Battlefield of the Mind Devotional (Filipino)Halimbawa
Pamilyar sa karamihan sa atin ang mga salita ng Banal na Kasulatan na nasa babasahin ngayong araw, ngunit tapatan kong masasabi na hindi palaging madali ang isabuhay ito. Noong ako'y bata pa, hindi ko naranasan ang ganitong uri ng pag-ibig--sa katunayan, tinuruan akong maghinala sa lahat ng tao. Madalas sabihin sa akin na huwag pagtiwalaan ang mga motibo ng iba.
Samantalang mainam ang may kamalayan ng mga motibo ng iba, dapat tayong maging maingat na ang ating paghihinala ay hindi makapinsala sa ating mga damdamin tungkol sa iba. Ang pagiging labis na mapaghinala ay nakalalason sa isipan at maaaring makaapekto sa iyong kakayahang mahalin at tanggapin ang ibang tao.
Halimbawa, matapos kang magsimba ay may isang kaibigan na lumapit sa iyo at magsabing, "Alam mo ba kung ano ang sinasabi ni Doris tungkol sa iyo?" At saka niya iisa-isahin ang mga sinabi ni Doris. Una, ang isang tunay na kaibigan ay hindi magsisiwalat ng ganitong uri ng impormasyon. Pangalawa, dahil ikaw ay mapaghinala na, ikaw ay maniniwala na sa sabi-sabi.
Tapos isang araw naman ay makita mo si Doris na nakaupo ilang hilera lang sa harap mo sa simbahan, nagpupuri sa Panginoon. Agad mong maiisip ang, "Napakamapagkunwari niya."
Saka naman ipasusuri sa iyo Espiritu Santo ang iyong sariling kalagayan--ikaw ay nagpupuri sa Diyos habang nagkikimkim ng sama ng loob kay Doris. Hindi ba't sinabi ni Jesus na makipagkasundo ka muna sa iba bago ka maghandong sa Kanya? (Basahin ang Mateo 5:24)
At dahil sa mga salita ni Jesus madadama mo na nagkasala ka, at ikaw ay hihingi ng tawad kay Doris para sa masasamang damdamin na mayroon ka para sa kanya... at mapapatunganga siya sa labis na pagkagulat. At saka mo mapagtatanto ang iyong pagkakamali. Mali ang pagpapakahulugan mo sa mga ibinahagi ng iyong kaibigan tungkol kay Doris, kaya't nagkaroon ng pagkakataon ang diyablo na buyuin ka laban sa isang mabuting tao.
Ito ay isang magandang halimbawa ng kung papaanong ang paghihinala ay nakapipinsala ng mga relasyon at ng ating kagalakan habang inililigaw tayo ng landas.
Matagal bago ko napagtagumpayan ang nakalakihang paghihinala, ngunit natutunan ko rin sa wakas na kung tayo ay iibig tulad ng Diyos, hindi tayo maaaring magbigay ng puwang para sa paghihinala sa iba.
Manalangin: Panginoon, salamat po sa pagpapakita sa akin kung paano mapagtatagumpayan ang aking likas na mapaghinala sa pamamagitan ng pagtuturo sa akin na magmahal nang gaya Ninyo. Salamat po, Jesus, sa Inyong pagtitiyaga sa akin at sa pagiging dakilang halimbawa. Amen.
Mula sa aklat na "Battlefield of the Mind Devotional" ni Joyce Meyer. Copyright © 2005 ni Joyce Meyer. Inilathala ng FaithWords. All rights reserved.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
May mga bagay na dumarating sa ating buhay na hindi natin inaasahan. Kapag nagsimula na ang kaguluhan sa iyong isipan, gagamitin ng kaaway ang lahat ng sandatang nasa kanya upang pahinain ang iyong ugnayan sa Diyos. Ngunit hindi mo kailangang maging biktima niya. Ang debosyonal na ito ay mabibigay sa iyo ng mga inspirasyong puno ng pag-asa na tutulong na mapagtagumpayan mo ang galit, pagkalito, paghatol, takot, pag-aalinlangan…at iba pa. Ang mga kaalamang ito ay makatutulong sa iyo na maisiwalat ang balak ng kaaway na ikaw ay lituhin at linlangin, harapin ang mga mapaminsalang pag-iisip, magtagumpay sa pagbabago ng iyong kaisipan, magkaroon ng kalakasan, pag-asa, at pinakamahalaga, magtagumpay sa bawat digmaan na nasa iyong isipan. Ikaw ay may kapangyarihang lumaban at ito ay mahalagang magawa mo… kahit na paunti-unti araw-araw!
More