Magsimula rito | Mga Unang Hakbang kasama si JesusHalimbawa
Marcos 2-3 | Pinatawad at Pinili
Maligayang Pagbabalik sa Simula. Nasa Marcos 2 tayo ngayon, kung saan makikita ang isa sa mga paborito kong kuwento. Sa Biblia, si Jesus ay gumawa ng ilang malalaking pag-aangkin - sapat na malaki para mapatay Siya. Ngunit kahit sino ay maaaring mag-angkin na maging kahit ano. Ang tanong ay - pinatunayan ba ito ni Jesus? Sa Marcos 2, makikita natin si Jesus na nagtuturo sa isang tahanan sa Capernaum, at ang balita ay kumalat. Bersikulo 2:
“Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan.”
May napakalaking pulutong, at ipinangangaral ni Jesus ang Salita - iyon ang Biblia. Laging nakatuon si Jesus sa Salita ng Diyos. Nagsagawa rin Siya ng mga himala, ngunit tinawag ni Jesus ang mga himalang iyon na mga tanda, at ang isang palatandaan ay tumuturo sa ibang bagay. Perpektong halimbawa: ang kuwento ngayon. Bersikulo 3:
“Habang nangangaral si Jesus, may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinabâ ang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, 'Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.’"
Teka lang. I-rewind natin ang tape na iyon. Sinabi lang ba Niya, "Ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na?" Ang lalaki ay pumunta para sa pagpapagaling, hindi kapatawaran. Ngunit may alam si Jesus: walang isyu sa buhay na kasing laki ng kasalanan at pagpapatawad. At panoorin ang susunod na mangyayari.Naroon ang ilang gurong Judio, at nabigla sila.
“Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?" (Marcos 2:7).
At sa huling bahaging iyon, tama sila. Ang pag-angkin na magpatawad ng mga kasalanan ay pag-angkin sa kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi ito totoo, ito ay kalapastanganan - isang napakabigat na kasalanan. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip, kaya nagtanong Siya. Bersikulo 9:
“'Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? '”
Gusto ko ang tanong na ito. Pag-isipan mo. Alin ang mas madaling sabihin?“Ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na.” Madaling sabihin iyon dahil walang makakakita nito. Ngunit ito ay mas mahirap gawin! Ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan! Ngunit ang sabihin sa isang paralitikong lalaki, “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad” - iyan ay mapanganib. Lahat ay nanonood. Kaya sa bersikulo 10 ay nagpatuloy si Jesus,
“Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!" Tumayo nga ang paralitiko. Kaagad nitong binuhat ang kanyang higaan at umalis habang ang lahat naman ng naroroon ay namangha."
Ang himala dito ay kahanga-hanga: isang paralisadong lalaki ang naglakad! Ngunit huwag palampasin ang tanda, itinuturo nito ang kapangyarihan ni Jesus. Na kay Jesus ang kapangyarihan ng Diyos na magpatawad ng mga kasalanan, at pinatunayan Niya ito. At muli Niya itong ginamit sa susunod na kuwento. Sa bersikulo 13, nagtuturo si Jesus sa tabi ng lawa, at nakita Niya si Levi na nagtatrabaho bilang maniningil ng buwis. Ang mga maniningil ng buwis ay hinahamak noong panahong iyon, mga tiwaling tao na nagbubulsa ng higit pa sa ibibinigay nila sa gobyerno. Masamang kasakiman. Gayon pa man ay nilapitan ni Jesus si Levi,
“Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya. (2:14).
Ang mga salitang iyon muli, ang parehong paanyaya. Ngunit sa pagkakataong ito ay nag-iimbita si Jesus ng isang makasalanan - isang napakasamang tao. At sumunod si Levi! At nang anyayahan ni Levi si Jesus at ang mga alagad para sa hapunan, mas marami ang mga makasalanan. Ngayon ito ay lalong mahirap para sa mga Pariseo na maunawaan. Ang mga Pariseo ay mga pinuno ng relihiyon - ang uri ng mapanghusga at mapagmatuwid sa sariling mga pinuno - na hindi makaunawa. Kung si Jesus ay isang mabuting rabbi,
“Bakit siya kumakain kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” (2:16).
Ang bersikulo 17 ay isang malalim na kapahayagan:
“Narinig ito ni Jesus kaya't siya ang sumagot, 'Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.'”
Huwag nating palampasin ito. Pinili ni Jesus ang mga makasalanan. Si Levi ay isang makasalanan. Ganun din ang mga kaibigan niya. Ngunit kung paanong ang isang manggagamot ay dumarating upang pagalingin ang mga maysakit, si Jesus ay dumating upang patawarin at ibalik ang mga makasalanan - upang gawin silang matuwid. Ang ibig sabihin ng matuwid ay tama sa Diyos. Iyan ay isang mahalagang salita. Alam mo ang pakiramdam sa pagitan ng dalawang tao kapag ang inyong relasyon ay tama - kapag walang namamagitan sa inyo? At alam mo naman siguro yung pakiramdam kapag hindi tama ang isang relasyon - kapag may pader sa pagitan ninyo dahil may hidwaan kayo. Bueno, iyan ang kalagayan natin sa Diyos. Ang kasalanan ang naghihiwalay sa atin. Mali ang ginawa natin. Ngunit ang ebanghelyo - ang dakilang balita - ay naparito si Jesus upang tayo ay muling gawing tama. Siya ay nagpapatawad ng mga kasalanan, at tinatawag tayong matuwid. Ang hinihiling Niya sa atin ay pananampalataya. Matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. At higit na kamangha-mangha, pinipili ni Jesus ang mga makasalanan, ginagawa silang tama, at isinugo sila upang maglingkod sa Diyos. Sa kabanata 3, mababasa natin na tinawag ni Jesus sa Kanyang sarili ang isang grupo na kinabibilangan ng labindalawang tao, at hinirang sila na maging mga apostol. Isang alagad ang sumunod, isang apostol ang ipinadala - tulad ng isang kinatawan. At sa listahan ng labindalawa ay naroon si Levi, ang pangalan lang niya ay pinalitan ng Mateo. Pinili ni Jesus ang mga makasalanan, pinatawad sila, pinagaling at binago sila, at ipinadala Niya sila upang sabihin sa lahat ng iba pang makasalanan ang mabuting balita: Mahal ka ng Diyos. Kamangha-mangha. At ginagawa pa rin Niya hanggang ngayon. Basahin ang Marcos 2 at 3 ngayon. Kung may oras ka, i-tap ang “Basahin ang Buong Kabanata” para makuha ang buong kuwento. At magkita tayong muli dito sa Kabanata 4.
Para sa Pagninilay at Talakayan:
- Bakit sa palagay mo napakahirap para sa mga pinuno ng relihiyon na tanggapin na kumain si Jesus kasama ng mga makasalanan? < li>Si Jesus ay gumawa ng malalim na pahayag sa 2:17, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid." Ano ang ibig sabihin nito sa iyo?
- Anong papel ang ginampanan ng pagpapatawad sa iyong buhay? Ibahagi ang iyong kuwento.
Tungkol sa Gabay na ito
Kung ikaw ay bago kay Jesus, bago sa Biblia, o tumutulong sa isang kaibigan - Mag-umpisa Rito. Sa susunod na 15 na araw, ang mga 5-minutong audio guides na ito ay maghahatid sa 'yo dahan-dahan sa dalawang pangunahing mga aklat sa Biblia: sa Marcos at sa Mga Taga-Colosas. Subaybayan ang kuwento ni Jesus at tuklasin ang mga pangunahing kaalaman sa pagsunod sa Kanya, na may pang-araw-araw na mga tanong para sa indibidwal na pagninilay o panggrupong talakayan. Sundan upang magsimula, at mag-imbita ng kaibigan at sundan muli!
More