Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Magmahal Tulad ni JesusHalimbawa

Love Like Jesus

ARAW 11 NG 13

Tulad ng Pagmamahal ni Cristo sa Simbahan (Bahagi 2)

Dalawang taon pa lamang kaming ikinakasal nang maramdaman niya iyon: ang biglang matinding kirot na agad-agad na napupuspos ang lahat ng kanyang pakiramdam. Ang tindi nito ay mababawasan sa mga susunod na oras na parang daluyong ng mga sakit, pagdaing, at mga luha. Bilang isang mahiyain at payat na 20 taong gulang, ipinangako kong mamahalin ang babaeng ito sa hirap at ginhawa, ngunit inakala kong ang pinakamalala ay darating pagkatapos ng mga dekada ng paghahanda. Hindi ito ang nangyari. Ang kirot ay pabalik-balik. Sa gabi, habang ang aming anak ay nasa dulo ng pasilyo, sinubukan naming magkaroon ng ugnayan tulad ng ginagawa ng ibang mga nasisiyahang mag-asawa, sa halip ay puro kirot lamang. Iyon ang mga unang ilang araw na magiging tatlong taong tagtuyot sa pisikal na intimasiya bilang mag-asawa. Ito ay gumapang sa aming silid-tulugan at nagbanta sa aming buhay may-asawa na parang isang mahabang anino sa gabi. Ang akto na sadyang nilikha upang maging mas malapit kami sa isa't-isa ay siya ngayong naghihiwalay sa amin. Magdadaan ang mga linggo at muli naming susubukan sa pag-asang mag-iiba ang sitwasyon, ngunit hindi pa rin. Nang maglaon, hindi na kami sumubok. Maraming mga gabing magkatalikuran kami sa kama na nakaharap sa magkabilang dingding. Naririnig ko ang mga impit na pag-iyak niya habang pinipilit niyang itago ang kirot na nadarama, at ako ay tahimik na iiyak sa aking unan.

Hindi ito ang naisip kong pag-aasawa. Ang mga hugasin at mga lampin, ang mga lalabhan at ang pagsasaayos ng bakuran—lahat ng mga responsibilidad ay nagpatong-patong at lalo pang nagpalayo sa amin sa isa't-isa. Walang mga sandali ng pagkakasundo pagkatapos ng mga pagtatalo. Walang mga Sabado ng umaga. Walang mga gabi ng paglabas na magkasama. Iniwan kaming nanlulumo sa pisikal at sa emosyonal na aspeto ng pakikibakang ito. Akala ko ay minamahal ko siyang tulad ng pagmamahal ni Cristo sa Simbahan, ngunit hindi ko talagang batid kung anong ibig sabihin ng pagsusuko ng sarili ko para sa kanya. Nabatid ko kung gaano kakaunti ng nalalaman ko patungkol sa pagmamahal na katulad ng pagmamahal ni Jesus. Inisip kong sumuko na lamang. Maraming gabi, kapag siya ay nasa kama na ay nananatili akong gising at umiiyak sa Diyos sa panalangin. Nakita ko ang paulit-ulit na pagsubok kong makipag-ugnayang muli sa kanya na nababale-wala araw-araw sa mga kadahilanang hindi ko maunawaan.

Doon ibinukas ng Diyos ang aking mga mata, at naalala kong inisip ko noon, ganito ang nararamdaman ng Diyos sa akin. Tuwing umaga, hinihingi Niyang makipag-ugnayan ako sa Kanya, ngunit masyado akong abala. Tuwing gabi bago ako matulog, sa halip na gumugol ng oras kasama si Jesus, inuubos ko ang aking damdamin sa pag-iisip na kawawa ako. Nakikini-kinita ko na ang kirot at dalamhati ni Jesus sa patuloy kong pagtanggi sa Kanyang pinakamatalik na pag-anyaya sa akin.

Sa buong panahong nangyayari ito, pinanghahawakan ko ang karapatan ko bilang asawang lalaki habang inaangkin kong ito ay tungkol sa pagpapatibay ng aming buhay bilang mag-asawa. Kung ito ay mapagtatagumpayan ko, kailangan kong magbago. Kahit na ang pakiramdam ko ay hindi ito timbang, kinakailangan niyang makita na isinasaisantabi ko ang aking karapatan bilang asawang lalaki at minamahal ko siya nang walang pasubali. Kaya, sa tuwing nararamdaman ko ang sakit ng pagkabigo ay inaalala ko kung anong naramdaman ng Diyos noong tinanggihan ko Siya. Sa aklat ng Efeso, sinasabi doon na ang isang lalaki na minamahal ang kanyang asawang babae ay minamahal ang kanyang sarili. Natutunan kong kapag nararamdaman ko na ako'y hindi minamahal, doon ko higit na kailangang mahalin ang asawa ko. Ang ganoong uri ng maturidad ay hindi basta dumarating sa pagdaan ng panahon. Kailangan itong linangin sa pamamagitan ng sakit, sakripisyo, at pagpapasakop.

Hindi pa rin ako kasing-galing ni Jesus sa pagmamahal ko sa aking asawa, ngunit lubusang pinapanumbalik Niya ang aming buhay may-asawa at binigyan Niya kami ng mahigpit na pagbubuklod. Dahil sa sakit na aming naranasan at sa aming pagpili na mahalin ang isa't-isa sa kabila noon, nagkaroon kami ng isang antas ng intimasiya na hindi kailanman mararanasan ng ibang buhay may-asawa.

Michael Martin
YouVersion Team

Banal na Kasulatan

Araw 10Araw 12

Tungkol sa Gabay na ito

Love Like Jesus

Paano tayo matututong mabuhay tulad ni Jesus kung hindi muna natin matututunang magmahal nang tulad Niya? Magbasa kasabay ang kawani ng Life.Church at kanilang mga asawa habang muli nilang isinasalaysay ang mga karanasan at ang Banal na Kasulatang nagbigay-inspirasyon sa kanila upang mabuhay nang ganap at Magmahal Tulad ni Jesus.

More

Nais naming pasalamatan ang Life.Church sa pagbibigay ng planong ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaring bisitahin ang: www.life.church