Magsimula rito | Mga Unang Hakbang kasama si JesusHalimbawa
Marcos 1 | Sundan Ako
Kumusta at maligayang pagdating sa Umpisa. Kung nagsisimula ka pa lang - o maaaring muling nagsisimula - kasama si Jesus, o kung gusto mo lang malaman ang tungkol sa pananampalataya, nasa tamang lugar ka.
Kaya saan tayo magsisimula? Bueno, para sa mga alagad, nagsimula ang lahat sa mga simpleng salita mula kay Jesus, “Sumunod kayo sa Akin.” At ang paglalakbay sa hinaharap ay makapagpapabago ng lahat.
Kaya diyan din tayo magsisimula: sa pagsunod kay Jesus. Simple lang ang plano natin. Magbabasa tayo ng dalawang aklat sa Biblia. Una, susundan natin ang kuwento ni Jesus sa Ebanghelyo ni Marcos; pagkatapos ay pag-uusapan natin ang ating kuwento sa aklat ng Mga Taga-Colosas. Sa Marcos, makikita natin kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod kay Jesus noon, at sa Mga Taga-Colosas ay makikita natin kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Kanya ngayon.
Ang pinakamahalagang bahagi ng gabay na ito ay ang pagbabasa ng Biblia, ngunit narito ako para samahan ka at ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa ating pagpapatuloy. Makikita natin dito, ang mga paglalakbay ay mas mahusay na magkasama. Mag-imbita ng kaibigan, at habang nakikilala mo si Jesus ay makikilala ninyo ang isa't isa! Maaari kang magbasa nang mag-isa, pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ito bawat araw - o bawat linggo. O maaaring tayong dalawa lang.
Okay, simulan na natin. Sa araw na ito, ang Aklat ni Marcos, kabanata 1, simula sa talata 1:
“Ang simula ng mabuting balita tungkol kay Jesus na Mesiyas, ang Anak ng Diyos.”
Napakagandang pambungad. Una, magandang balita ito, at gusto ko ang mabuting balita. Ito ay tungkol kay Jesus, ang Mesiyas. Ang ibig sabihin ng Mesiyas ay “pinahiran” - na Siya ang Nag-iisa, ang pinili ng Diyos. At si Jesus ay ang Anak ng Diyos.
Ang talata 2 ay nagsisimula sa isang propesiya mula sa mga naunang mga siglo pa:
“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.”
Ang sugo ng Diyos ay isang lalaking nagngangalang Juan, na ipinadala upang mangaral at maghanda ng mga puso para kay Jesus. Paano niya inihanda ang mga ito? Bueno, sinasabi ng bersikulo 4 na nangaral siya ng “bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.” Ang pagsisisi ang susi. Ang pagsisisi ay pagbabago ng iyong isip at pagbabago ng iyong direksyon. Kilalanin, "Ang ginawa ko ay mali," pagkatapos ay talikuran ito upang sumunod sa isang bagong direksyon. At kaya ang mga tao ay dumating mula sa malayo at malawak na lugar upang makinig kay Juan, upang magsisi, at magpabautismo.
Ito ang susi. Ang unang hakbang sa pagsunod kay Jesus ay ang pagbabago ng direksyon. Aminin ang pagkakamaling nagawa mo, talikuran ito, at bumaling kay Jesus. Nagbautismo si Juan sa tubig bilang tanda ng pagsisisi, ngunit sinabi rin niya sa kanila na darating si Jesus at “babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Pagkatapos sa talatang 9, si Jesus ay nagmula sa Nazareth, at siya ay binautismuhan ni Juan. Ngunit iba ang bautismo ni Jesus. Ang Espiritu ay bumaba sa kanya tulad ng isang kalapati, at sa bersikulo 11:
“Isang tinig ang dumating mula sa langit: 'Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.’”
Napakaraming makikita dito, ngunit gusto kong basahin mo ito para sa iyong sarili. Ganyan ang gagawin natin. Tutuon ako sa pangkalahatan, tapos basahin mo ang mga detalye. Bersikulo 14:
“Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. Sinabi niya, 'Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!'"
Dumating si Jesus na may dalang mensahe: Malapit na ang Kaharian ng Diyos - ang lugar kung saan mamamahala ang Diyos bilang Hari. Ito ay malapit na, abot-kamay. At inanyayahan Niya ang mga tao na magsisi - tumalikod sa kanilang kasalanan - at maniwala sa mabuting balita.
Ngunit kung malapit na ang Kaharian, paano nila ito mararating? Verse 16:
“Habang si Jesus ay naglalakad sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya si Simon at ang kanyang kapatid na si Andres na naghahagis ng lambat sa lawa, sapagkat sila ay mga mangingisda. ‘Halika, sumunod ka sa akin,’ sabi ni Jesus, ‘at ipapadala kita upang mangisda ng mga tao.’”
Tandaan. Ang susi sa pag-abot sa Kaharian ng Diyos ay nasa mga salitang ito: sundan si Jesus.
Bersikulo 18:
“Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.”
Pansinin na kailangan nilang iwan ang isang bagay upang makasunod. Nagpatuloy si Jesus at nasumpungan sina Santiago at Juan (ibang Juan ito), at iniwan din nila kung anong mayroon sila at sumunod kay Jesus.
Naiisip ko minsan kung alam ba ng mga disipulo na magbabago na ang buhay nila, o magbabago ang buong mundo. Hindi ko alam kung gaano nila naintindihan ngayon, ngunit nagtiwala sila kay Jesus upang gawin ang mga unang hakbang.
Kaya samahan natin sila. Basahin ang Marcos 1. Panoorin ang kapangyarihan ni Jesus habang nagpapalayas Siya ng mga demonyo. Damhin ang Kanyang habag habang pinapagaling Niya ang maysakit. Pakinggan ang Kanyang karunungan habang Siya ay nagtuturo. At habang nagbabasa ka, unawain na hindi tayo inaanyayahan ni Jesus na maniwala lamang sa isang hanay ng mga katotohanan o pag-isipan ang ilang pilosopiya. At hindi Niya tayo iniimbitahan na sumali sa isang institusyon. Inaanyayahan Niya tayong sumama sa Kanya sa isang paglalakbay. Inaanyayahan Niya tayong sumunod.
Para sa Pagninilay at Talakayan:
- Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niyang, “Sumunod ka sa Akin”? Paano iyon naiiba sa pagsasabi ng "makinig sa Akin" o "maniwala ka sa Akin"?
- Alin sa mga salitang ito sa tingin mo ang pinakamahusay na naglalarawan sa kahulugan ng pagiging Cristiano: relihiyon, pananampalataya, pilosopiya, mga tuntunin, paglalakbay, relasyon? Bakit?
- Paano mo nakilala si Jesus? Ibahagi ang iyongkuwento.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Kung ikaw ay bago kay Jesus, bago sa Biblia, o tumutulong sa isang kaibigan - Mag-umpisa Rito. Sa susunod na 15 na araw, ang mga 5-minutong audio guides na ito ay maghahatid sa 'yo dahan-dahan sa dalawang pangunahing mga aklat sa Biblia: sa Marcos at sa Mga Taga-Colosas. Subaybayan ang kuwento ni Jesus at tuklasin ang mga pangunahing kaalaman sa pagsunod sa Kanya, na may pang-araw-araw na mga tanong para sa indibidwal na pagninilay o panggrupong talakayan. Sundan upang magsimula, at mag-imbita ng kaibigan at sundan muli!
More