Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Magsimula rito | Mga Unang Hakbang kasama si JesusHalimbawa

Start Here | First Steps With Jesus

ARAW 5 NG 15

Marcos 8-9 | Kung Sino si Jesus

Ngayon ang Marcos 8 ay dinadala tayo sa pinaka-kaibuturan ng Cristianismo. Matagal din natin sinundan ang buhay ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo. Nakita nila ang Kanyang mga milagro, nadama ang Kanyang pagkahabag, at narinig ang Kanyang pagtuturo. Ngayon ay oras nang magpasya. May dalawang mahahalagang tanong dito: Sino si Jesus? At ano ang kailangan upang sumunod sa Kanya?

Magsisimula tayo sa bersikulong 27:

“Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, 'Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?'”

Isang simpleng tanong. At sa totoo lang, dito tayo lahat nagsisimula nang iniisip natin kung ano ang ating paniniwala. Nagsisimula tayo sa mga bagay na narinig natin mula sa iba. Nagbigay ang mga disipulo ng iilang mga sagot na narinig nila: Sabi ng iba si Jesus ay si Juan na Tagabautismo na ipinanganak muli, o si Elias, o isang propeta. 

At ngayon ang mga tao ay maraming mga opinyon tungkol sa kung sino si Jesus talaga. Ang mga Muslim ay binibigyang karangalan si Jesus bilang isang dakilang propeta ni Allah - walang kasalanan at ipinanganak sa isang birhen. Ang mga Judio ay may halo-halong opinyon tungkol kay Jesus - ang iba ay nakikita Siya bilang isang magaling na guro, ang iba ay nakikita Siya bilang isang erehe, ngunit ang karamihan ay nakikita Siya bilang ang Mesias. Maraming mga Hindu ang nagbibigay-galang kay Jesus bilang isang guru sa mga Judio, at karamihan sa mga Budista ay itinuturing si Jesus bilang isang naliwanagang nilalang. Maraming mga ideya tungkol kay Jesus - karamihan ay mabubuti. Ngunit sa bersikulo 29, patuloy Siya sa pagtatanong:

“‘Ngunit para sa inyo, ano ang masasabi ninyo tungkol sa akin?’ tanong niya.”

Ito ang tanong na mahalaga. Para magkaroon ng kahulugan ang pananampalataya, kailangan itong maging personal. Hindi sapat malaman kung ano ang sinasabi ng iba. Dapat itong magmula galing sa iyo: Sino ba si Jesus para sa iyo?

Panahon na para magpasya, at si Pedro ay nagdesisyon:

“Sumagot si Pedro, ‘Kayo po ang Mesias.’”

Ito ay isang malaking sandali. Ang Mesias ay nangangahulugang siyang pinahiran. Siya ang pinili upang tuparin ang Kanyang mga pangako at kumpletuhin ang Kanyang dakilang plano na iligtas tayo. Huhukayin natin ang mga pangako ng Diyos at mga propesiya sa susunod nating paglalakbay. Sa ngayon, intindihin mo muna na ang pagpapahayag ni Pedro ay ang batong pundasyon ng ating pananampalataya. Ang ating paglakad kasama ang Diyosay nagsisimulasa ating pagkakakilala kung sino si Jesus. 

At sa bersikulo 31, tinuruan sila ni Jesus na Siya ang Mesias... 

“...dapat magdanas ng matinding hirap. Siya’y itatakwil ng mga pinuno ng bayan.”

Ayaw ni Jesus na magulat sila kapag makitang itinanggi ng mga hipokritong pinuno ang siyang pinili ng Diyos, 

“...siya’y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.”

Inilantad na ni Jesus ang lahat. Siya ay papatayin at muling mabubuhay. Ibinigay ang propesiyang ito ilang siglo na ang nakaraan, sa Isaias 53, Mga Awit 22, Zacarias 12. Plano ito ng Diyos. Paparating ang krus. 

Nakawiwili, ang krus ang naghihiwalay sa Jesus ng Biblia mula sa sinasabi ng iba. Itinatanggi ng mga Muslim ang kuwento ng krus; sinasabi ng mga Hindu ang pagpanaw Niya papunta sa mapayapang samadhi; at para sa mga Budista na hindi naniniwala sa kasalanan, malupit ang krus.

Sa simula, nagkaroon ng parehong reaksyon si Pedro. Kanyang itinabi si Jesus para sawayin siya. Ngunit sinaway Niya si Pedro sa pag-iisip na tulad ng isang karaniwang tao, at hindi iniisip ang mga bagay na sa Diyos. Ang pag-iisip ng isang tao ay ang pagliligtas sa mabait mula sa pagdurusa, at ang mga masasama ay matatanggap ang karapat-dapat na para sa kanila. Ngunit hindi si Jesus. Si Jesus ay namuhay nang tama, at tinanggap ang kamatayan ng isang makasalanan. Pumalit Siya sa ating puwesto. 

Pagkatapos sa bersikulo 34, ipinaliwanag ni Jesus kung ano ang kailangan para maging disipulo Niya. Basahin nang mabuti:

“Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.”

Kung gusto mong sundin si Jesus, isaulo mo ang bersikulong ito. Ito ang halaga. Para sumunod kay Jesus, kailangan mong:

Itanggi ang iyong sarili: Hindi mo kayang iligtas ang iyong sarili, hindi ka sapat. Kailangan mo si Jesus.

Pasanin ang iyong krus: Ang bawat Cristiano ay may pinapasan, may sakripisyo. Hindi magiging patas ang buhay para sa iyo.

At sumunod kay Jesus: Kung saan ka aakayin ni Jesus, susunod ka.

Ang pagsunod kay Jesus ay higit pa sa isang paniniwala, tulad na ang pag-aasawa ay higit pa sa isang pakiramdam. Ito ay isang patuloy na pangako, isang kasunduan sa Kanyang dugo. Bersikulo 35:

“Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. Sapagkat ano ba ng mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang kaluluwa? Ano ba ang maibibgay ng isang tao para mabawi niya ang kanyang kaluluwa?”

Gustong-gusto ko talaga ang bersikulong ito. Alam mo ba ang sinasabi ni Jesus? Sinasabi niya na ang ating kaluluwa ay mas malaki pa ang halaga kaysa sa buong mundo. Kung kaya bumitaw na sa mundo, at kumapit kay Jesus. Para kay Jesus, mabuting mamatay Siya para sa iyong kaluluwa. Ano ba ang halaga nito para sa iyo?

Sa sarili kong buhay, sinayang ko ang maraming taon na naging kontento akong ipaubaya ang pananampalataya sa ibang tao, “Naniniwala sila ng ganito at ganyan.” Ngunit dumating ang araw para sa isang desisyon - para sa sarili kong pananampalataya. May malaking kaibahan sa pagitan ng paniniwala sa pag-aasawa at pagiging may-asawa. At may malaking kaibahan sa pagitan ng paniniwala ng mga bagay tungkol kay Jesus at pagsunod kay Jesus. Ang kaibahan ay ang pangako at sakripisyo. Sa madaling salita, ang kaibahan ay ang iyong buhay. At sulit ang bawat segundo nito. 

Basahin ang Marcos 8, at sagutin ang tanong ngayon. Sino para sa 'yo si Jesus, at handa ka bang sumunod sa Kanya?

Para sa Pagninilay at Talakayan:

  • Sino ba sa iyo si Jesus?
  • Ano ba ng kailangan mo para sumunod kay Jesus? Isulat ang bersikulo 34 sa iyong sariling mga salita para sa iyong buhay.
  • Sulit ba ang halaga ng pagsunod kay Jesus? Isulat ang bersikulo 35-36 sa iyong sariling mga salita para sa iyong buhay.

Banal na Kasulatan

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Start Here | First Steps With Jesus

Kung ikaw ay bago kay Jesus, bago sa Biblia, o tumutulong sa isang kaibigan - Mag-umpisa Rito. Sa susunod na 15 na araw, ang mga 5-minutong audio guides na ito ay maghahatid sa 'yo dahan-dahan sa dalawang pangunahing mga aklat sa Biblia: sa Marcos at sa Mga Taga-Colosas. Subaybayan ang kuwento ni Jesus at tuklasin ang mga pangunahing kaalaman sa pagsunod sa Kanya, na may pang-araw-araw na mga tanong para sa indibidwal na pagninilay o panggrupong talakayan. Sundan upang magsimula, at mag-imbita ng kaibigan at sundan muli!

More

Nais naming pasalamatan ang Through The Word sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: http://throughtheword.org