Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Noel: Ang Pasko ay Para sa LahatHalimbawa

Noel: Christmas Is For Everyone

ARAW 12 NG 12

Ang Mabuting Balita na Nararapat Ibahagi sa Lahat

ni Danny Saavedra

"Kagalang-galang na Teofilus: Marami na ang sumulat tungkol sa mga nangyari rito sa atin. Isinulat nila ang tungkol kay Jesus, na isinalaysay din sa amin ng mga taong nangaral ng salita ng Diyos at nakasaksi mismo sa mga pangyayari mula pa noong una. Pagkatapos kong suriing mabuti ang lahat ng ito mula sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, upang lubusan mong matiyak na totoo ang mga aral na itinuro sa iyo.”—Lucas 1:1–4 (ASND, may dagdag na diin)

"Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol , 'Tayo na sa Betlehem at tingnan natin ang pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon.' Kaya nagmamadali silang pumunta sa Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. At isinalaysay nila ang mga sinabi sa kanila ng anghel tungkol sa sanggol. Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol."— Lucas 2:15-19 (ASND, may dagdag na diin)

Ayon sa isang eksperimentong sosyolohikal noong 2010, mas mabilis na kumakalat ang mabuting balita kaysa sa masamang balita. Si Dr. Jonah Berger, isang dalubhasa sa buong mundo pagdating sa paksa ng pagpapasa ng balita sa pamamagitan ng berbalang pakikipag-usap, sa viral marketing at impluwensya nito sa lipunan, ay gumawa ng buod ayon sa mga natagpuang resulta sa malawak na pag-aaral na ito sa pamamagitan ng pagsasabi, "Kung nabasa ko lamang ang kasaysayang ito na bumago sa aking pang-unawa tungkol sa mundo at sa aking sarili, gusto kong sabihin sa iba ang ibig sabihin nito." 

Hindi ba kamangha-mangha ito at nakakagulat na rin? Maraming taong papapaniwalain kang mas mabilis kumalat ang masamang balita kaysa sa maganda, ngunit mukhang hindi iyan ang kaso. Palagay ko ay maihahalintulad natin ito sa lumang kasabihang "Mas marami kang mahuhuling langaw gamit ang pulot kaysa sa gamit ang suka." Pag-isipan mo nga ito . . . Ito man ay ang pinakamasarap na pagkaing iyong natikman, o isang napakagandang pelikulang iyong napanood, o isang nakahihikayat na aklat na hindi mo mabitiwan, isang napakagandang regalong natanggap mo, ang makuha mo ang pinapangarap mong trabaho, o isang napakagandang balita na magbabago ng iyong buhay, kapag may isang kamangha-manghang bagay na nangyayari, ang unang bagay na nais nating gawin ay ibahagi ito sa ibang tao! 

Ang Pasko ay ang pagdiriwang ng pinakadakilang balita na maaaring matanggap ng sangkatauhan: ang kapanganakan ni Jesus. At hindi katulad ng pinakamasarap na burger na iyong natikman o anumang kapana-panabik na balitang natanggap mo na maaaring magkaroon lamang ng epekto sa iyo o sa maliit na grupo ng mga tao, ang pagdating ni Jesu-Cristo, ang Tagapagligtas ng mundo, ay isang magandang balita para sa lahat! Ito ang uri ng balita na talagang dapat nating panabikan at hindi ikahiyang ibahagi sa bawat taong makakatagpo natin. Wala nang iba pang balita ang nararapat na mabilis na kumalat kaysa sa mabuting balita na gumawa ng paraan ang Diyos para sa ating mga makasalanan upang bumalik sa ating tamang pakikipag-ugnayan sa Kanya, na binayaran Niya ang ating mga kasalanan, at tayo ay tinanggap Niya sa Kanyang pamilya bilang mga anak.

Sa talata ngayong araw na ito, makikita natin ang dalawang pagkakataon kung saan ibinahagi ng mga tao ang mabuting balita tungkol kay Jesus. Sa una, makikita natin si Lucas na nakakita at siguradong nakarinig ng mga kamangha-manghang bagay—mga bagay na alam niyang kinakailangan niyang ibahagi sa lahat ng taong maaari niyang bahaginan nito. 

Si Lucas, isang Griegong may natatanging karangalan bilang nag-iisang Hentil na sumulat ng isang aklat ng Biblia, ay tinawag ding "ang minamahal na manggagamot" ng walang iba kundi si apostol Pablo. Bagama't ang katagang manggagamot ay nagdadala ng glamorosong ideya at karangalan sa mundo natin sa kasalukuyan, sa panahon ng sinaunang simbahan, ang mga manggagamot ay kadalasang mga katulong. Maaaring si Teofilus ay isa sa mga pinagsisilbihan niya, posibleng siya ay isang pinunong Romano, dahil ang titulong "kagalang-galang" ay karaniwang inilalaan para sa mga may kapangyarihan sa Imperyong Romano. Ngunit, may kumpiyansang ibinahagi sa kanya ni Lucas ang mensahe tungkol sa Kahariang mas nakaaangat pa sa Roma, at tungkol sa isang Haring mas dakila pa kay Cesar.

Sa kanyang panimula, sinabi ni Lucas kay Teofilus na ang mensaheng kanyang natanggap mula sa mga saksi tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus ay kinakailangang ibahagi, upang siya—at ang lahat ng makakabasa ng aklat ng Lucas at Mga Gawa—ay maunawaan ang mensahe ng pag-asa. Sa kamangha-manghang detalye na natagpuan natin sa mga Ebanghelyo, malinaw na nakipag-usap si Lucas sa mga mahahalagang tao, malamang ay kasama rito sina Maria, Pedro, Juan, at iba pang kasa-kasama ni Jesus. 

Ilang araw na ang nakakaraan, nabasa natin ang tungkol sa mga pastol na unang nakatanggap ng pambihirang balita na ang Tagapagligtas ay isinilang na. Ngunit hindi nila sinarili ang balitang ito. Sa halip, "Isinalaysay ng mga pastol ang sinabi ng anghel tungkol sa sanggol. Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol . . . (Lucas 2:17-18).

Sa pagdiriwang natin ng Kapaskuhan ngayong araw na ito, dalangin ko na maalala nating tinawag tayo upang ibahagi ang mensahe ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus sa lahat ng taong inilagay ng Diyos sa buhay natin. Katulad ng mga pastol at ni Lucas, may pambihirang mensahe tayo para sa buong mundo, at hindi maaaring itago natin ito para sa sarili lamang natin! 

Sa panahon ngayon, ang lahat ng tao ay nagbabahagi ng lahat-lahat. Simula sa mga larawan, sa mga nararamdaman, mga gintong butil ng karunungan, sa Facebook, sa Twitter, at sa Instagram kung saan hindi ka mauubusan ng mababasa. Nasaksihan natin ang kapangyarihan ni Jesus para baguhin ang ating mga puso at bigyan tayo ng kapayapaan . . . ngayon ay kailangan nating ipamahagi ang kahanga-hangang balitang ito nang may kagalakan at tuwang katulad ng ginagawa natin kapag may nakikita tayong magandang larawan sa Instagram! Gumugol ng sandaling panahon ngayong araw na ito upang maibahagi sa ibang tao kung anong ginagawa ni Jesus sa buhay mo.

Banal na Kasulatan

Araw 11

Tungkol sa Gabay na ito

Noel: Christmas Is For Everyone

Sa loob ng 12 araw, maglalakbay tayo sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pasko at matutuklasan natin hindi lamang ang dahilan kung bakit ito ang pinakadakilang kasaysayang nalaman natin, kundi kung paanong ang Pasko ay tunay ngang para sa lahat!

More

Nais naming pasalamatan ang Calvary Chapel Ft. Lauderdale sa pagpapaunlak ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: http://CalvaryFTL.org