Magmahal Tulad ni JesusHalimbawa
Nagmamahal sa Bagbag ang Puso
Lumaki ako sa isang wasak na tahanan. Ang droga, alak, at pisikal na pananakit ay pangkaraniwan at inaasahan na. Hindi nagtagal at taglay ko na ang ilan sa mga katangiang nakikita ko araw-araw. Hindi ko namamalayan, ginagabi na ako sa labas sa pakikipag-inuman, at nagnanakaw ng droga na itinago ng amain ko upang ipagbenta at madalas ay upang gamitin. Natatandaan kong naglalakad akong pauwi nang 7:00 ng umaga upang maghandang pumasok sa paaralan pagkatapos ng isang gabi ng pakikipag-inuman at paggamit ng droga. Tumingin ako sa salamin, hindi ako natuwa sa taong nakita kong nakatitig doon sa akin. Ako ay naging isang taong matagal ko nang kinamumuhian—isang taong ipinangako ko sa sarili kong hindi magiging ako. Hindi nagtagal bago pinangatwiranan ko ito at nakumbinsi ko ang sarili kong ito ang kapalaran ko. "Ito na lang talaga ang kayang ibigay ng paninirahan sa isang maliit na bayan," ang sabi ko sa sarili ko. "Ano pa bang maaaring gawin?"
Noong panahong iyon din, mapilit ang lola ko sa pag-aanyaya sa aking pumunta sa simbahan. Kung minsan ay pinagbibigyan ko siya at sinisigurado kong hindi ako lasing o hindi ako masyadong nagpuyat nang nakaraang gabi. Katulad nang sabi ko dati, nakatira ako sa isang maliit na bayan. Kung naranasan mo nang tumira sa ganitong bayan, alam mo na madalas ay alam ng lahat kung anong ginagawa mo bago mo pa ito gawin. Alam niya ang aking paggamit ng droga at ipinapanalangin niya ako sa Diyos na ipakikita Niya ang Kanyang pag-ibig at plano para sa akin. Ang mga ito ay mas kapaki-pakinabang at may pag-asa nang higit pa sa aking maaaring pangarapin o isipin.
Ang buhay sa aming tahanan ay lumalala, at ang pang-aabuso ay nabago mula sa katamtaman papunta sa sukdulan. Kung gugunitain ko, nakamamangha kung paanong inayos ng Diyos ang mga pangyayari. Ang pagmamahal sa akin ng lola ko at ang kakayahan niyang hindi tingnan ang aking mga kamalian ang nagdala sa akin sa isang pamilyang handa akong tanggapin bilang isa sa kanila. Nakipagsapalaran sila sa isang problemadong kabataan. Sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal at pagtanggap, nakita ko ang pag-ibig ni Cristo para sa akin. Dahilan sa pag-ibig na iyon kaya ako ay isang bagong tao na ngayon. Isang lalaking may magandang buhay may-asawa at mga anak na palalakihing batid ang pagmamahal na hindi ko alam dati. Lahat ng ito ay nakamit ko dahil may mga taong kayang magmahal na tulad ni Jesus.
Danny Duran
Life.Church Overland Park
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Paano tayo matututong mabuhay tulad ni Jesus kung hindi muna natin matututunang magmahal nang tulad Niya? Magbasa kasabay ang kawani ng Life.Church at kanilang mga asawa habang muli nilang isinasalaysay ang mga karanasan at ang Banal na Kasulatang nagbigay-inspirasyon sa kanila upang mabuhay nang ganap at Magmahal Tulad ni Jesus.
More