Noel: Ang Pasko ay Para sa LahatHalimbawa
Kasalanan: Bakit ang Pasko ay para sa Lahat
ni Danny Saavedra
"Ang taoʼy itinuturing ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Diyos. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid . Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Diyos. Ngunit dahil sa biyaya ng Diyos sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Diyos."—Mga Taga-Roma 3:22-24 (ASND)
Taon-taon ay ipinagdiriwang natin ang Pasko. Ito'y isang napakagandang panahon ng kagalakan at mabubuting balita. Nilalagyan natin ng dekorayon ang Christmas tree, naglalagay ng mga ilaw, kumakanta ng magagandang awit ng Pasko, at nagbibigay ng kaibig-ibig na mga regalo. At bawat taon ay gusto nating mga Cristianong ipaalala sa lahat na "si Jesus ang dahilan kung bakit may panahon ng kapaskuhan." Ngunit gaano kadalas ba tayong humihinto at nagninilay kung bakit Siya ang dahilan ng kapaskuhan. Bakit nga ba may panahon pa ng kapaskuhan? Bakit iniwan ni Jesus ang kalangitan upang bumaba dito sa Daigdig?
Ang maikling kasagutan? Ang ating kasalanan. Alam mo ba, mahal na mahal tayo ng Panginoon. Ginawa Niya tayo ayon sa Kanyang larawan at wangis (Genesis 1:27). Tayo ang koronang hiyas sa mga nilalang ng Diyos, nilikha upang luwalhatiin Siya at tamasahin ang isang perpektong pakikipag-ugnayan sa Kanyang presensya magpakailanman bilang minamahal Niyang mga anak. Ito ang nakatadhana sa atin, ang nakatadhanang maranasan natin . . . Ito ang naranasan nina Adan at Eba. Lumakad silang kasama ang Diyos, nakipag-usap sila sa Diyos, at nasiyahan Sila sa Kanyang presensya. Isinabuhay nila ang kanilang pagkatawag at tinamasa nila ang mga bunga ng Halamanan (Genesis 2:15-16) Ngunit ang lahat ay nasira . . . nang ang pagbagsak ay naganap.
Hinayaan nina Adan at Eba ang kanilang kapalaluan at makasariling kapusukan—ang kanilang pagnanasang maging "katulad ng Diyos"—na maulapan ang kanilang pagpapasya. At dahil hinayaan nilang malinlang sila ng serpiyente, sila, at tayong lahat, ay nawala sa biyaya. Sa sandaling iyon, sinasabi sa atin ni Pablo, "dumating ang kasalanan sa mundo dahil sa paglabag ni Adan sa utos ng Diyos. At dahil sa kasalanan, dumating din ang kamatayan. Kaya lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao dahil nagkasala ang lahat" (Roma 5:12 ASND). Ang masama pa rito ay kung ano ang pinakahinahanap nila, ang maging katulad ng Diyos, ay talaga namang nasa kanila na. Nasa kanila na ang Kanyang larawan at wangis at ang Kanyang tatak ay nasa kanilang mga puso at kaluluwa.
Sa Sin and Redemption, sinabi ni John Garnier na, "Ang kasalanan kung ganoon, ay nagbubunga ng pagkakahiwalay at kapootan sa Diyos, o sa ibang salita, isang moral na pakikipaghiwalay sa pagitan ng makasalanan at ng Diyos, na isang kamatayang espirituwal; at ang kabaligtaran nito ay ang pagpapasigla, o pagbibigay ng buhay, at sa gayon ay, pakikipagkasundo sa Diyos." Ang kasalanan nina Adan at Eba ay nakahawa sa lahat ng kanilang mga anak, ang bawat tao sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ito ang naging dahilan ng hidwaan, ang pagkakahiwalay natin at ng isang banal at perpektong Diyos. Ang bawat taong isinilang simula noon ay ipinanganak na patay sa espirituwal, nakahiwalay sa Diyos—maliban sa Nag-iisa. Kung ganoon, kung tayo ay ipinanganak na patay sa espirituwal, kapag naganap ang kamatayan sa pisikal, ito ay nagiging permanenteng kamatayan na walang pagkakataon para sa pakikipagkasundo.
Sa Roma 6:23 (ASND), sinasabi ni Pablo na, "Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan." Ang kasalanan sa Halamanan ay nagdala ng kagyat na kamatayang espirituwal sa buong sangkatauhan, at ang pinakahuling pagkakautang para sa kasalanan ng isang tao ay ang ganap na kamatayan na nangyayari sa pisikal na kamatayan, at kung ganoon, upang mabayaran ang pagkakautang ng kasalanan (na ito nga ay ang kamatayan), isang bagay (o isang tao) ang kinakailangang mamatay kapalit ng taong makasalanan. Dahil dito, ang pagsasakripisyo ay kinailangan upang mabayaran ang pagkakautang ng kasalanan. Bakit? Dahil ang kabayaran ng ating kasalanan ay kamatayan "at kung walang pagbubuhos ng dugo bilang handog sa Diyos, wala ring kapatawaran ng mga kasalanan" (Hebreo 9:22 ASND).
Pinakaunang nakita ito pagkatapos ng pagkabagsak. Sa Genesis 3:21 (ASND), sinasabing, "Gumawa ang Panginoong Diyos ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito." Makikita ninyo rito na, upang madamitan ng Diyos sina Adan at Eba at tanggalin ang kanilang kahihiyan, kinailangan Niyang pumatay ng hayop, upang tigisin ang dugo nito. Ngunit ganito iyon, "Hindi makapag-aalis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at kambing na inihahandog nila" (Hebreo 10:4 ASND). Hindi talaga ito sapat. At dahil dito kaya napakamakapangyarihan ng kuwento ng Pasko!
Ang kuwento ng Pasko ay tungkol sa sandaling ang maluwalhating plano ng Diyos ay naging totoo. Paano? "Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Diyos sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." (Juan 3:16 ASND). Si Jesus, ang perpektong Anak ng Diyos, ay nagsabi, "Narito Ako . . ." (Hebreo 10:7 ASND) at "Inialay ni Cristo ang sarili niya para sa mga kasalanan natin, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama" (Galacia 1:4 ASND). Binayaran Niya ang kabayaran ng ating mga kasalanan, nang minsanan, upang ibigay sa atin ang regalo ng Diyos, ang "buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon" (Taga-Roma 6:23 ASND). Dahil kay Jesus, maaari nating luwalhatiin at tamasahin ang Diyos nang higit pa kaysa kina Adan at Eba. Hindi lamang tayo maaaring lumakad kasama ang Diyos, kundi ang Espirito ng Diyos ay nasa atin!
Tungkol sa Gabay na ito
Sa loob ng 12 araw, maglalakbay tayo sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pasko at matutuklasan natin hindi lamang ang dahilan kung bakit ito ang pinakadakilang kasaysayang nalaman natin, kundi kung paanong ang Pasko ay tunay ngang para sa lahat!
More