Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Battlefield of the Mind Devotional (Filipino)Halimbawa

Battlefield of the Mind Devotional

ARAW 14 NG 14

Ang Pag-iisip ni Cristo

Ang sipi mula sa Banal na Kasulatan para sa araw na ito ay mahirap maunawaan ng marami. Kung hindi lamang ito nakasulat sa Biblia ay hindi nila ito paniniwalaan. Karamihan ay umiiling nalang at nagtatanong ng, "Paano ito mangyayari?"

Hindi sinasabi ni Pablo na tayo ay perpekto o hindi mabibigo kailanman. Sinasabi niya na bilang mananampalataya ni Jesus, na Anak ng Diyos, ipinagkaloob sa atin ang pag-iisip ni Cristo. Ibig sabihin nito may kakayahan tayong mag-isip ng mga espirituwal na bagay sapagkat buhay si Cristo sa atin. Hindi na tulad ng dati ang ating pag-iisip. Nagsisimula na tayong mag-isip nang tulad Niya.

Kapag ang Espiritu Santo ay buhay at kumikilos sa atin, ang pag-iisip ni Cristo ang kumikilos. Ang pag-iisip ni Cristo ay ibinigay sa atin upang ituro sa atin ang tamang daan. Kapag nasa atin ang Kanyang pag-iisip, positibo ang ating mga maiisip. Maiisip natin kung gaano tayong pinagpapala--kung paanong napakabuti ng Diyos sa atin.

Nanatiling positibo si Jesus, sa kabila ng mga paninira, kalungkutan, maling pag-unawa ng iba, at napakarami pang ibang negatibong bagay na kinaharap Niya. Siya ay iniwan ng Kanyang mga alagad noong panahong pinakakailangan Niya sila, ngunit siya ay nanatiling positibo--palaging handang magpasigla ng loob ng iba. Ang simpleng makasama Siya ay katumbas nang paglalaho ng lahat ng takot, negatibong pag-iisip, at nakapanlulumong kawalan ng pag-asa.

Ang pag-iisip ni Cristo na nasa atin ay positibo. Kaya't kapag tayo'y bumibigay sa pagkakataong maging negatibo, dapat ay agad nating mabatid na hindi tayo kumikilos ayon sa pag-iisip ni Cristo. Nais tayong iangat ng Diyos. Ang kaaway ng ating kaluluwa ang naghahangad na ibagsak tayo-malugmok sa depresyon. Marami tayong pagkakataon na mag-isip ng mga negatibong bagay, ngunit hindi iyon ang pag-iisip ni Cristo na kumikilos sa atin. Hindi natin kailangang tanggapin ang mga kaisipang ito. Ang mga ito ay hindi sa atin!

Manalangin: Panginoon, labis ko pong ninanais na magkaroon ng kamalayan tungkol sa pag-iisip ni Cristo sa aking buhay, at gusto kong mabatid ito sa bawat minutong ako ay gising. Tulungan po Ninyo akong buksan ang aking sarili upang tanging ang Inyong kalooban ang aking malaman at maiwaksi ang lumang pag-iisip na magliligaw sa akin ng landas. Hinihiling ko po ito sa pangalan ni Jesus. Amen.

Mula sa aklat na "Battlefield of the Mind Devotional" ni Joyce Meyer. Copyright © 2005 ni Joyce Meyer. Inilathala ng FaithWords. All rights reserved.

Banal na Kasulatan

Araw 13

Tungkol sa Gabay na ito

Battlefield of the Mind Devotional

May mga bagay na dumarating sa ating buhay na hindi natin inaasahan. Kapag nagsimula na ang kaguluhan sa iyong isipan, gagamitin ng kaaway ang lahat ng sandatang nasa kanya upang pahinain ang iyong ugnayan sa Diyos. Ngunit hindi mo kailangang maging biktima niya. Ang debosyonal na ito ay mabibigay sa iyo ng mga inspirasyong puno ng pag-asa na tutulong na mapagtagumpayan mo ang galit, pagkalito, paghatol, takot, pag-aalinlangan…at iba pa. Ang mga kaalamang ito ay makatutulong sa iyo na maisiwalat ang balak ng kaaway na ikaw ay lituhin at linlangin, harapin ang mga mapaminsalang pag-iisip, magtagumpay sa pagbabago ng iyong kaisipan, magkaroon ng kalakasan, pag-asa, at pinakamahalaga, magtagumpay sa bawat digmaan na nasa iyong isipan. Ikaw ay may kapangyarihang lumaban at ito ay mahalagang magawa mo… kahit na paunti-unti araw-araw!

More

Nais naming pasalamatan ang Joyce Meyer Ministries sa pagbabahagi ng debosyonal na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: www.joycemeyer.org