Araw-Araw na Debosyonal ng Pasasalamat ni Paul TrippHalimbawa
Sana ay masabi kong lagi akong kontento. Sana ay masasabi kong hindi ako nagrereklamo. Sana ay pwede kong sabihin na hindi ko hinahangad ang kung anong mayroon ang iba. Sana ay masasabi kong hindi ako nainggit kahit kailan sa buhay ng ibang tao. Sana ay masasabi kong hindi ko naisip na ibinigay ng Diyos sa ibang tao ang isang bagay na dapat ay para sa akin. Sana ay masasabi kong mas magaling ako sa pagbibilang ng mga pagpapala kaysa sa pagtatasa sa kung anong wala ako. Sana ay masasabi kong ang pagkagusto ko sa mga bagay ay hindi ganoon kalaki. Sana ang puso ko ay makakaramdam din ng kasapatan sa wakas.
Ang lahat ng mga ito ay mga naisin dahil hindi pa sila buong-buong totoo sa akin. Ang pagkainggit ay nagkukubli pa rin sa aking puso. Ito ay isa sa madidilim na resulta ng kasalanang naroon pa rin. Bakit malakas ang pagtutol ng Biblia sa pagkainggit? Narito iyon: kapag ang pagkainggit ay naghahari sa iyong puso, wala rito ang pag-ibig ng Diyos. Pag-isipan natin kung anong ginagawa ng pagkainggit. Ipinapalagay nitong karapat-dapat sa iyo ang mga pagpapalang hindi karapat-dapat sa iyo. Kapag ang puso mo ay napaghaharian ng pagkainggit, ang saloobing "Ako ay pinagpala" ay napapalitan ng saloobing "Ako ay karapat-dapat." Ang pagkainggit ay makasarili sa kaibuturan nito. Ang pagkainggit ay laging inilalagay ka sa gitna ng mundo. Ginagawa nitong ang lahat ay patungkol sa iyo. Ginagawa nitong suriin mo ang buhay mula sa pananaw ng mga gusto, pangangailangan, at nararamdaman mo.
Nakakalungkot, ang pagkainggit ang nagiging dahilan upang magtanong ka sa kabutihan, katapatan, at karunungan ng Diyos. Ang pagkainggit ay inaakusahan ang Diyos na hindi Niya alam kung ano ang ginagawa Niya o kaya naman ay hindi Siya tapat sa ipinangako Niyang gagawin Niya. Kapag ikaw ay naniniwalang ang pagpapala ng isang tao ay dapat na sa iyo, hindi ka lang may problema sa taong iyon, may problema ka sa Diyos. Kapag nagsisimula kang magtanong tungkol sa kabutihan ng Diyos, tumitigil ka sa paghingi ng tulong sa Kanya. Bakit? Dahil hindi mo hinihingi ang tulong ng isang pinagdududahan mo.
Ang pagkainggit ay may malalang ginagawa sa espiritwal na aspeto. Ipinapalagay nito ang kaunawaang wala ang iba. Ang inggit ay hindi lang ipinapalagay na mas may alam ka pa sa buhay ng taong iyon nang higit pa sa maaari mong malaman, ipinapalagay nitong may mas malinaw kang kaunawaan sa pinakamabuti kaysa sa Diyos. Higit pa rito, ang pagkainggit ay nagiging dahilan upang makalimutan mo ang kamangha-manghang pagliligtas, pagpapabago, pagbibigay ng kapangyarihan, at pagdadala ng biyaya ng Diyos. Nagiging lubha kang abala sa pagbibilang ng kung anong wala ka na ang napakalaking pagpapala ng biyaya ng Diyos—ang pagpapalang hindi natin kayang pagtrabahuan, makamit, o maging karapat-dapat—ay hindi napapansin at hindi naipagdiriwang. At dahil ang pagkainggit ay mas tumutuon sa kung anong gusto mo kaysa sa buhay kung saan tinawag ka ng Diyos, hindi mo nabibigyang-pansin ang mga utos at babala ng Diyos, kaya iniiwan ka nitong nasa panganib sa moral. Ang tanging solusyon sa pagkainggit ay ang mapagligtas na biyaya ng Diyos—ang biyayang binabago ang mga makasalanang nakatuon sa sarili upang maging mga nagagalak at kontentong mga sumasamba sa Diyos.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Ang Araw ng Pasasalamat ay panahon upang alalahanin ang lahat ng mabubuting bagay na ibinigay ng Diyos sa atin. Ngunit kung minsan ang pagkahibang ng panahon ay humahadlang sa atin sa paggugol ng oras upang magpasalamat sa Diyos sa Kanyang maraming mga regalo. Sa nakahihikayat na mga debosyon mula kay Paul David Tripp, ang mga maiikling debosyon na ito ay tatagal lamang ng 5 minuto upang mabasa, ngunit hihimukin kang magnilay sa awa ng Diyos buong araw.
More