Battlefield of the Mind Devotional (Filipino)Halimbawa
Sa aking aklat na "Battlefield of the Mind", isinulat ko ang tungkol kay John, isang tahimik na tao. Siya ay isang lalaki na inabuso ng kanyang ina ng mga masasakit na salita at tinuya ng mga kalaro noong siya ay bata pa. Ayaw na ayaw niya ng alitan at hindi niya kayang salungatin ang kanyang asawang si Mary.
Kumbinsido si John na walang kahihinatnang mabuti ang manindigan laban kaninuman; matatalo lang naman siya. Sa isip niya ang tanging paraan upang makasundo ang iba ay ang manahimik at tanggapin anuman ang mangyari.
May isa pang kasinungalingan na pinaniwalaan si John—na siya ay hindi tunay na mahal ng Diyos. Dahil iyon ang pakiramdam niya, naniwala siya sa mga kasinungalingan ng diyablo. “Pakiramdam ko sinabi ng Diyos sa sanlibutan, 'Magtiwala kayo kay Jesus at maliligtas kayo.' Parang napasali ako sa isang package deal —nguni’t kailanman ay hindi ko naramdamang karapat-dapat akong mahalin.”
Kung nakumbinsi ka ng kalaban ng iyong isipan na labis kang masama o walang pakinabang, nakapagtatag na siya ng kuta sa iyong isipan.
Bagama’t si John ay isang Cristiano, ang pag-iisip niya ay nabilanggo na ng kalaban.
Kailangang malaman ni John na minamahal siya, at mahalaga siya sa kaharian ng Diyos tulad nina Pablo, Moises, o sino pa man. Upang manalo si John sa kanyang laban at mapabagsak ang mga kutang itinatag ng diyablo sa isip niya, kailangang malaman niya ang katotohanan. Sinabi ni Jesus, "Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga'y tunay na mga alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”" (Juan 8:31b-32).
Sa pagbabasa ng Salita ng Diyos, pananalangin, at pagbubulay-bulay sa sinasabi ng Salita, natutuklasan ni John ang katotohanan. Natututo rin siya sa araw-araw na pagsasabuhay ng Salita ng Diyos, at sa pagdanas ng pagbubunga nito gaya ng sinabi ni Jesus.
Natutunan ko mula sa Biblia at sa mga karanasan ko sa buhay na ang Salita ng Diyos ay makapangyarihan at maibabagsak nito ang mga kuta na itinatag ni Satanas sa ating mga isipan.
Hindi ka magiging malaya maliban na lamang kung alam mo na ang mga sandatang ginamit sa pakikipaglaban ay nariyan para magamit mo at maaari mong matutunang gamitin ang mga ito.
Panginoong Diyos sa langit, ipaalala po Ninyo sa akin na mahalaga ako sa Inyo at mahal Ninyo ako, kahit na sa wari ko’y walang nagmamahal sa akin. Tulungan po Ninyo akong matutunan na ako ay mahalaga sa Inyo tulad ng ibang Cristiano at mahal Ninyo ako tulad din ng pagmamahal Ninyo sa kanila. Pinasasalamatan ko po Kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo Amen.
Mula sa aklat na "Battlefield of the Mind Devotional" ni Joyce Meyer. Copyright © 2005 by Joyce Meyer. Inilathala ng FaithWords. All rights reserved.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
May mga bagay na dumarating sa ating buhay na hindi natin inaasahan. Kapag nagsimula na ang kaguluhan sa iyong isipan, gagamitin ng kaaway ang lahat ng sandatang nasa kanya upang pahinain ang iyong ugnayan sa Diyos. Ngunit hindi mo kailangang maging biktima niya. Ang debosyonal na ito ay mabibigay sa iyo ng mga inspirasyong puno ng pag-asa na tutulong na mapagtagumpayan mo ang galit, pagkalito, paghatol, takot, pag-aalinlangan…at iba pa. Ang mga kaalamang ito ay makatutulong sa iyo na maisiwalat ang balak ng kaaway na ikaw ay lituhin at linlangin, harapin ang mga mapaminsalang pag-iisip, magtagumpay sa pagbabago ng iyong kaisipan, magkaroon ng kalakasan, pag-asa, at pinakamahalaga, magtagumpay sa bawat digmaan na nasa iyong isipan. Ikaw ay may kapangyarihang lumaban at ito ay mahalagang magawa mo… kahit na paunti-unti araw-araw!
More