Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Noel: Ang Pasko ay Para sa LahatHalimbawa

Noel: Christmas Is For Everyone

ARAW 11 NG 12

Ang Pinakadakilang Regalo

Ni Danny Saavedra

“Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Diyos sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."—Juan 3:16 (ASND)

Dahil ngayon ay bisperas ng Pasko, palagay ko ay maaari tayong maging tapat sa ating mga sarili sa pag-amin na GUSTUNG-GUSTO nating makatanggap ng mga regalo! Sinong ayaw makatanggap ng mga regalo? Napakasaya nito. Sa totoo lang, ano bang hindi nakakatuwa sa pagtanggap ng magagandang regalo mula sa mga taong minamahal mo? Para sa akin, gusto kong makatanggap ng mga regalo mula sa mga tao. Natutugunan nito ang pangangailangan kong maaprubahan at matanggap. Bakit? Dahil ang pagtanggap ng mga regalo mula sa mga tao ay nagbibigay sa akin ng pakiramdam na tunay nga nila akong minamahal, pinahahalagahan at tinatanggap bilang ako. 

Bago tayo magsimula sa ating pag-aaral ngayong araw na ito, hayaan ninyong tanungin ko kayo . . . ano ang pinakamagandang regalong natanggap mo? Natatandaan kong ang pinakamagandang regalong natanggap ko noong bata pa ako ay ang Nintendo 64, na may kasama pang Super Mario 64. Grabe, napakaraming oras at tuwa ang nakuha ko sa laruang iyon. 

Hanggang ngayon, gustung-gusto ko pa ring nakakatanggap ng mga regalo. Ngunit, kung magiging tapat ako sa inyo, ngayong matanda na ako— at isa nang ama—may napansin akong nakakatuwa: Mas malaking katuwaan ang nakukuha ko sa pagbibigay ng mga regalo. Wala pa akong regalong natanggap ngayong matanda na ako na nagbigay sa akin ng pakiramdam na tulad noong bata pa ako, ngunit sa tuwing nagbibigay ako sa aking anak na lalaki o anak na babae ng regalong gustung-gusto nila, kapag nakikita ko ang katuwaan at kaligayahan sa kanilang mga mukha, habang nararamdaman ko ang kanilang masayang pagyakap, at naririnig ang kanilang "Salamat! Salamat! Salamat, Daddy!", ito ay nagbabalik ng napakagandang pakiramdam na naranasan ko noong makatanggap ako ng N64. 

Habang iniisip ko ang dahilan kung bakit natin ipinagdiriwang ang Pasko ngayon, naalala ko ang Mateo 7:11 (ASND), na nagsasabi, "'Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya!" At talaga naman, napakagaling magbigay ng ating Ama sa langit ng regalo! 

Sinasabi ng Juan 3:16 sa atin na ibinigay ng Diyos ang Kanyang kaisa-isang Anak upang ang lahat ng sumampalataya ay matanggap ang handog ng buhay na walang hanggan. Sinasabi pa ng Roma 8:32 (ASND) na, "Kung ang sarili Niyang Anak ay hindi Niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay rin niya sa atin ang lahat ng bagay" habang sinasabi ng 2 Corinto 8:9 (ASND) na, "Sapagkat alam naman ninyo ang biyayang ipinakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman siya doon sa langit ay nagpakadukha siya dito sa mundo alang-alang sa atin, para sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo."

Ngayon, bakit nga ba Niya ibinigay ang regalong ito? Bakit ang Hari ng kalangitan ay bumaba at nanahang kasama tayo? Sinasabi sa 1Timoteo 1:15 (ASND) na, "Naparito si Cristo Jesus sa mundo para iligtas ang mga makasalanan." Sa Roma 6:23 (ASND) ay malinaw na sinasabi sa atin na, "Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan." Ito ang nararapat sa atin. Ito ang utang na kailangan nating bayaran sa Diyos dahil sa ating kasalanan. Dahil sa kasalanan ay malayo tayo sa isang banal at walang kapintasang Diyos. Ngunit ang ating Panginoon, na puno ng pagmamahal, biyaya, at awa, ay gumawa ng plano upang magkaroon ng tulay sa malawak na pagkakahiwalay na ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng "regalo ng Diyos," na "buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon." At nagawa Niya ito sa pamamagitan ng pagsugo ng kaisa-isang Anak Niya dito sa mundo upang sa pamamagitan niya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan" (1Juan 4:9 ASND).

Bilang mga taga-sunod ni Cristo, nakatanggap tayo ng regalong patuloy na magbibigay habambuhay—isang regalong hindi maluluma, hindi mapuputol, hindi masisira, hindi mawawalan ng laman, at hindi mawawala ang halaga nito; ang pinakadakilang regalong malalaman ng mundo . . . at ang kailangan lamang nating gawin ay maniwala. Nagbayad si Jesus ng sukdulan at pinakamataas na halaga upang mabili ang regalong ito para sa atin upang maibigay Niya ito sa atin ng walang bayad! Kaya nga ang Juan 3:16 ang pinaka-kilalang bersikulo sa Biblia, dahil ito ang pinakamakapangyarihan at pinakamalinaw na kapahayagan ng pagmamahal ng Diyos para sa atin. At alam mo ba ito? Alam mo ba ang nararamdaman ng Diyos sa tuwing may tumatanggap ng Kanyang regalo? Sinasabi sa atin ni Jesus sa Lucas 15:7 (ASND) na may kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan at tumatanggap sa regalo ni Jesus!

Kaya ngayong araw na ito, habang naghahanda ka upang ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus bukas, habang inihahanda mo ang Noche Buena o naghahanda ka upang pumunta sa simbahan, nawa ay malaman mong hindi lamang ikaw ang nagdiriwang . . .siguradong ang ating Ama sa langit ay nagdiriwang din sa sandaling ikaw at ako ay maging mga anak Niya, at may dakilang pagdiriwang sa langit habang ang mga tao ay nakakakilala sa Kanya. 

Araw 10Araw 12

Tungkol sa Gabay na ito

Noel: Christmas Is For Everyone

Sa loob ng 12 araw, maglalakbay tayo sa pamamagitan ng kasaysayan ng Pasko at matutuklasan natin hindi lamang ang dahilan kung bakit ito ang pinakadakilang kasaysayang nalaman natin, kundi kung paanong ang Pasko ay tunay ngang para sa lahat!

More

Nais naming pasalamatan ang Calvary Chapel Ft. Lauderdale sa pagpapaunlak ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: http://CalvaryFTL.org