Battlefield of the Mind Devotional (Filipino)Halimbawa
Kapag sinisimulan tayong harapin ng Diyos tungkol sa ating mga maling asal, madaling sabihin ang, "Hindi ko kasi mapigilan," nguni't tunay na lakas ng loob at pananampalataya ang kinakailangan upang masabing, "Handa akong akuin ang responsibilidad at ituwid ang aking buhay."
Malaking bahagi ng ating pag-iisip ay dala ng ating nakagawian. Kung palagi nating iisipin ang Diyos at mga mabubuting bagay, ang mga maka-diyos na isipan ay nagiging natural. Libo-libong isipan ang dumadaan sa ating isip araw-araw. Maaari nating maramdamang wala tayong kakayahang pamahalaan ang mga ito, ngunit may kakayahan tayo. Bagama't walang hirap sa atin ang mag-isip ng mga hindi kanais-nais na bagay, kinakailangan ng ibayong pagsisikap upang makapag-isip ng mga mabubuting isipan. Sa simula ng ating pagbabago, sasabak tayo sa isang labanan.
Ang isip natin ang pook ng labanan, at ang pangunahing paraan ni Satanas na ilunsad ang kanyang maitim na plano para sa atin ay sa pamamagitan ng ating mga isipan. Kung iisipin natin na wala tayong kapangyarihan sa sarili nating mga isipan, madali tayong masisilo at magagapi ni Satanas. Bagkus, piliing mag-isip sa mga maka-diyos na paraan.
Binibigyan tayo ng Diyos ng kapangyarihan na magpasiya--na piliin ang tamang pag-iisip kaysa sa mali. Kapag nagpasiyahan natin ito, kinakailangang magpatuloy na tayo sa pagpili ng mabuti. Hindi ito pang-isang-beses lamang na pagpapasiya, nguni't habang tumatagal ay nagiging mas madaling gawin. Mas pinupuno natin ang ating buhay ng pagbabasa ng Biblia, pananalangin, pagpupuri, at pagtitipon-tipon kasama ang ibang mga mananampalataya, mas nagiging madali sa atin ang pagpili ng mga tamang kaisipan.
Ang matutunang piliin ang tama at itulak palayo ang kasamaan ay kinakailangan ng panahon. Hindi ito magiging madali, nguni't umaabante tayo sa tamang landas tuwing inaako natin ang responsibilidad at pinipili ang tama.
Manalangin: Makapangyarihang Diyos, ipaalala po Ninyo sa akin na may kakayahan akong pumili at magpapasiya araw-araw. Tulungan po Ninyo akong siyasatin ang aking mga isipan, at piliin lamang ang makatutulong sa akin na magtagumpay laban sa diyablo at magwagi sa labanan sa aking isipan. Idinadalangin ko po ito sa pangalan ni Jesus. Amen.
Mula sa aklat na "Battlefield of the Mind Devotional" ni Joyce Meyer. Copyright © 2005 ni Joyce Meyer. Inilathala ng FaithWords All rights reserved.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
May mga bagay na dumarating sa ating buhay na hindi natin inaasahan. Kapag nagsimula na ang kaguluhan sa iyong isipan, gagamitin ng kaaway ang lahat ng sandatang nasa kanya upang pahinain ang iyong ugnayan sa Diyos. Ngunit hindi mo kailangang maging biktima niya. Ang debosyonal na ito ay mabibigay sa iyo ng mga inspirasyong puno ng pag-asa na tutulong na mapagtagumpayan mo ang galit, pagkalito, paghatol, takot, pag-aalinlangan…at iba pa. Ang mga kaalamang ito ay makatutulong sa iyo na maisiwalat ang balak ng kaaway na ikaw ay lituhin at linlangin, harapin ang mga mapaminsalang pag-iisip, magtagumpay sa pagbabago ng iyong kaisipan, magkaroon ng kalakasan, pag-asa, at pinakamahalaga, magtagumpay sa bawat digmaan na nasa iyong isipan. Ikaw ay may kapangyarihang lumaban at ito ay mahalagang magawa mo… kahit na paunti-unti araw-araw!
More