Battlefield of the Mind Devotional (Filipino)Halimbawa
Patuloy akong namamangha sa kuwento ni Abraham kahit ilang ulit ko na itong nabasa. Hindi lamang dahil nagkaanak siya noong siya ay isang daang taong gulang na. Iyon ay isang himala. Ngunit himala ring maghintay siya nang dalawampu't limang taon para sa katuparan ng ipinangako sa kanya. Pitumpu't limang taon siya nang pinangakuan ng Diyos ng isang anak.
Ilan kaya sa atin ang mananampalataya sa Diyos at patuloy na aasa sa loob ng dalawampu't limang taon? Marahil marami sa atin ang magsasabing, "Hindi ko naman talaga narinig ang Diyos." "Malamang ay hindi talaga iyon ang ibig sabihin ng Diyos." O kaya nama'y, "Kailangan kong lumayo muna upang makakuha ng mas malinaw na mensahe mula sa Panginoon."
Dahil sa ating pagkainip, madalas tayong gumagawa ng sariling diskarte. Nakakaisip tayo ng "magagandang ideya"-- sarili nating mga plano na sana ay basbasan ng Diyos. Ang ganitong mga plano ay nagbubukas ng pinto sa pagkalito at kaguluhan. At kakailanganin pa nating isaayos ang anumang pinsalang maibunga ng mga ito, na madalas mag-aantala ng ating himala.
Ang Biblia ay nagbibgay sa atin ng mga pangako, pag-asa, at sigla ng loob. Ipinapangako ng Diyos ang kabutihan sa mga naglilingkod sa Kanya. Sa kabila ng hirap na ating pinagdaraanan--at ang ilan ay talagang nasa napakatinding paghihirap--ipinapangako pa rin ng Diyos ang kabutihan. Ngunit maaring iba sa Diyos ang ating pagkaunawa sa kabutihan. Ang agad makuha ang ating gusto ay maaaring hindi ang pinakamabuti para sa atin. Minsan ang paghihintay ang pinakamabuti sapagkat nakatutulong itong linangin sa atin ang pagkatao ng Diyos.
Pinipili ng Diyos gawin ang mabuti sa atin at ang pasayahin tayo; pinipili ng diyablo gawin ang masama at gawin tayong miserable. Maaari tayong manatiling matiyaga at patuloy na manampalataya sa mga pangako ng Diyos, o maaari nating pakinggan ang buktot na bulong ng diyablo at maligaw ng landas.
Ang lubos na pananampalataya sa mga pangako ng Diyos ay nagbubunga ng mabubuting resulta sapagkat Siya na Mabuti ang nagbibigay ng mga ito sa atin. Huwag kang susuko, at iyong makikita ang mga resulta ng iyong lubos na pananampalataya.
Manalangin: Mahal na Ama sa langit, patawarin po Ninyo ako sa aking kawalan ng pananampalataya. Patawarin po Ninyo ako sapagkat hinayaan kong malinlang ako ni Satanas na isiping ako ay walang halaga o hindi nararapat sa Inyong mga himala. Nararapat po ako sapagkat ginawa po Ninyo akong karapat-dapat. Kayo po ang Diyos ng imposible, at hinihiling ko po sa Inyo na tulungan akong maghintay at umasa sa Inyo at huwag sumuko. Ito po ang aking dalangin sa pangalan ni Jesu-Cristo na aking Panginoon. Amen.
Mula sa aklat na "Battlefield of the Mind Devotional" ni Joyce Meyer. Copyright © 2005 ni Joyce Meyer. Inilathala ng FaithWords. All rights reserved.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
May mga bagay na dumarating sa ating buhay na hindi natin inaasahan. Kapag nagsimula na ang kaguluhan sa iyong isipan, gagamitin ng kaaway ang lahat ng sandatang nasa kanya upang pahinain ang iyong ugnayan sa Diyos. Ngunit hindi mo kailangang maging biktima niya. Ang debosyonal na ito ay mabibigay sa iyo ng mga inspirasyong puno ng pag-asa na tutulong na mapagtagumpayan mo ang galit, pagkalito, paghatol, takot, pag-aalinlangan…at iba pa. Ang mga kaalamang ito ay makatutulong sa iyo na maisiwalat ang balak ng kaaway na ikaw ay lituhin at linlangin, harapin ang mga mapaminsalang pag-iisip, magtagumpay sa pagbabago ng iyong kaisipan, magkaroon ng kalakasan, pag-asa, at pinakamahalaga, magtagumpay sa bawat digmaan na nasa iyong isipan. Ikaw ay may kapangyarihang lumaban at ito ay mahalagang magawa mo… kahit na paunti-unti araw-araw!
More