Noel: Ang Pasko ay Para sa LahatHalimbawa
Isang Napakagandang Pangalan
Ni Danny Saavedra
"Nang pasimula, naroon na ang tinatawag na Salita. Ang Salita ay kasama ng Diyos at ang Salita ay Diyos. Sa simula paʼy kasama na siya ng Diyos. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya."—Juan 1:1-3 (ASND)
Ano'ng pinakaunang bagay na nalalaman mo tungkol sa isang tao kapag siya'y ipinakilala sa iyo? Ang pangalan niya! Bakit? Dahil ang mga pangalan ay tumutulong sa ating matandaan ang mga tao, makilala sila, malaman natin kung sino ang kausap natin o kung sino ang taong tinutukoy.
Noong mga nagdaang panahon, ang mga pangalan ay may ibig sabihin. Sa panahon natin ngayon, marami sa mga tao ay pinangangalanan ang kanilang mga anak ayon sa kung anong sa tingin nila ay maganda o nasa uso o sikat, at madalang na pinag-iisipan nila kung anong pinagmulan o pinanggalingan ng pangalan o ang kaugnayan nito sa kultura at kasaysayan. Noong sinaunang panahon, ang mga pangalan ay ibinibigay dahil sa mahahalagang dahilan. Si Isaac ("siya ay tumawa") ay pinangalanan dahil sa pagtawa nina Abraham at Sarah noong sinabi ng Diyos na magkakaanak sila sa kanilang katandaan. Si Jacob ("siya ay humawak sa sakong") ay binigyan ng kanyang pangalan dahil ipinanganak siyang "hawak ang sakong ni Esau" (Genesis 25:26 ASND).
Ang mga pangalan sa Biblia ay tunay ngang napakahalaga dahil kadalasan ay sinasabi nito sa atin ang patungkol sa isang tao. Totoong-totoo ito lalo na sa Diyos na ang marami Niyang mga pangalan ay napakahalaga. Mula sa El Shaddai hanggang sa Jehovah-Raah, ang bawat pangalan ng Diyos sa Biblia ay nagsasabi ng mga bagay tungkol sa Kanya. At sa lahat ng mga pangalang ibinigay sa Diyos sa Biblia, ang pinakanakakawili at natatangi ay ang iniukol sa Kanya sa Juan 1:1 (ASND, may idinagdag na diin): "Nang pasimula ay naroon na ang Salita . . ."
Ang salitang Griyego na makikita natin dito para sa Salita ay logos. Ang pagkakaunawa sa logos ay isang makapangyarihan, masalimuot at napakagandang ideya. Ang pinakapayak na paraan upang maipaliwanag ang pilosopiyang Griyego sa likod nito ay ang logos ay ang kadahilanan o hindi ipinahayag na kadahilanan sa likod ng isang bagay. Inilalarawan ng salitang ito ang isang seleksyon ng mga bagay na pinagsama-sama sa kaisipan at ipinahayag sa salita. Ito ay itinuturing na pangkalahatang kadahilanan na likas sa lahat ng bagay; ang mga batas na kailangang tuparin upang maitaguyod ang sanlibutan.
Sa kultura ng mga Hebreo, ang kaisipang ito ay tumutukoy sa napakalakas na puwersa ng kalooban ng Diyos. Madalas nilang ginagamit ang salitang memra—isang salitang mula sa salitang Aramaic na ang ibig sabihin ay "magsalita"—upang ilarawan ang mapanlikhang gawain at kalooban ng Diyos.
Ang ganitong pagkaunawa ng konsepto, at pati na rin ang katagang ginamit sa Juan 1:1, ay nagpapabalik sa atin sa kasaysayan ng paglikha ng mundo na matatagpuan sa Genesis 1. Doon ay makikita natin ang Diyos na nagsalita at pagkatapos ay lahat ng nasa sandaigdigan ay nalikha. Lalo pa itong ipinaliwanag ng Mga Hebreo 11:3 (ASND, dinagdagan ng diin), sa pagsasabing, "'Dahil sa pananampalataya, alam natin na ang sanlibutan ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Kaya ang mga bagay na nakikita natin ay galing sa mga hindi nakikita."
Kaya sa Juan 1:1 (ASND), kapag sinabing, "Nang pasimula, naroon na ang tinatawag na Salita. Ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos," sinasabi ng alagad na ito na si Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos, ay ang buhay na larawan ng Salita ng Diyos. Siya ang Diyos sa laman, ang larawan (eikon:ang pinakadakilang kapahayagan, ang larawan, ang kawangis; ang imahe) ng Diyos na hindi nakikita (Mga Taga-Colosas 1:15); Siya na nangusap ng kalooban ng Panginoon sa simula pa lamang at ito ay umiral (Genesis 1:1-2; Mga Awit 33:9; Mga Hebreo 11:3). Siya ang pagkatao, puso, kalooban, at isipan ng Diyos Ama na ipinahayag sa mundo. Siya ang, ayon sa paniniwala ng mga Griyego, pangkalahatang dahilan na likas sa lahat ng bagay (Juan 1:3); ang mga batas na kailangang tuparin upang maitaguyod ang buong sanlibutan (Mga Taga-Colosas 1:15-17).
At alam mo ba? Sinasabi ng Juan 1:14 (ASND) na ang Salita, Siya na humahawak sa buong sanlibutan at sa pamamagitan Niya ang lahat ay nalikha, ay "nagkatawang tao at namuhay kasama natin." Ito ang kahulugan ng panahon ng Kapaskuhan. Ang Diyos na naging tao! Ganoon na lamang ang pagmamahal Niya sa atin kung kaya't iniwan Niya ang kalangitan upang bigyang-daan ang pagpasok natin sa langit at mamuhay kasama Siya hanggang sa walang hanggan! Ito ang dahilan kung bakit sa Mateo 1:23 (ASND) ay makikita natin ang anghel na nagsasabi kay Jose, "Tatawagin siyang Emmanuel" (na ang ibig sabihin ay "Kasama natin ang Diyos"). Ang Anak ng Diyos ay ipinadala upang ipahayag ang isipan ng Diyos at ang Kanyang puso—ang Kanyang Salita—sa buong mundo . . . upang iligtas tayo. Ito ang dahilan kung bakit tinagubilinan ng anghel si Jose na pangalanan Siyang Jesus (Yeshua: Ang Diyos ay kaligtasan) "sapagkat ililigtas Niya ang Kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan" (Mateo 1:21 ASND).
Habang naghahanda tayo upang ipagdiwang ang Kapaskuhan sa mga darating na araw, alalahaning ang Emmanuel, ang ating pinakamamahal na si Jesus, ang Salitang walang hangganan, ang ating Hari at Tagapagligtas, ay naparito sa Mundo upang makilala natin nang lubos ang Diyos at maranasan ang Kanyang presensya, at sa ganoon ay maliligtas tayo. Siya ay naparito upang ibigay sa atin nang walang bayad "ang karapatang maging mga anak ng Diyos" (Juan 1:12 RTPV05). Bukas, malalaman natin kung bakit kinailangang pumarito ang Diyos . . .
Tungkol sa Gabay na ito
Sa loob ng 12 araw, maglalakbay tayo sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pasko at matutuklasan natin hindi lamang ang dahilan kung bakit ito ang pinakadakilang kasaysayang nalaman natin, kundi kung paanong ang Pasko ay tunay ngang para sa lahat!
More