Magsimula rito | Mga Unang Hakbang kasama si JesusHalimbawa
Marcos 14-15 | Ang Krus
Maligayang pagbabalik mga kaibigan. Dinadala tayo ngayon ng ating paglalakbay sa Marcos 14 at sa mismong sangang-daan ng kasaysayan. Dumarami ang mga tao sa Jerusalem pagdating ng araw ng kapistahan. Isang pagsasabwatan ang namumuo sa mga pinunong Judio - isang balak upang mawala si Jesus. At habang tumitindi ang tensyon, isinama ni Jesus ang Kanyang mga alagad upang ipagdiwang ang Paskuwa nang magkakasama sa isang silid sa itaas.
Habang nagpapahinga ang mga alagad para sa kapistahan, ipinahayag ni Jesus na isa sa kanila ang magkakanulo sa Kanya. Ang pagkakanulo ay isang malalim na sugat, at alam na alam ito ni Jesus. Sa ngayon, nakaupo si Judas kasama ni Jesus bilang isang kaibigan. At sa talatang 22,
"Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, 'Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.'” At pagkatapos ay isang kopa ng alak, "Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami."
Tinatawag natin itong Komunyon. Pinararangalan ito ng mga Cristiano sa buong mundo hanggang ngayon, ng tinapay para alalahanin ang katawan ni Jesus na binayubay sa krus, at ng alak para alalahanin ang dugo ni Jesus. Si Jesus ay nagtatag ng isang bagong tipan - isang bagong relasyon sa pagitan ng Diyos at ng tao - sa pamamagitan ng Kanyang dugo. May malalim na simbolismo at kahulugan dito, ngunit sa ngayon, sapat na ang alalahanin si Jesus.
Magpapatuloy ang gabi. Umalis si Judas na may masamang hangarin. Tinapos nila ang pagkain, nanalangin si Jesus, at dinala Niya sila sa malapit na hardin na tinatawag na Getsemani.
Hating gabi na ngayon, ngunit isang kabilugan ng buwan ang nagbibigay liwanag sa kadiliman. Inihiwalay ni Jesus ang tatlong alagad, at ibinahagi ang laman ng Kanyang puso,
“Ang puso ko'y labis na nalulungkot at halos ako'y mamatay na!”
Hinihiling Niya sa kanila na manalangin, pagkatapos ay gumugol ng panahon na mag-isa sa panalangin, at humiling sa Ama “na kung maaari ay alisin ang paghihirap na ito” mula sa Kanya.
Bumalik Siya at nakita ang mga alagad na natutulog. Ginising Niya sila, at muling nanalangin. Bumalik. Tulog na naman sila. Ngunit ngayon ay tapos na ang oras, at si Judas ay bumalik kasama ang isang batalyon ng mga kawal. Kumpleto na ang pagtataksil. Inaresto nila si Jesus at dinala Siya sa paglilitis sa harap ng mataas na saserdote.
Ngayon ay Biyernes na, bago pa sumikat ang araw. Si Jesus ay nakatayo sa harap ni Caifas, ang mataas na saserdote. Sa talatang 56:
“Marami ngang saksi ang nagsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi naman nagkakaisa ang kanilang mga patotoo.”
Ang mga akusasyon ay nagsalimbayan, ngunit sa talata 61,
Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Mapagpalang Diyos?” Sumagot si Jesus, “Ako nga."
At para dito, at dito lamang, hinatulan ng Punong Pari si Jesus dahil sa kalapastanganan - sa pag-angkin kung sino Siya.
Kaya iginapos ng mga pinunong Judio si Jesus at dinala siya sa Romanong gobernador, kay Poncio Pilato. Marcos 15, bersikulo 2:
"Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" tanong ni Pilato.
“Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus.
Muli ang mga paratang ay ibinato kay Jesus, ngunit hindi Siya sumagot. Sa lahat ng ito, sinasagot lang Niya ang mga tanong tungkol sa kung sino Siya. Ito ang isang bagay na mahalaga.
Ang mga akusasyon ay hindi magkakatugma, at si Pilato ay tumangging hatulan ang isang inosenteng tao. Ngunit ang mga pari ay nagbanta ng isang paghihimagsik. Sa talatang 12,
"Ano naman ang gusto ninyong gawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?..."
"Ipako siya sa krus!..."
"Bakit, ano ba ang kasalanan niya?..."
Ngunit sila ay sumigaw ng mas malakas, "Ipako siya sa krus!"
At sumuko si Pilato. Si Jesus ay binugbog nang may kalupitan, at dinala palayo sa palasyo kasama ang isang buong pangkat ng mga sundalo. Tinuya nila Siya sa pamamagitan ng isang koronang tinik, isang balabal na kulay ube, at pagkatapos ay hinampas at dinuraan. Nilinaw ni Jesus kung sino Siya, at malinaw din sa mga bantay ang iniisip nila tungkol dito.
Tinapos nila ang kanilang sadistang kasiyahan, at dinala si Jesus palabas sa Golgota. Sa talatang 24:
"...Ipinako siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus."
Ang pagpapako sa krus ay isang patunay ng walang kahihiyang kalupitan ng sangkatauhan. Ito ay isang kakila-kilabot na parusa para sa krimen, at nais ng mga Romano na malaman ng lahat kung bakit ang bawat tao ay ipinako sa krus. Kaya naglagay sila ng isang karatula na may nakalagay na “krimen" Niya. Ganito ang paratang na inilagay laban sa Kanya : “Ang Hari ng mga Judio.”
Tatlong oras ang lumipas sa matinding sakit. At sa talatang 33:
“Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon.”
Saglit na humakbang sa kasaysayan, at tumayo doon sa kadiliman. Pakinggan ang mapang-uyam na panunuya, ang mga babaeng umiiyak, at ang malamig na kumpiyansa ng mga bantay. At naroon sa harap mo ang isang lalaki sa isang krus. Ang karatula sa kanyang ulo ay may nakasulat na, “Hari ng mga Judio.”
Sino ang lalaking ito?
At habang nakatayo ka roon at nagtataka, bersikulo 37:
“Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga. At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”
Tapos na nga. Isa pang senturion ang ipinadala ni Pilato upang kumpirmahin ang kamatayan na may mahabang talim sa tagiliran. Kung sino man siya, patay na siya ngayon. At sa pagtalikod mo para lumayo sa lahat ng ito, pinigilan ka ng isang estranghero. “Sa tingin mo mo sino siya?”
Ngayon, ano ang masasabi mo? Sino si Jesus?
Para sa Pagninilay at Talakayan
- Sa Kanyang mga pagsubok, bakit sa palagay mo sinagot lamang ni Jesus ang mga tanong tungkol sa kung sino Siya? Bakit ganoon kahalaga iyon?
- Ano ang ibig sabihin ng pagpapako kay Jesus sa krus? Ibahagi ang iyong kuwento.
Tungkol sa Gabay na ito
Kung ikaw ay bago kay Jesus, bago sa Biblia, o tumutulong sa isang kaibigan - Mag-umpisa Rito. Sa susunod na 15 na araw, ang mga 5-minutong audio guides na ito ay maghahatid sa 'yo dahan-dahan sa dalawang pangunahing mga aklat sa Biblia: sa Marcos at sa Mga Taga-Colosas. Subaybayan ang kuwento ni Jesus at tuklasin ang mga pangunahing kaalaman sa pagsunod sa Kanya, na may pang-araw-araw na mga tanong para sa indibidwal na pagninilay o panggrupong talakayan. Sundan upang magsimula, at mag-imbita ng kaibigan at sundan muli!
More