Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Araw-Araw na Debosyonal ng Pasasalamat ni Paul TrippHalimbawa

Paul Tripp's Daily Thanksgiving Devotional

ARAW 4 NG 12

Lahat tayo ay ginagawa ito, marahil ay araw-araw. Hindi natin naiisip na ginagawa natin ito, ngunit may malaking epekto ito sa kung paano natin tinitingnan ang ating mga sarili at kung paano tayo tumutugon sa iba. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit napakaraming problema sa mga relasyon maging sa tahanan ng Diyos. Ano ba itong ginagawa nating ito na nakapagdudulot ng malaking pinsala? Lahat tayo ay nakakalimot.

Sa kaabalahan at pagkamakasarili natin sa ating buhay, nakalulungkot na nakakalimutan natin kung gaanong ang buhay natin ay pinagpala at lubhang iniba ng kahabagan. Ang katotohanang biniyayaan tayo ng Diyos ng Kanyang pabor kahit na ang nararapat sa atin ay ang Kanyang poot ay nawawala sa ating alaala tulad ng isang awit na may mga lirikong dati ay alam natin ngunit hindi na natin maalala ngayon. Ang katotohanang sa bawat umaga ay binabati tayo ng panibagong kahabagan ay hindi isang bagay na humahawak sa ating buhay habang nagkukumahog tayong maghanda para sa ating araw. Kapag pagod tayong humihiga para matulog pagkatapos ng ating araw, madalas ay nakakaligtaan nating balikan ang napakaraming kahabagang dumaloy mula sa mga kamay ng Diyos patungo sa ating mga buhay. Madalas ay hindi tayo gumugugol ng panahon upang umupo at magnilay sa maaaring kinahinatnan natin kung ang kahabagan ng Manunubos ay hindi nakasulat sa ating mga sariling kasaysayan. Nakalulungkot, lahat tayo ay nagiging makakalimutin sa kahabagan. Ang paglimot sa kahabagan ay mapanganib, sapagkat hinuhubog nito kung paano tayo nag-iisip tungkol sa sarili natin at sa ibang tao.

Kapag naaalala mo ang kahabagan, naaalala mo ring wala kang anumang ginawa upang makamit ang kahabagang natanggap mo. Kapag naaalala mo ang kahabagan, ikaw ay nagpapakumbaba, nagpapasalamat at nagiging maawain. Kapag naaalala mo ang kahabagan, ang pagrereklamo ay nagbibigay-daan sa pagpapasalamat at ang makasariling naisin ay nagbibigay-daan sa pagsamba. Ngunit kapag nakakalimutan mo ang kahabagan, may pagmamayabang mong sinasabi sa sarili mo kung anong nagawa mo. Kapag nakakalimutan mo ang kahabagan, inaangkin mo ang isang bagay na tanging kahabagan lang ang makapagbibigay. Kapag nakakalimutan mo ang kahabagan, tinatawag mo ang sarili mong makatuwiran at karapat-dapat, at nabubuhay kang ang pakiramdam mo ay may karapatan ka.

Kapag nakakalimutan mo ang kahabagan at iniisip mong karapat-dapat ka, napakadali sa iyong hindi kahabagan ang ibang tao. Sa iyong pagmamalaki, iniisip mong nakakamit mo ang karapat-dapat sa iyo at sila ay ganoon din. Ang nagmamalaking puso mo ay hindi naaawa, kaya hindi ito natitigatig sa malungkot na dinaranas ng ibang tao. Nakakalimutan mong mas katulad ka kaysa hindi katulad ng iyong nangangailangang kapatid, at hindi mo kinikilalang wala sa inyong dalawa ang maaaring humarap sa Diyos na karapat-dapat. Ang kapakumbabaan ang lupa kung saan ang kahabagan para sa iba ay lumalago. Ang pagpapasalamat para sa kahabagang ibinigay ang siyang nagpapaabot ng kahabagan. Sinasabi ni Pablo, "Maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't-isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo" (Mga Taga-Efeso 4:32).

Banal na Kasulatan

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Paul Tripp's Daily Thanksgiving Devotional

Ang Araw ng Pasasalamat ay panahon upang alalahanin ang lahat ng mabubuting bagay na ibinigay ng Diyos sa atin. Ngunit kung minsan ang pagkahibang ng panahon ay humahadlang sa atin sa paggugol ng oras upang magpasalamat sa Diyos sa Kanyang maraming mga regalo. Sa nakahihikayat na mga debosyon mula kay Paul David Tripp, ang mga maiikling debosyon na ito ay tatagal lamang ng 5 minuto upang mabasa, ngunit hihimukin kang magnilay sa awa ng Diyos buong araw.

More

Nais naming pasalamatan ang Crossway sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaring bumisita sa: https://www.crossway.org/books/new-morning-mercies-hcj/