Araw-Araw na Debosyonal ng Pasasalamat ni Paul TrippHalimbawa
Dalawang mahahalagang bagay ang ginagawa ng kasalanan sa ating lahat. Una, ginagawa nitong ilagay ang ating mga sarili sa gitna ng ating mga mundo, kung saan ginagawa nitong ang buhay ay tungkol sa atin. Sa ating pagtutuon sa sarili, masyado tayong nauudyukan ng ating mga gusto, ng ating mga pangangailangan, at ng ating mga damdamin, at dahil dito, mas nalalaman natin kung anong wala tayo sa napakaraming magagandang biyaya na ibinigay na sa atin. Ngunit mayroon ditong higit pa; dahil nakatuon tayo sa ating mga sarili, natatagpuan natin ang mga sarili nating nagbibilang, na laging pinaghahambing ang tumpok ng mga bagay-bagay natin doon sa iba. Ito'y isang buhay ng kawalang-kasiyahan at pagkainggit. Ang inggit ay laging makasarili.
May pangalawang bagay na nagagawa ang kasalanan sa atin na kasing-halaga rin ng nauna. Ginagawa nitong maghanap tayo sa ating paligid sa isang bagay na mahahanap lamang natin kapag tumingin tayo nang pataas. Kaya't tumitingin tayo sa nilikha para sa buhay, pag-asa, kapayapaan, kapahingahan, pagkakuntento, pagkakakilanlan, kahulugan at layunin, panloob na kapayapaan, at pangganyak upang magpatuloy. Ang problema ay wala sa anumang nilikha ang makapagbibigay sa iyo ng mga bagay na ito. Ang sangkalikasan ay hindi kailanman dinisenyo upang magbigay-kasiyahan sa iyong puso. Ang sangkalikasan ay ginawa upang maging isang malaking daliri na magtuturo sa iyo sa Nag-iisa na tanging may kakayahang magbigay-kasiyahan sa iyong puso. Maraming mga taong gigising ngayon at sa anumang paraan ay hihilingin sa sangkalikasan na siyang maging tagapagligtas nila, alalaon baga, na ibigay sa kanila ang bagay na tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay.
"Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang, at maging sa lupa'y, aking kailangan? Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man, ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan" (Mga Awit 73:25-26). Ito ang mga salita ng taong natutunan ang lihim ng pagiging kontento. Kapag ikaw ay may kasiyahan sa Nagbibigay, dahil natagpuan mo sa Kanya ang buhay na hinahanap mo, nagkakaroon ka ng kalayaan mula sa mapanagpang na paghahanap sa kasiyahan na siyang nakapagpapahina ng loob sa pamumuhay ng napakaraming tao. Oo, totoong ang puso mo ay mapapahinga lamang kapag natagpuan nito ang kapahingahan sa Kanya.
Narito ang isa sa napakagandang bunga ng biyaya—isang pusong nasisiyahan, mas nagnanais na sumamba kaysa sa humingi at mas nagnanais na magalak sa pagpapasalamat kaysa sa mabalisa sa pangangailangan. Tanging biyaya at biyaya lamang ang makapagbibigay ng ganitong uri ng mapayapang pamumuhay para sa bawat isa sa atin. Nais mo bang abutin ang biyayang ito ngayon?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang Araw ng Pasasalamat ay panahon upang alalahanin ang lahat ng mabubuting bagay na ibinigay ng Diyos sa atin. Ngunit kung minsan ang pagkahibang ng panahon ay humahadlang sa atin sa paggugol ng oras upang magpasalamat sa Diyos sa Kanyang maraming mga regalo. Sa nakahihikayat na mga debosyon mula kay Paul David Tripp, ang mga maiikling debosyon na ito ay tatagal lamang ng 5 minuto upang mabasa, ngunit hihimukin kang magnilay sa awa ng Diyos buong araw.
More