihinging maglingkod tayo doon lamang sa mga taong itinuturing nating marapat sa ating atensyon. Babaligtarin Niya ang mga prayoridad natin—mula sa reyna ng prom hanggang sa reyna ng pornograpiya, o mula sa adik hanggang sa atleta—at idedeklara na sa kabila ng mabababaw nating pagtawag sa mga tao, ang una ay magiging huli at ang huli ay mauuna.

Ang nagdadalamhating babae ay nahihirapang buksan ang kanyang sasakyan, at natagpuan ko ang sarili kong tumatakbong patungo sa kanya. Siya na ang naging prayoridad ko habang ang puso ko ay napupuno ng awa para sa kanya. Sa kanyang pagkagulat, buong taimtim kong sinabi, "Nalulungkot ako sa nawala sa iyo." Muling kumunot ang kanyang mukha at umiyak siya habang niyayakap ko siya. Pagkatapos ng isang minuto ay natahimik na siya at tahimik na pinasalamatan ako habang sumasakay siya sa kotse at umalis na. Bumalik ako sa ATM kung saan ang mga tao ay abala sa kanilang mga telepono, at sinasadyang hindi ako pansinin.

At bumalik ako sa puwesto ko sa dulo ng linya.

Beth Castle
Life.Church Creative Media Team (Spouse)

Araw 6Araw 8

Tungkol sa Gabay na ito

Love Like Jesus

Paano tayo matututong mabuhay tulad ni Jesus kung hindi muna natin matututunang magmahal nang tulad Niya? Magbasa kasabay ang kawani ng Life.Church at kanilang mga asawa habang muli nilang isinasalaysay ang mga karanasan at ang Banal na Kasulatang nagbigay-inspirasyon sa kanila upang mabuhay nang ganap at Magmahal Tulad ni Jesus.

More

Nais naming pasalamatan ang Life.Church sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaring bisitahin ang: www.life.church