Noel: Ang Pasko ay Para sa LahatHalimbawa
Abraham: Ang Ama ng Pananampalataya
Ni Danny Saavedra
"At dahil kayo'y kay Cristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos sa kanya."—Galacia 3:29 (ASND)
Sa ating nakita kahapon, lumikha ang Diyos ng isang perpektong daigdig. Sa ika-anim na araw, lumikha Siya para sa sarili Niya ng mga anak Niyang ayon sa Kanyang larawan at wangis, ang koronang hiyas ng Kanyang mga nilikha. Ang lahat ay nasira nang sina Adan at Eba ay nagrebelde laban sa Diyos at nagdala ng kasalanan at kamatayan sa mundo. Ngunit hindi pa ito ang katapusan ng kuwento. May plano ang Diyos. Makikita mo rito, na sa pagpasok ng kamatayan, ang ating kahanga-hanga at maawaing Diyos ay nagbigay ng pangako ng buhay.
Sa Genesis 3,
ipinaliwanag ng Diyos kung anong mangyayari: Ang mga babae ay makakaranas ng hirap at sakit sa pagluluwal ng bagong buhay dito sa mundo . . .ngunit ang bagong buhay ay darating. At ang bagong buhay na iyon isang araw ay magbubunga ng Binhi na dudurog sa ulo ng buktot na serpiyente (Genesis 3:15). Patungkol sa kapahayagang ito, isinulat ni John Gill na, "Ang Mesiyas, ang dakilang binhi ng babae, (ay) dudurog sa ulo ng serpiyente na kumakatawan sa diyablo, na ang ibig sabihin ay, pupuksain siya . . . wawasakin at gigibain ang lahat ng kanyang mga balak, at sisirain lahat ng kanyang ginawa, dudurugin ang kanyang kaharian, tatanggalin ang kanyang kapangyarihan at pamamayani, lalo na ang kanyang kapangyarihan sa kamatayan, at ang kanyang kalupitan sa katawan at kaluluwa ng mga tao; ang lahat ng ito ay ginawa ni Cristo, nang Siya ay magkatawang-tao."
Ngayon, ating sisiyasatin ang taong may pananampalataya na pinili ng Diyos na sa Kanya manggagaling ang ipinangakong Binhi. Ang Kanyang pangalan ay Abraham, na kilala rin sa tawag na ama ng pananampalataya. Sa puntong ito, maaaring itinatanong mo sa sarili mo, "Bakit pinili ng Diyos si Abraham?" "Ano bang natatangi sa kanya?"
Una nating nakilala si Abraham, na nagmula sa angkan ni Shem, sa Genesis 12. Inatasan siya ng Diyos na maghanda at lisanin ang kanyang tahanan at lahat ng kaginhawahan doon, ialis ang kanyang pamilya doon at maglakbay patungo sa ibang lupain. Kapansin-pansin, ni hindi sinabi kay Abraham kung saang lupain siya dadalhin. Sinabi sa kanya ng Diyos na "pumunta sa lugar na ipapakita ko sa iyo" (Genesis 12:1 ASND). Ngunit kasama ng napakalaking pagtawag na ito ay ang isang pangako: "Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo . . . sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo” (Genesis 12:2-3 ASND). At sa sandaling ito natin nakita ang dahilan kung bakit siya ang pinili ng Diyos.
Hindi dahil natatangi si Abraham, matalino, o matuwid. Pinili ng Diyos si Abraham dahil batid Niyang susundin Siya ni Abraham. Isinulat ni John McArthur na, "Nang maunawaan niya kung anong sinasabi ng Diyos sa kanya, nagsimula siyang maghanda. Iyon ay isang dagliang pagsunod. Maaaring inabot ng ilang araw, o kahit na ilang linggo o ilang buwan, upang matapos ang mga paghahanda para sa kanilang paglalakbay, ngunit sa isipan niya ay naglalakbay na sila. Simula noon, ang lahat ng kanyang ginawa ay uminog sa pagsunod niya sa tawag ng Diyos."
Sinasabi sa Santiago 2:23 (ASND, may dagdag na diin) na, “'Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at dahil dito, itinuring siyang matuwid.' At tinawag siyang kaibigan ng Diyos." Sa edad na 75 taon, sinagot ni Abraham ang tawag ng Diyos at lumisan kasama ang kanyang pamilya. Ang namumukod-tangi sa pangakong ito ng Diyos na gagawin siyang isang malaking bansa at pagpapalain ang buong mundo sa pamamagitan ng kanyang mga anak ay ang katotohanang sina Abraham at ang kanyang asawang si Sarah ay walang anak. Paano makagagawa ng isang malaking bansa ang Diyos mula sa matandang mag-asawang walang anak? At ganoon din ang naisip ni Abraham! Kaya, ipinahayag ng Diyos ang Kanyang plano at sinabi Niya kay Abraham na magkakaanak siya, at kalaunan ay magkakaroon siya ng angkang mahihigitan pa ang dami ng mga bituin! At hulaan ninyo? Sa kabila ng mga hadlang, sa kabila ng katwiran at mga pangyayari, naniwala si Abraham sa Diyos!
Ang kuwento ni Abraham ay nagtuturo sa atin ng ating papel sa plano ng Diyos patungkol sa kaligtasan. Hindi ito paggawa, kundi pananampalataya at pagsamba. Sa Genesis 12, natanggap ni Abraham ang pangako sa pamamagitan ng pananampalataya, at kapagdaka'y nagtayo siya ng isang altar, isang lugar ng pagsamba. Bakit? Sapagkat malinaw na naunawaan niyang ang kanyang pagiging matuwid sa harapan ng Diyos o maging ang mga pangakong ibinigay sa kanya ng Diyos ay hindi nakasalalay sa kung sino siya o anong kanyang ginawa, kundi sa katapatan lamang ng Diyos.
Sa buong araw na ito, tandaan mong may kapangyarihan sa pagsamba sa Diyos para sa lahat ng kung ano Siya at sa kalakasang ibinibigay Niya sa iyo. Katulad ng nakita natin sa buhay ni Abraham, hindi ito tungkol sa kung anong kaya nating gawin, kundi kung anong ginawa Niya. Kaya nga, maniwala sa Kanyang mga pangako at sambahin Siya, dahil "sa pananamapalataya ninyo kay Cristo Jesus. Sapagkat binautismuhan kayo sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo at namumuhay kayong katulad niya . . . At dahil kayo'y kay Cristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos sa kanya" (Galacia 3:26-27,29 ASND).
Tungkol sa Gabay na ito
Sa loob ng 12 araw, maglalakbay tayo sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pasko at matutuklasan natin hindi lamang ang dahilan kung bakit ito ang pinakadakilang kasaysayang nalaman natin, kundi kung paanong ang Pasko ay tunay ngang para sa lahat!
More