Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Noel: Ang Pasko ay Para sa LahatHalimbawa

Noel: Christmas Is For Everyone

ARAW 7 NG 12

Ang Presensya ni Jesus

Ni Danny Saavedra

"Hindi nagtagal, nag-ayos si Maria at dali-daling pumunta sa isang bayan sa kabundukan ng Judea kung saan nakatira sina Zacarias . Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elizabet. Nang marinig ni Elizabet ang pagbati ni Maria, naramdaman niyang gumalaw nang malakas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Napuspos ng Banal na Espiritu si Elizabet at malakas niyang sinabi, 'Higit kang pinagpala ng Diyos sa lahat ng babae, at pinagpala rin niya ang magiging anak mo! Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon. Nang marinig ko ang pagbati mo sa akin, gumalaw nang malakas sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. Mapalad ka dahil naniwala kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon.'"—Lucas 1:39-45 (ASND)

May isang magandang awitin sina Bryan at Katie Torwalt na may mga linyang sinasabing, “When You walk into the room, everything changes; darkness starts to tremble at the light that You bring. And when You walk into the room every heart starts burning and nothing matters more than just to sit here at Your feet and worship You.”

Iilang taludtod ang nakakapagpapuspos ng aking damdamin na katulad dito sa bahaging ito ng Banal na Kasulatan sa Lucas 1. Isaisip natin ng isang sandali ang eksenang ito . . . Pagkatapos ipahayag ng anghel na si Gabriel kay Maria ang balitang kamangha-mangha, makahimala, at makakapagpabago ng mundo na ang matagal nang hinihintay na Mesiyas ay isisilang sa pamamagitan niya, agad siyang naghanda upang bisitahin ang kanyang pinsang si Elizabet, na sinabi sa kanya ng anghel na nagdadalang-tao rin.

Pagkaraan ng ilang araw, dumating siya at binati ang kanyang pinsan, at malamang na binati niya ito ng nakagawian nilang "Ang kapayapaan ay sumaiyo." At nang pumasok siya sa silid, at ang tinig ni Maria ay narinig ni Elizabet, may mapaghimala at kamangha-manghang bagay na nangyari: ang sanggol sa kanyang sinapupunan ay "lumukso nang may kagalakan". Sa tinig lamang niya, at ang hindi pa ipinapanganak na si Juan na siyang magbabautismo sa hindi pa ipinapanganak na si Jesus, ay gumalaw sa sinapupunan niya. Hindi ba kamangha-mangha iyan?

Patungkol dito, ang teologong si Matthew Poole ay may binanggit, "Ang paggalaw ng isang sanggol sa sinapupunan ng isang ina . . . ay hindi naman kakaibang bagay . . . ngunit walang dudang ang paggalaw na ito ay higit sa pangkaraniwan." Maaaring naramdaman na ni Elizabet na sumisipa o gumagalaw si Juan sa kanyang sinapupunan dati, ngunit hindi katulad nito, kailanman ay hindi pa nagkaganito. Ito ay isang pagsamba ng nasa sinapupunan pa; Ito ay maihahalintulad kay David sa 2 Samuel 6:14 (ASND), na "sumayaw nang buong sigla sa presensya ng Panginoon," ngunit ito ay naganap sa sinapupunan ni Elizabet! Sa sandaling iyon, agad na napagtanto niya sa pamamagitan ng Espiritu Santoang dahilan ng paggalaw. Batid niyang nasa presensya siya ng Panginoon, ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas at Manunubos. 

Kaya, may pananabik na bumulalas siya, "Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?" Gustung-gusto ko kung paano isinalin sa New English Translation (NET, may idinagdag na diin) ang bersikulong ito:And who am I that the mother of my Lord should come and visit me?”

Sa tuwing babasahin ko ang pag-uusap na ito, napapaiyak ako. Naiisip mo ba kung anong naramdaman ni Elizabet nang mapagtanto niya kung sino ang nasa harapan niya, nang ipahayag sa kanya ng Espiritu Santo na Ito na Siya, narito na Siya; ang iyong Tagapagligtas at Panginoon ay nasa sinapupunan ng iyong pinsan!? Naalala ko si Simeon, siya, na nang makita niya si Jesus, ay nagkaroon ng karangalang mahawakan ang bagong silang na Mesiyas, at nagsabi, "dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas, na inihanda ninyo para sa lahat ng tao." (Lucas 2:30-31 ASND).

May kagalakang hindi kayang ipaliwanag kapag nararanasan natin ang presensya ni Jesus. May kapuspusan, kapayapaan, isang pananabik na nagiging sanhi upang sumiklab sa pagdiriwang at sa dalisay at tapat na pagpupuri. Ang mga kadena ay nawawasak, ang mga kaliskis ay natatanggal, may kagalingang nagaganap, naglalaho ang kadiliman, at ang mga pagod ay nakakatagpo ng kapahingahan. Wala kang makikitang katulad nito sa buong mundo! Bilang mga mananampalataya, nakakapamuhay tayo sa ganitong kaganapan araw-araw. 

Dalangin kong ang bawat isa sa atin ay maalala ito; na hindi mawala kailanman ang ating paghanga, pagpipitagan at ang kagalakang mabuhay bawat sandali sa presensya ng Panginoon sa pamamagitan ng pananahanan ng Espiritu Santo sa atin. Dalangin kong hindi natin kailanman ipagsawalang-bahala ang Kanyang presensya at patuloy at araw-araw tayong makatanggap ng bagong pagpuspos ng Kanyang Espiritu. 

Katulad ng ginawa ni Maria sa kanyang pagbubuntis, dala-dala natin ang presensya ng Diyos saan man tayo pumunta. Nasa atin ang maluwalhating kaloob ng Diyos, isang kaloob na inatasan tayong ibahagi sa mundong kinaroroonan natin! Kaya, anong ginagawa mo patungkol dito? Ano bang nangyayari sa isang silid kapag ikaw ay pumapasok dito? Paano tumutugon ang mga tao kapag ikaw ay nakakatagpo nila, kapag naririnig nila ang iyong tinig? Nakikita ba sa iyo ang malinaw na presensya ng Diyos? Ang liwanag ba ng mundo ay nagniningning sa pamamagitan ng buhay mo o tinakpan at itinago mo lang ba ito? 

Mga kaibigan ko, sa pagsapit ng Pasko, isang okasyon kung saan napupuno ng mga nagniningningang ilaw ang bayan natin, dalangin kong tayo na nagdadala ng presensya ng Tagapagligtas sa kaloob-looban natin ay kakitaan ng pinakamaliwanag na tanglaw ni Jesus, upang "makita nila ang mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit" (Mateo 5:16 ASND).

Araw 6Araw 8

Tungkol sa Gabay na ito

Noel: Christmas Is For Everyone

Sa loob ng 12 araw, maglalakbay tayo sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pasko at matutuklasan natin hindi lamang ang dahilan kung bakit ito ang pinakadakilang kasaysayang nalaman natin, kundi kung paanong ang Pasko ay tunay ngang para sa lahat!

More

Nais naming pasalamatan ang Calvary Chapel Ft. Lauderdale sa pagpapaunlak ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: http://CalvaryFTL.org