Battlefield of the Mind Devotional (Filipino)Halimbawa
Ano ang ibig sabihin ng isipin natin na may perpektong plano ang Diyos para sa atin? Marahil ang salitang "perpekto" ang gumugulo sa ating isip. Tayo ay hindi perpekto at malimit magkamali. Paano magiging perpekto ang kahit ano sa ating buhay? Kilala natin ng lubos ang ating mga sarili. Kaagad ay naiisip natin ang ating mga pagkukulang at napapailing na lamang.
Isa itong panlilinlang ni Satanas! Ang plano ay hindi perpekto dahil tayo ay perpekto; ang plano ay perpekto sapagkat ang Diyos ay perpekto. Ang Diyos ay may natatanging plano sa buhay ng bawat isa sa atin.
Pag-isipan natin ang planong iyon. Sa Filipos 1:6, sinasabi ni Pablo na tayo ay iniligtas ng Diyos at may mabuting gawang pinasimulan sa atin. Isinulat din ni Pablo sa Efeso 2:10 na tayo'y nilalang (o nilikha) ng Diyos. Ang dalawang bersikulong ito ay nagsasabing tayo ay nailigtas dahil sa kagandahang-loob ng Diyos. Wala tayong kinalaman sa pagliligtas na ito--hindi ito bunga ng ating mga gawa at hindi tayo karapat-dapat nito. Ang ating kapanganakan sa kaharian ng Diyos ay isang kaloob.
Sa ating pagninilay sa mga gingawa ng Diyos sa atin, ipinaaalala natin sa ating mga sarili na ang Diyos ay perpekto. Wala tayong maaaring gawin upang maabot ang pagiging perpekto ng Diyos. Tanging si Jesus lamang, Siya na Perpekto, ang karapat-dapat. Tanging sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Kanya tayo nagiging katanggap-tanggap sa Diyos.
Sa oras na sabihin natin ang, "Nguni't sandali! Hindi ako perpekto! Nabibigo ako," iniaalis natin ang ating paningin sa Diyos at hinahayaang mailihis tayo ni Satanas sa pamamagitan ng maling pag-iisip. Ang ating Panginoong mapagmahal ay nagsusumamo na atin na ituon nang lubos ang ating mga puso't isipan sa Kanya. Mas lubos natin itong ginagawa, mas lubos tayong nakakapamuhay ayon sa Kanyang mabuti at perpektong plano.
Manalangin: Perpektong Diyos, tulungan po Ninyo ako sa labanang ito na nasa aking isipan. Patuloy pong ipinaaalala sa akin ni Satanas ang aking mga kapintasan at kahinaan, ngunit hinihiling ko po sa Inyong ipaalala sa akin ang Inyong pagiging perpekto, ang Inyong pag-ibig, at ang Inyong pagiging malapit upang ako ay palaging magtagumpay. Aking hinihiling ang mga ito sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Amen.
Mula sa aklat na "Battlefield of the Mind Devotional" ni Joyce Meyer. Copyright © 2005 ni Joyce Meyer. Inilathala ng FaithWords. All rights reserved.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
May mga bagay na dumarating sa ating buhay na hindi natin inaasahan. Kapag nagsimula na ang kaguluhan sa iyong isipan, gagamitin ng kaaway ang lahat ng sandatang nasa kanya upang pahinain ang iyong ugnayan sa Diyos. Ngunit hindi mo kailangang maging biktima niya. Ang debosyonal na ito ay mabibigay sa iyo ng mga inspirasyong puno ng pag-asa na tutulong na mapagtagumpayan mo ang galit, pagkalito, paghatol, takot, pag-aalinlangan…at iba pa. Ang mga kaalamang ito ay makatutulong sa iyo na maisiwalat ang balak ng kaaway na ikaw ay lituhin at linlangin, harapin ang mga mapaminsalang pag-iisip, magtagumpay sa pagbabago ng iyong kaisipan, magkaroon ng kalakasan, pag-asa, at pinakamahalaga, magtagumpay sa bawat digmaan na nasa iyong isipan. Ikaw ay may kapangyarihang lumaban at ito ay mahalagang magawa mo… kahit na paunti-unti araw-araw!
More