Magsimula rito | Mga Unang Hakbang kasama si JesusHalimbawa
Mga Taga-Colosas 3 | Binago Ayon Sa Kanyang Larawan
Kumusta at maligayang pagbabalik mga kaibigan. Magsisimula tayo sa isang tanong: Ang pagsunod ba kay Jesus ay tungkol sa mga bagong gawi o tungkol sa isang bagong sarili? Tungkol ba ito sa pamumuhay na naiiba o pagiging iba. Sa totoo lang, ang sagot ay pareho - ngunit ang pagkakaayos ay malaki ang kaibahan.
Sa Mga Taga-Colosas 2, ipinaliwanag ni Pablo na ang pagsunod kay Jesus ay hindi lamang isang hanay ng mga tuntunin na dapat sundin, ito ay isang bagong buhay. Ibaon mo ang luma at isuot mo ang bago. At ngayon sa kabanata 3, sinasabi niya sa atin kung paano ipamuhay ang bagong buhay na iyon. Bersikulo 1:
"Binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, kaya't ang pagtuunan ninyo ng isip ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos."
Narito ang susi: ituon ang iyong puso - at ituon ang iyong isip - sa itaas. Isipin si Jesus. Isipin mo ang Langit. Itago ang lahat ng iyong kayamanan doon. Gawin ang iyong pinakamalaking pamumuhunan sa Langit. Kapag ang buhay ay nagpapahina sa iyo, laging tandaan na tumingin sa itaas. Bersikulo 3:
"sapagkat namatay na kayo at ang inyong tunay na buhay ay natatago sa Diyos, kasama ni Cristo."
Gusto ko iyon. "Ang iyong buhay ay nakatago." Magtataka ang mga tao kung ano ang nagbibigay-buhay sa iyo - at ito ay si Jesus. Siya ang iyong buhay.
Ang natitirang bahagi ng kabanata ay tungkol sa isang bagay: mamatay sa lumang buhay, at mabuhay sa bago. Bersikulo 5:
"Kaya't dapat nang mawala sa inyo ang mga pagnanasang makalaman, ang pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan."
Bigyang pansin kung paano ito gumagana. Ang isang Cristiano ay humihinto sa paggawa ng masama - hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa mga patakaran, kundi sa pamamagitan ng pagpatay sa bahagi natin na gustong gumawa ng masama. Kaya sa bersikulo 8:
“…itakwil na ninyo ang… galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita."
Ngayon ang pagtigil sa kasalanan ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Kaya gusto kong magmungkahi ng dalawang bagay. Una, pag-aralan ang Mga Taga-Roma 6 hanggang 8. Ang susi doon ay mapuspos ng Banal na Espiritu.
Pangalawa, simulan ang isang malusog na kaugalian ng pag-amin ng iyong mga kasalanan sa Diyos at sa taong pinagkakatiwalaan mo. Sinasabi ito ng Santiago 5:
“Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling” (Santiago 5:16).
Ang kagalingan mula sa kasalanan ay nagsisimula sa pagtatapat at panalangin.
At bumalik tayo sa bersikulo 9:
"Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito."
Iyan ang sentro nito. Isuot ang bagong katauhan. Maging bagong nilalang na binabago ng Diyos. Patuloy kang hinuhubog na muli ng Diyos sa Kanyang larawan. Sa Genesis 1, ginawa ng Diyos ang sangkatauhan ayon sa Kanyang larawan, ngunit ang pagkakahawig na iyon ay sinira ng kasalanan. Pagkatapos ay dumating si Jesus. Si Jesus ay ang larawan ng Diyos. At Siya ay dumating bilang isang tao upang bigyan tayo ng bagong buhay at baguhin tayo sa Kanya, ibinalik sa imahe kung saan tayo ay nararapat.
At binago nito ang lahat. Sa bersikulo 11, sinisira nito ang mga pagkakahati-hati natin - mga dibisyon ng lahi, kulay, kasarian, at katayuan na nagtutulak sa mga tao sa pagkapoot, pang-aapi, at digmaan. Sinasabi ng Mga Taga-Galacia 3,
"Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus." (Mga Taga-Galacia 3:28).
Pantay tayo, at iisa tayo kay Cristo. Pagkakaisa ang ating panawagan. Ang mga Cristiano ay nabigo dito sa mahabang panahon, ngunit ito ang ating pagkakatawag.
At binibigyan tayo ni Pablo ng larawan ng bagong buhay na ito, na nakasuot ng...
“…habag, kabaitan, kababaang-loob, kahinahunan at pasensya."
Sa madaling salita, pakitunguhan ang mga tao sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa mga tao. At magpatawad gaya ng pagpapatawad sa atin ng Diyos. At higit sa lahat ng ito - pag-ibig. Ang pagsunod kay Jesus ay ang magmahal.
Tinawag tayo sa kapayapaan, kaya't hayaan ang kapayapaan ni Cristo na maghari sa inyong mga puso. Tayo ay tinawag sa pagkakaisa, kaya't paglingkuran ang isa't isa nang may pagpapakumbaba. Maaari mong mapansin na ang karamihan sa mga salitang naglalarawan sa iyong bagong sarili ay tungkol sa paraan ng pagkilos mo sa iba. Ang bagong ikaw na nasa loob mo ay nakakaapekto sa iyong pakikitungo sa iba sa labas. Kaya't paglingkuran ang isa't isa sa pag-ibig. At iyon ang iyong bagong ugali: maglingkod sa iba.
Pagkatapos sa bersikulo 18, ang iyong mga relasyon sa bahay at sa trabaho ay ginawang bago. May bagong punto ang buhay mag-asawa:
"Mga asawang babae, magpasakop..." at "Mga asawang lalaki, mahalin..." (3:18-19). < /blockquote>Ngayon bantayang mabuti ang mga salitang iyon, at alalahanin ang kababasa lang natin sa Mga Taga-Galacia: ang lalaki at babae ay pantay kay Cristo. Gayunpaman, ang mag-asawa ay parehong tinatawag na magpasakop at magsakripisyo. Ngunit ang pagpapasakop ay hindi kapareho ng pagsunod. Ang pagpapasakop ay isang gawi ng paggalang na ipinapakita sa mga kapantay, isang boluntaryong saloobin ng pagsuko at pakikipagtulungan. Ang pagpapasakop ay isang gawa ng marangal na pagpapakumbaba, na nagpapakita ng paggalang at karangalan. Iyan ang mataas na pagkatawag sa Cristianong asawang babae.
At ang asawang lalaki ay tinatawag na magmahal. Hindi lang isang pakiramdam, kundi tunay na sakripisyo. Pag-ibig tulad ni Jesus, pag-aalay ng iyong buong buhay para sa iyong asawang babae. Sa madaling salita, ang asawang babae ay sumusuko, habang ang asawang lalaki ay nagbibigay ng lahat. Para sa higit pang detalye, basahin ang Mga Taga-Efeso 5 at 1 Pedro 3.
At para sa araw na ito, basahin ang Mga Taga-Colosas 3. At simulan ang ilang mga bagong gawi - gawi sa Biblia, gawi sa pagkukumpisal, gawi sa paglilingkod - hindi upang maging isang bagong nilalang, kundi dahil ikaw ay isang bagong nilalang na. Ikaw ay binago ayon sa Kanyang larawan.
Para sa Pagninilay at Talakayan
- Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng tanggalin ang dating sarili at isuot ang bago? (Mga bersikulo 9-10).
- Anong mga pagbabago ang nakita mo sa iyong buhay na nagpapakita na ikaw ay "binabago" ayon sa larawan ng iyong Lumikha? (Berso 10).
- Ngayon ay nagdagdag kami ng dalawang bagong gawi: pagtatapat at paglilingkod. Bakit mahalaga ang mga iyon?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Kung ikaw ay bago kay Jesus, bago sa Biblia, o tumutulong sa isang kaibigan - Mag-umpisa Rito. Sa susunod na 15 na araw, ang mga 5-minutong audio guides na ito ay maghahatid sa 'yo dahan-dahan sa dalawang pangunahing mga aklat sa Biblia: sa Marcos at sa Mga Taga-Colosas. Subaybayan ang kuwento ni Jesus at tuklasin ang mga pangunahing kaalaman sa pagsunod sa Kanya, na may pang-araw-araw na mga tanong para sa indibidwal na pagninilay o panggrupong talakayan. Sundan upang magsimula, at mag-imbita ng kaibigan at sundan muli!
More