Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Battlefield of the Mind Devotional (Filipino)Halimbawa

Battlefield of the Mind Devotional

ARAW 10 NG 14

Mag-Ingat sa Iyong Iniisip

Upang manalo sa digmaan sa iyong isipan at malipol ang iyong kaaway, napakahalagang isaalang-alang kung ano ang iyong pinagtutuunan. Mas higit mong pinagbubulay-bulayan ang Salita ng Diyos, mas lalakas ka rin at mas madali kang magtatagumpay sa mga laban.

Hindi napagtatanto ng maraming Cristiano ang pagkakaiba ng pagbubulay-bulay sa Biblia at pagbabasa ng Biblia. Nais nilang isipin na sa tuwing magbabasa sila ng Salita ng Diyos, maisasalin na sa kanila ang mga malalalim na bagay mula sa Diyos. Ang mga taong nagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos ay ang mga nag-iisip--nang taimtim--tungkol sa kanilang binabasa.

Hindi man nila bigkasin, ang sinasabi nila ay, "O Diyos, mangusap po Kayo sa akin. Turuan po Ninyo ako. Sa akin pong pagbubulay-bulay sa Inyong Salita, ipakita Ninyo sa akin ang tunay na diwa nito."

Hinango ko mula sa Mga Awit 1 ang babasahin para sa araw na ito. Ang awit na ito ay nagsisimula sa paglalarawan sa isang taong mapalad, at saka tinukoy kung ano ang mga ginagawa niyang tama. Isinulat ng salmista na ang mga nagbubulay-bulay--araw at gabi--ay tulad ng mga punongkahoy na namumunga sa takdang panahon... at ang lahat ng kanilang gawin ay magtatagumpay.

Malinaw na isinaad ng salmista na ang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos ay magbubunga. Habang iyong pinagbubulay-bulayan kung sino ang Diyos at ang Kanyang sinsasabi sa iyo, ikaw ay lalago. Ganyan lang kasimple. Kung babasahin mo at itutuon ang iyong isipan sa pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos, ang mga ito ang magpapakilos sa iyo.

Mag-ingat ka sa iyong mga iniisip. Mas madalas mong iisipin ang mabubuting bagay, mas tila bumubuti rin ang iyong buhay. Mas madalas mong iisipin si Jesus at ang Kanyang mga aral, mas lalo mo Siya magiging kawangis at lalo kang lalakas. At sa paglago mo, maipapanalo mo ang digmaan sa iyong isipan.

Manalangin: Panginoong Diyos, tulungan po Ninyo akong pag-isipan ang mga bagay na nagpaparangal sa Inyo. Puspusin po Ninyo ang aking buhay ng pananabik para sa Inyo at sa Inyong Salita, upang ako ay magtagumpay sa lahat ng bagay. Ito po ang aking dalangin sa pangalan ni Jesus. Amen.

Mula sa aklat na "Battlefield of the Mind Devotional" ni Joyce Meyer. Copyright © 2005 ni Joyce Meyer. Inilathala ng FaithWords. All rights reserved.
Araw 9Araw 11

Tungkol sa Gabay na ito

Battlefield of the Mind Devotional

May mga bagay na dumarating sa ating buhay na hindi natin inaasahan. Kapag nagsimula na ang kaguluhan sa iyong isipan, gagamitin ng kaaway ang lahat ng sandatang nasa kanya upang pahinain ang iyong ugnayan sa Diyos. Ngunit hindi mo kailangang maging biktima niya. Ang debosyonal na ito ay mabibigay sa iyo ng mga inspirasyong puno ng pag-asa na tutulong na mapagtagumpayan mo ang galit, pagkalito, paghatol, takot, pag-aalinlangan…at iba pa. Ang mga kaalamang ito ay makatutulong sa iyo na maisiwalat ang balak ng kaaway na ikaw ay lituhin at linlangin, harapin ang mga mapaminsalang pag-iisip, magtagumpay sa pagbabago ng iyong kaisipan, magkaroon ng kalakasan, pag-asa, at pinakamahalaga, magtagumpay sa bawat digmaan na nasa iyong isipan. Ikaw ay may kapangyarihang lumaban at ito ay mahalagang magawa mo… kahit na paunti-unti araw-araw!

More

Nais naming pasalamatan ang Joyce Meyer Ministries sa pagbabahagi ng debosyonal na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: www.joycemeyer.org