Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Noel: Ang Pasko ay Para sa LahatHalimbawa

Noel: Christmas Is For Everyone

ARAW 9 NG 12

Ang Paglalakbay ni Jose

Ni Danny Saavedra  

"Habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon at nagsabi, 'Jose, na mula sa angkan ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang pagbubuntis niyaʼy sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Manganganak siya ng isang lalaki at papangalanan mo siyang Jesus, , dahil ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan' . . . Nang magising si Jose, sinunod niya ang sinabi ng anghel at pinakasalan niya si Maria."—Mateo 1:20-21,24 (ASND)

May naipangako ka na bang isang bagay ngunit nalaman mong higit ito sa iyong inaasahan? Isang bagay na parang pinanghihinayangan mong naipangako mo? Anong ibig kong sabihin? Nakabili ka na ba ng isang kotse na iniisip mong nasa mabuting kondisyon ngunit pagkaraan ng ilang buwan ay nalaman mong kailangan nito ng bagong radiator at malaki ang magagastos para ito ay magawa? Nagkaroon ka na ba ng trabaho na may mga tiyak na listahan ng mga dapat mong gawin ngunit pagkatapos ay binigyan ka ng mga gawain at responsibilidad na labas na sa iyong mga karanasan nang walang katapat na pagtataas ng suweldo, bagong titulo, o pagbabawas ng ibang responsibilidad? Kadalasan sa mga ganitong pagkakataon, iisipin natin, Hindi ito ang pinirmahan ko! 

Ano sa palagay mo ang naramdaman ni Jose noong sinabihan siyang ang magiging asawa niya, na hindi pa man lang niya nakasiping sa kama, ay buntis? Ano sa palagay mo ang naramdaman niya nang nagsimula itong magsabi ng mga pambihira, imposibleng paniwalaan, at tila nakakabaliw na pahayag tungkol sa isang anghel, kalinis-linisang paglilihi, at ang Mesiyas? Sinasabi niyang nagbuntis siya sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ngunit napakahirap siguro para kay Joseng paniwalaan ito. Malamang na hindi niya ito pinaniwalaan. Sa totoo lang, sino bang maniniwala rito? Iniisip kong sa puntong ito ay may pagsisisi siya sa pagkakaroon ng nobya. 

Ano kayang gagawin mo sa pagkakataong iyon? Para sa marami sa atin, kapag nahaharap tayo sa sitwasyong higit sa ating inaasahan, o kaya naman ay hindi naaayon sa ating napagkasunduan (halimbawa ay ang serbisyo ng cable), magrereklamo tayo sa customer service, hihilingin nating makausap ang tagapangasiwa, at magbabanta tayong puputulin natin ang ating pagtangkilik sa kompanya hanggang hindi natin nakukuha ang gusto natin. Sa sitwasyon ni Jose, maraming mga tao ang maaaring hiniya na sa publiko si Maria. Ang iba pa nga ay maaaring ipataw sa kanya ang kaparusahan ng batas at binato si Maria hanggang ito ay mamatay. Ngunit si Jose ay hindi katulad ng ibang tao . . . 

Bagama't hindi masyadong nabanggit si Jose sa Ebanghelyo, at wala tayong gaanong kaalaman tungkol sa kanyang buhay, ito ang batid natin: Siya ay isang matuwid na tao (Mateo 1:19, ASND). Hindi ganoon kadami ang mga tauhan sa Biblia na inilarawan bilang "isang matuwid na tao." Si Jose ay nabibilang sa mga piling tao kasama sina Noe, Daniel at Job. Sa Mateo 1:19 (ASND, may idinagdag na diin), sinasabi sa atin, "Subalit dahil si Jose ay . . . isang taong matuwid at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, ipinasya niyang hiwalayan na lang si Maria nang palihim." Walang kahihiyan, walang kamatayan; pinili niya ang isang tahimik, at puno ng awang kalutasan. 

Ngunit may dumulog na isang anghel kay Jose sa panaginip at sinabihan siyang tanggapin si Maria bilang asawa niya, sapagkat ang sanggol sa sinapupunan nito ay ang Tagapagligtas. Muli, maaaring sabihin ni Jose sa sarili niya, Hindi ko inaasahan ito. Pagpapalaki ng isang Tagapagligtas? Ako'y isang karpintero lamang. Hindi ako nakahanda para rito. Sobra ito sa kakayahan ko. Huwag na ninyo akong isali rito. Ngunit hindi niya ginawa ito. Sa halip, paggising niya ay ginawa niyang lahat ng ipinag-utos sa kanya ng anghel

Si Jose ay humarap sa isang napakahirap na sitwasyon. Kailangan niyang pakasalan ang isang babaeng buntis na bago pa sila ikasal at kailangan niyang harapin ang mga pamumuna, mga tsismis, at ang kahihiyan na kasama nito. Wala kang mababasang isang malaking pagdiriwang para sa kasal nina Maria at Jose. Maaring ikinasal sila ng laban sa kagustuhan ng kani-kanilang pamilya. Ngunit buong tapang na hinarap ito ni Jose at ipinakita niya ang katapatan niya sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapalaki kay Jesus na parang tunay na anak niya ito. Siya ay naging masunurin sa harap ng mabigat na sitwasyon. 

Sa ating mga buhay, maaaring humarap tayo sa mahihirap na sitwasyon kung saan maaari nating sabihin, Hindi ko ginusto ito. Maaari tayong magkaroon ng iba't-ibang pagsubok, maaaring tawagin tayo upang gawin ang isang imposibleng pangitain, o maaaring iwanan natin ang ating nakagawian. Ito ang totoo: Madalas ay binibigyan tayo ng Diyos ng higit sa ating inaakala. Kadalasan ay inilalagay Niya tayo sa mga sitwasyong hindi natin kayang lutasin sa sarili nating kakayahan. Ginagawa Niya ito upang tayo ay maging tapat, masunurin, at buong-pusong aasa sa Kanyang kalakasan, karunungan, at direksyon upang malagpasan natin ito. 

Katulad ni Jose, sikapin nating maging masunurin at tapat, anuman ang halaga nito. At lagi nating tandaan ang sinang-ayunan natin—upang matanggap ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pagsuko ng ating mga buhay sa Kanya at pagsunod sa Kanyang Anak. At patuloy nating panghawakan ang pangakong ang Kanyang biyaya ay sapat na para sa atin; na ang Kanyang kapangyarihan ay nagiging ganap sa ating kahinaan . . . lalo na sa mga sandaling higit sa ating inaasahan ang nangyayari at higit pa sa kaya nating harapin.

Banal na Kasulatan

Araw 8Araw 10

Tungkol sa Gabay na ito

Noel: Christmas Is For Everyone

Sa loob ng 12 araw, maglalakbay tayo sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pasko at matutuklasan natin hindi lamang ang dahilan kung bakit ito ang pinakadakilang kasaysayang nalaman natin, kundi kung paanong ang Pasko ay tunay ngang para sa lahat!

More

Nais naming pasalamatan ang Calvary Chapel Ft. Lauderdale sa pagpapaunlak ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: http://CalvaryFTL.org