Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Noel: Ang Pasko ay Para sa LahatHalimbawa

Noel: Christmas Is For Everyone

ARAW 6 NG 12

Abang Pinagmulan

ni Danny Saavedra

'Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, dahil pinagpala ka ng Diyos. Magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus . . . Sumagot si Maria, 'Alipin po ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo.'”—Lucas 1:30-31,38 (ASND)

Sa lahat ng mga dakilang bayani sa mga kathang-isip na kuwento, si Frodo, mula sa pelikulang The Lord of the Rings, ang isa sa mga namumukod-tanging tauhan. Bakit? Dahil hindi tulad nina Hercules, Wonder Woman, Thor, o Superman, hindi siya malaki, at makapangyarihang animo'y diyos. Hindi tulad nina Anakin o Luke Skywalker, hindi siya ipinanganak na may kakaibang kapangyarihan. Hindi tulad ni Batman, hindi siya isang taong maraming pagsasanay na isinagawa at may pagkarami-raming pera na kayang makagawa ng mga sandata at baluting gamit ang makabagong teknolohiya. Si Frodo ay wala ng lahat ng mga ito. Siya ay isang simpleng hobbit mula sa Shire, isang walang muwang, mabait, at mahinahong nilalang. Ngunit, katulad ng sinabi ni Galadriel sa pelikulang The Fellowship of the Ring , "Maging ang pinakamaliit na nilalang ay maaaring makapagpabago ng mangyayari sa hinaharap." 

Ganito iyon: si Fredo ay natatangi hindi dahil may kakayahan siyang higit pa sa tao, o kaya naman ay isa siyang henyo, o dahil sa anumang karapatang mayroon siya noong siya ay ipinanganak . . . natatangi siya dahil sa kanyang kahandaang humakbang ayon sa kanyang pananampalataya. Isa siyang bayani sa grupo ng mga bayani sapagkat kahit batid niyang wala siyang kakayahan sa sarili niya upang gawin ang napaka-imposibleng tungkulin (ni hindi nga niya alam ang daan papuntang Mordor), kumilos siya nang may kapakumbabaan at tinanggap ang panawagan nang ito ay dumating. 

Nakapaloob sa munting bayaning ito ang isang bagay na tunay ngang sinasabi sa Biblia: Ang Diyos ay maaaring gumamit ng kahit sino, maging ng pinakamababang tao, upang gawin ang pinaka-kahanga-hangang gawain. Simula sa isang batang pastol na tinalo ang isang higante hanggang sa isang balong babae na nagpakita ng kamangha-manghang katapatan sa kanyang biyenang babae hanggang sa napakabatang birheng mula sa Nazaret—kung saan sinasabing wala anumang mabuting maaaring magmula rito (Juan 1:46)—na siyang "pinagpala ng Diyos sa lahat ng babae" (Lucas 1:42 ASND)—gumagawa ang Diyos ng malalaking bagay sa pamamagitan ng pinakamaliliit at pinakamapagpakumbabang mga nilalang.

Kaya't bakit si Maria? Katulad ni Frodo, wala siyang anumang maaaring ipagpalagay ng mga taong "natatangi." Hindi siya nagmula sa isang prestihiyosong pamilya. Hindi siya itinuturing na dakila sa kanyang bayan. Ngunit siya ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Nang sinabi ni Gabriel kay Maria na magkakaanak siya sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang kanyang tugon ay tuwirang nagpapahayag kung bakit pinili siya ng Diyos at kung bakit lubos siyang kinalulugdan at biniyayaan ng ganitong karangalan. 

Sa Lucas 1:38 (ASND), sinabi niya, “Alipin po ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo.” Tingnan ninyo ang kapakumbabaang ipinakita niya rito! Ang kanyang tugon sa nakababaliw, napakaimposible, at sa totoo lang ay nakakatakot na balita (siya ay may katipan at isang walang asawang birhen, malamang ay nasa pagitan ng 12 at 14 ang kanyang edad, nang sinabi sa kanya na magkakaanak siya) ay, "Alipin po ako ng Panginoon." 

Alam niyang walang maniniwala sa kanya, na malamang na ito ay maging isang nakakahiya at mapanganib na bagay ( maaari siyang ipahiya ni Jose sa madla o kaya naman ay batuhin hanggang siya ay mamatay dahil sa pagbubuntis niya habang siya ay katipan ni Jose, dahil hindi siya ang tunay na ama nito), ngunit nagtiwala siya sa Diyos. Naniwala siya sa Kanya at sa Kanyang Salita. Pumayag siyang gamitin ng Diyos para sa Kanyang gawain. Alam niyang wala siyang sariling kakayahan upang tugunan ang tawag ng Panginoon sa kanya, ngunit isinuko niya ang kanyang buhay, ang kanyang kalooban, at ang kanyang kinabukasan sa Kanyang mga kamay, dahil nagtiwala siyang kasama niya ang Diyos sa bawat hakbang na gagawin niya.

Ito ang tanging kailangan ng Diyos mula sa atin upang makagawa ng mga kamangha-manghang bagay sa ating mga buhay at sa buhay ng mga taong nasa paligid natin. Hindi Niya kailangang tayo ay maging mga dalubhasa at napakagagaling na henyo. Gumagamit din naman Siya ng mga taong may kahanga-hangang kakayahan, talento, kakayanan at galing tulad ng paggamit Niya sa mga mangingisdang walang kasanayan, mga mahihirap na balo at mga taong itinakwil ng lipunan, ngunit hindi ito isang kondisyon sa Kanya upang magawa Niya ang pinakamagaling na trabaho Niya. Sa halip, ginagawa ng Diyos ang pinakamagaling na trabaho Niya sa buhay ng mga taong mapagpakumbaba, naririyan, at handang magpagamit. Hindi ito tungkol sa kung anong magagawa mo, kundi kung papayagan mo Siyang gumawa sa iyo at sa pamamagitan mo. Pinagpapala Niya ang mga taong nagpapahayag na, "Alipin ako ng Diyos . . . Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." 

Tulad ni Maria, lahat tayo ay may papel sa kamangha-manghang kuwento ng kaligtasang ito na isinusulat ng Diyos. Lahat tayo ay may kamangha-manghang pagkatawag upang gumawa ng mga alagad, ipangaral ang ebanghelyo, at maging mga saksi Niya.Kailangan ba nating maging mga iskolar o magagaling na mananalumpati upang magawa ito? Hindi! Kailangan lang nating sabihin, "Narito ako, Jesus. Ako ay alipin Mo."

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Noel: Christmas Is For Everyone

Sa loob ng 12 araw, maglalakbay tayo sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pasko at matutuklasan natin hindi lamang ang dahilan kung bakit ito ang pinakadakilang kasaysayang nalaman natin, kundi kung paanong ang Pasko ay tunay ngang para sa lahat!

More

Nais naming pasalamatan ang Calvary Chapel Ft. Lauderdale sa pagpapaunlak ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: http://CalvaryFTL.org