Noel: Ang Pasko ay Para sa LahatHalimbawa
Siya ang Lahat-lahat para sa Lahat
Ni Danny Saavedra
"'Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata,sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat; at ang kanyang pangalan ay tatawaging Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”— Isaias 9:6 (ABTAG01)
Hindi natin maikakaila na ang smartphone ay isang nakatutulong na kasangkapan para sa ating lahat. Hindi ako naniniwalang may isang taong nabubuhay ngayon na hindi makikinabang sa ilang mahahalagang pamamaraan sa pagkakaroon ng smartphone. Gayon din naman, ang apoy ay kapaki-pakinabang sa sangkatauhan—sa init na naibibigay nito, sa pagluluto, bilang panggatong; ano mang sabihin mo, ibinibigay ito ng apoy.
May iba't-ibang produkto at mga bagay dito sa mundo na nilikha para sa lahat, upang gawing mas mabuti ang buhay ng bawat isa. Sa ganitong paraan din, ang kasaysayan ng Pasko ay para sa lahat! Kahit na sino ka man, ano mang nagawa mo, ano mang wika ang ginagamit mo, saan mang bansa o kultura ka nanggaling, ang Pasko ay may kapangyarihang baguhin ang sinuman at ang lahat ng tao, upang gawing higit na kahanga-hanga, makahulugan, kasiya-siya, at puno ng kagalakan ang buhay. Bakit? Dahil ito ang kasaysayan ng kung paanong si Jesus, ang Anak ng Diyos ay ang lahat-lahat at sa pamamagitan Niya ang lahat ng bagay ay nanatiling nasa kaayusan (Juan 1:3, Mga Taga-Colosas 1:17), ay naparito upang iligtas ang lahat (Juan 3:16,36, 6:40, 11:25).Mahigit 700 taon bago Siya isinilang, hinulaan na ni propeta Isaias ang Kanyang pagdating—ang pagdating ng Mesiyas, ang ipinangakong Binhi na dudurog sa ulo ng serpiyente at sa pamamagitan Niya ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa mundo—sa bayan ng Israel. Si Isaias ay binigyan ng napakagandang liwanag, isang pangitain na may malapropetang pananaw kung saan ipinakita sa kanya na ang pag-asa at kinabukasan ng tao ay hindi nakasalalay sa kanya, kundi sa Anak na ibibigay—iaalay ng Ama bilang katubusan para sa marami (Isaias 53). Ang Sanggol na ito ang lahat ng kailangan natin, ang lahat ng ating inaasam, at ang lahat ng maaari nating asahan.
Paano nagkaganoon? Inisa-isa ito ni Isaias:
Kamangha-manghang Tagapayo
Ang lahat ng karunungan ay nanggagaling sa Kanya! Sinasabi sa Mga Kawikaan 2:6-7 (RTPV05) na, "Sapagkat ang Panginoon ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman at ng pang-unawa. Iniingatan ang namumuhay nang matuwid, matapat ay walang kapintasan." Siya ang pinagmulan ng lahat ng kaalaman at kaunawaan. Dinadala Niya tayo sa mga tamang landas at tinuturuan tayong mamuhay ng buhay na may kahulugan at kaganapan. Mas kilala Niya tayo kaysa sa mga sarili natin, at nauunawaan Niya tayo! Dahil Siya ay nabuhay na ganap na tao, batid Niya kung paanong mamuhay na tulad natin. Sa Hebreo 4:15 (ASND) ay pinaalalahanan Niya tayo na, "Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin— pero hindi siya nagkasala."
Makapangyarihang Diyos
"Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan" (1 Pedro 5:11 ASND). Ang kalakasan, kapangyarihan, katapangan, katiyagaan . . . ang lahat ay nagmumula sa Kanya. At ang Salita ay laging ipinapaalala sa atin na ang Kanyang kapangyarihan ay naririyan para sa lahat na sa Kanya ay nakatuon ang paningin! Ipinahahayag ng Mga Awit 46:1(RTPV05) na, "Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan, at handang saklolo kung may kaguluhan," samantalang ipinapaalala sa atin ng Filipos 4:13 (ASND) na, "Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin." Sa 2 Corinto 12:9 (ASND), binibigyan Niya tayo ng katiyakan na, “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan ko'y nakikita sa iyong kahinaan.”
Walang Hanggang Ama
Ang ating Tagapagligtas ay kaisa ng Ama. Siya ang daan patungo sa Ama. Sa Juan 14:9 (ASND), ipinahayag Niya, "Ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa Ama." Sa Mga Hebreo 1:3 (RTPV05) ay mahusay na inilarawan Siya nang ganito: "Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita." Pinangungunahan Niya kayo, aking mga kaibigan, at lagi Siyang nasa inyo. Siya ang Ama ng lahat ng mananampalataya (Juan 8:58), ang nagsimula at ginawang ganap ang ating pananampalataya.
Prinsipe ng Kapayapaan
Naparito si Jesus upang maitama ang ating relasyon sa Diyos. Naparito Siya upang ipagkasundo tayo sa Ama sa pamamagitan ng pagbabayad para sa ating mga kasalanan. At bago siya bumalik sa langit ay sinabi Niya, '“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo" (Juan 14:27 RTPV05). Ang Kanyang kapayapaan, na hindi kayang maunawaan ng tao, ay may kapangyarihan upang bantayan tayo, bigyan tayo ng pag-asa, katiyakan, at kapahingahan. Inaanyayahan Niya tayong lumapit sa Kanya para sa ating kapahingahan, na "ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo" (1 Pedro 5:7 RTPV05).
Mga kaibigan, wala ni isang bagay na kailangan o gusto mo na hindi iniaalok ni Jesus. Wala ni isang mabuti at kaibig-ibig na bagay sa buong kawalang hanggan na hindi ibinibigay sa lahat ng may relasyon kay Jesus. Ang Kanyang kapangyarihan, karunungan, kapayapaan, pag-ibig, biyaya, kahabagan, kabutihan, awa, at kalakasan ay para sa ating lahat. Ito ay narito sa lahat ng tatanggap sa Kanya. Ang bawat pangako, bawat pagpapala, ang lahat ng mabuti at perpektong kaloob . . . ang lahat ng ito ay para sa iyo!
Tungkol sa Gabay na ito
Sa loob ng 12 araw, maglalakbay tayo sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pasko at matutuklasan natin hindi lamang ang dahilan kung bakit ito ang pinakadakilang kasaysayang nalaman natin, kundi kung paanong ang Pasko ay tunay ngang para sa lahat!
More