Battlefield of the Mind Devotional (Filipino)Halimbawa
“Paano mo nagawa ito?” sigaw ni Helen. "Paano mo nagawa ang ganitong bagay?"
Walang magawa si Tom kundi tumingin sa kanyang asawa. Siya ay nangalunya, umamin sa kanyang kasalanan, at humingi ng kapatawaran sa kanyang asawa.
“Hindi ko kailanman binalak na pagtaksilan ka,” ang sagot ni Tom na naiiyak.
Hindi siya nagsisinungaling. Batid niya na may mga mali siyang pagpipili, ngunit hindi niya naisip ang kahihinatnan ng mga ito. Makalipas ang halos isang oras ng pagmamakaawa, may nasabi siyang nakatulong kay Helen upang maunawaan at kalaunan ay mapatawad siya.
“Hindi ako naging tapat sa iyo kahit bago pa man ako nangalunya.” Sinabi niya kung paanong naging lubos silang abala at wala nang panahon sa isa’t-isa, ang pagiging mapamintas niya (Tom), ang pagsasawalang-bahala ni Helen, ang hindi pakikinig ni Helen kapag si Tom ay nagkukuwento ng mga problema niya sa opisina.
Ganyang-ganyan kumilos si Satanas. Nagsisimula siya sa pamamagitan nang paulit-ulit na atake sa ating mga isipan ng mga mapanlinlang na gawaing nagdudulot ng pagkainis, kawalang-kasiyahan, pag-aalinlangan, takot, at pangangatuwiran. Marahan at maingat siyang kumikilos (kung sabagay, ang masinsin na plano ay hindi minamadali).
Nagsimulang magduda si Tom sa pagmamahal ni Helen. Hindi na nakikinig si Helen sa kanya, at kalimitang hindi na pinapansin ang mga paglalambing ni Tom.
Isa sa mga katrabaho ni Tom ay nakinig. Isang beses, sinabi pa niya, “Hindi karapat-dapat si Helen sa isang malambing at maalagang lalaki tulad mo.” (Si Satanas ay kumilos rin sa kanya.) Sa bawat unti-unting hakbang ni Tom lihis sa tamang daan, pinangangatuwiranan niya ang mga ito sa kanyang isip: Kung ayaw makinig sa akin ni Helen, may ibang tao namang handang makinig.
Nakinig nga ang kanyang katrabaho. Makaraan ang ilang linggo, niyakap niya ito at minithing maramdaman ang kaparehong mapagmahal na pagturing mula sa kanyang asawa. Walang malisya sa yakap na iyon—o akala lang niya.
Hindi naunawaan ni Tom na si Satanas ay hindi kailanman nagmamadali. Ang kailangan lamang niya ay pagkakataong makapagtanim ng mga buktot at makasariling ideya sa ating mga isipan. Kung hindi natin sisipaing palabas, mananatili ang mga ito. At maipagpapatuloy niya ang kanyang buktot at mapanirang balak.
Hindi natin kailangang pahintulutan ang mga maling kaisipan na mamahay sa ating mga isip. Ang sandatang ginamit namin sa pakikipaglaban... ang kapangyarihan ng Diyos… Sinisira namin ang mga maling pangangatuwiran, ginagapi namin ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos, at binibihag namin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo (2 Corinto 10:4-5).
Panginoong Jesus, sa Inyong pangalan, hinihiling ko ang tagumpay. Bigyan po Ninyo ako ng kakayahang supilin ang mga hindi kanais-nais na ideya sa aking isipan. Tulungan po Ninyo ako na huwag pahintulutan ang mga salita ni Satanas na mamahay sa aking isipan at nakawin ang aking tagumpay. Amen.
Mula sa aklat na "Battlefield of the Mind Devotional" ni Joyce Meyer. Copyright © 2005 by Joyce Meyer. Inilathala ng FaithWords. All rights reserved.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
May mga bagay na dumarating sa ating buhay na hindi natin inaasahan. Kapag nagsimula na ang kaguluhan sa iyong isipan, gagamitin ng kaaway ang lahat ng sandatang nasa kanya upang pahinain ang iyong ugnayan sa Diyos. Ngunit hindi mo kailangang maging biktima niya. Ang debosyonal na ito ay mabibigay sa iyo ng mga inspirasyong puno ng pag-asa na tutulong na mapagtagumpayan mo ang galit, pagkalito, paghatol, takot, pag-aalinlangan…at iba pa. Ang mga kaalamang ito ay makatutulong sa iyo na maisiwalat ang balak ng kaaway na ikaw ay lituhin at linlangin, harapin ang mga mapaminsalang pag-iisip, magtagumpay sa pagbabago ng iyong kaisipan, magkaroon ng kalakasan, pag-asa, at pinakamahalaga, magtagumpay sa bawat digmaan na nasa iyong isipan. Ikaw ay may kapangyarihang lumaban at ito ay mahalagang magawa mo… kahit na paunti-unti araw-araw!
More