Noel: Ang Pasko ay Para sa LahatHalimbawa
Walang Silid sa Tahanan . . . Ngunit ang Lahat ay Inaanyayahan
Ni Danny Saavedra
"At habang naroon sila sa Betlehem, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang panganay niya, na isang lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa sabsaban, dahil walang lugar para sa kanila sa mga bahay-panuluyan. Malapit sa Betlehem, may mga pastol na nasa parang, at nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon . . . Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol, 'Tayo na sa Betlehem at tingnan natin ang mga pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon.'”—Lucas 2:6-9,15 (ASND)
—“'Saan ba ipinanganak ang hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang sambahin siya' . . . Habang sila ay naglalakbay, muling lumitaw ang bituin na nakita nila sa silangan, at lubos ang kanilang kagalakan. Nanguna sa kanila ang bituin hanggang makarating sila sa kinaroroonan ng sanggol. Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang sanggol at ang ina nitong si Maria. Lumuhod sila at sumamba sa sanggol. Inilabas din nila at inihandog sa sanggol ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira."—Mateo 2:2, 10-11 (ASND)
Naalala mo ba ang unang bakasyon ninyo ng iyong pamilya? Ako, naaalala ko! Nagbiyahe kami papuntang North Carolina para dumalo sa isang kasalan. Iyon din ang unang pagkakataong kasama namin ang anak kong lalaki, na noon ay mga 17 buwang gulang, at sumakay kami ng eroplano. Katulad ng maaasahan, isang nakakabaliw na sitwasyong katulad ng mapapanood sa telebisyon ang nangyari. Umiyak nang umiyak ang aming anak sa buong biyahe namin; kasama namin ang malapit na kaibigan namin, na may anak ding isang taong gulang, at talagang isang pambihirang karanasan iyon, at lahat ng iyon ay wala sa inaasahan namin. Ngunit napakarami ring kasiyahan at masasayang panahon sa karanasang iyon kasama na ang mga kamangha-manghang alaala na binabalik-balikan pa namin nang may kasiyahan.
Sa palagay ko ay parang ganito rin ang nangyari kina Maria at Jose . . . Nakakabaliw at nakakapagod, mahaba at mahirap, at puno ng sorpresa, ngunit sa dulo ay isa sa lubos na nakakamanghang alaala sa buhay nila. Ilarawan mo sa isipan mo . . .Malaki na ang tiyan ni Maria sa panahong iyon, at isinakay nila ang mga gamit nila sa isang asno upang magtungo sila sa Bethlehem, ang lugar na pinagmulan ng kanilang mga ninuno—isang bayang hindi pa nila natirahan, kung saan may mga malayong kamag-anak sila, ngunit wala silang kilalang malapit sa kanila noong panahong iyon. Ngayon, kailangan nilang umasa na isa sa mga kamag-anak nila ay may silid na maaari nilang matigilan.
Ngunit, nang sina Jose at Maria ay nasa Bethlehem na, wala sa kanilang mga kamag-anak ang may silid na maaaring nilang tuluyan. Lahat ng mga silid nila ay puno, ngunit dahil siguro sa sila ay pamilya at dahil sa buntis si Maria, isa sa kanilang kamag-anak ay pumayag na matulog sila sa isang silid kung saan naroon ang mga hayop. Isipin mo na isang silid sa silong ito o sa garahe kung saan naroon ang aso o pusa mo . . . o ang iyong mga baka at asno!
Hindi ba nakakabaliw isipin ito? Ngunit mas nakakabaliw pa ito . . . Alam mo bang si Jesus, ang Tagapagligtas, ay dito natulog sa Kanyang unang gabi sa Daigdig? Hindi sa isang magandang duyan o malambot na kama; inilagay Siya sa isang sabsaban, ang lugar kung saan pinapakain ang mga alagang hayop. Sa panahon ngayon, ang sabsabang ito ay inilalarawan bilang isang duyan na gawa sa kahoy, ngunit sa totoo lang, mas malamang na para itong isang malaking parihabang lababong gawa sa bato na nakapatong sa magkapares na blokeng gawa sa abo!Walang lugar para kay Jesus noong gabing iyon, ngunit, sa paanyaya sa mga pastol sa malapit na parang at paglaon ay sa pagdating ng matatalinong tao mula sa Silangan, ipinakita sa atin ng Panginoon na lahat ay inaanyayahan upang lumapit at sumamba sa paanan ni Jesus. Paano? Sa dami ng mga posibleng anyayahan sa buong lipunan ng mga Judio, pumili ng isang grupo ng mga pastol ang Diyos upang marinig ang balita tungkol sa kapanganakan ni Jesus at lumapit upang sumamba sa Kanya. Isang lubos na makapangyarihang larawan ito para sa atin sapagkat ang mga pastol ay isa sa pinakamababang grupo sa lipunan.
Isipin mo na lamang kung paanong ang trabaho ng mga pastol ay naging hadlang sa kanila upang makasama sa pangkaraniwang lipunan ng mga Judio, simula sa mga seremonya sa paglilinis, at kadalasan maging sa pagdiriwang ng mga relihiyosong kapistahan at piging. Gayunman, ang mga pastol na ito, na walang alinlangang siyang nag-aalaga sa mga tupang isang araw ay gagamitin para sa mga paghahandog sa templo, ay inanyayahan. Katulad ng sinabi ni John MacArthur, "Akmang-akma na sila ang unang nakaalam tungkol sa Kordero ng Diyos!"
Ang lalo pang nakakapag-isip para sa atin sa ngayon ay ang pagdating ng mga matatalinong tao, isang grupo ng mga pari at astrologong mula sa Babilonia at Persia, na matapang na naglakbay sa unang pagkakataong gabay ang isang bituin upang hanapin ang isang Hari. Ngunit heto pa: Ang matatalinong taong ito ay mga Gentil, hindi mga Judio. Ganoon na lamang ang pagtitiwala nila sa Salita ng Diyos na iniwan nila ang kanilang bayan sa paghahanap sa ipinangakong Mesiyas. Siya ay hinanap nila nang may pananampalataya at nang buong puso nila at may lubos na kagalakan noong malaman nila ang daan patungo sa Kanya. Nang Siya ay matagpuan nila sa Kanyang mapagpakumbabang karilagan, naghandog sila ng tunay ngang napakahahalagang regalo na nararapat sa isang Hari. Ipinapakita nito sa ating ang lahat ay tinatanggap sa paanan ni Jesus, ang maluwalhating handog ng Diyos, ang Mesiyas at ang Hari. Ang lahat ay tinatanggap upang lumapit at sumamba sa Kanya at maligtas!
Ngayong Kapaskuhan, dalangin ko na yakapin din ninyo ang ganitong kaisipan. Dalangin kong anuman ang pinanggalingan ng mga tao, o ang kanilang paniniwala, o ang kanilang pamumuhay, ay tingnan natin sila nang may kaparehong pagmamahal, pagkaawa, at kabutihang ginawa ni Jesus. At dalangin ko rin na, tulad ng bituing gumabay sa matatalinong tao patungo kay Jesus, maging liwanag tayo ng mundo na maglalapit sa mga tao upang sumamba sa ating Hari!
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa loob ng 12 araw, maglalakbay tayo sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pasko at matutuklasan natin hindi lamang ang dahilan kung bakit ito ang pinakadakilang kasaysayang nalaman natin, kundi kung paanong ang Pasko ay tunay ngang para sa lahat!
More