Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Hiwaga ng PaskoHalimbawa

The Magic Of Christmas

ARAW 14 NG 25

“Tumutupad sa Pangako”

Noong bata ako, ang paborito kong dekorasyon taon-taon kapag Pasko ay ang belen. Nakataas sa mesa, ang mga tauhan na puting porselana ay nasa sabsaban at napapaligiran ng mga halaman at ilaw. Natatandaan kong maraming gabing tinatanong ko ang nanay ko kung oras na para buksan ang mga ilaw at paliwanagin ang belen. Para sa akin, hindi pa Pasko hanggang ang mga repleksyon ng liwanag ng bombilya ay hindi pa nakikita sa mga babasaging pigurin. Maaring nakatayo at puno na ng gayak ang puno, marami nang mga regalo sa ilalim nito, pero ang belen ang pinaka umaaakit sa akin.

Nang tumatanda na ako, gustong-gusto ko na nagbabasa at mas natututo tungkol sa pinakahihintay na Tagapagligtas. At habang ang Pasko ay ipinagdiriwang ang pagdatal ni Jesus sa lupa, ang kwento ay nag-umpisa na daang taon pa man ang nakaraan. Totoo ito kay Maria. Narinig ng dalagang Judio sa buong buhay niya na ang Diyos ay magpapadala sa kanila ng tagasagip, isang Tagapagligtas, siya na magtatama ng lahat ng mali. Ang kanyang pakikipagkwentuhan sa kanyang pamilya ilang beses sa isang taon ay maaaring nakatuon sa pagdating ng Hari na magdadala ng walang hanggang kapayapaan at hustisya.

Pero 400 taon na mula nang nakarinig ang sinuman mula sa Diyos. Ang Diyos na mismong nakipag-usap sa mga ama ng pananampalataya ni Maria ay tila naging tahimik. At pagkatapos ng ilang siglo na ang pangakong ito ay pinagpasa-pasa nang walang bagong kwentong sasabihin, iisipin mo, ang paniniwala ba sa pangako ng Diyos ay naglaho na?

Kung naglaho na sa iba, mukhang hindi ganito ang nangyari kay Maria. Isipin mo ang pagkamangha ng dalagang mananampalataya nang siya ang kauna-unahan sa loob ng 400 na taon na makatanggap ng mensahe mula sa Diyos! Isang mensaheng nag-umpisa sa salitang, “Ikaw ay lubos na kinalulugdan.” Pagsasalin: “Natatangi ka, Maria, dahil nanatili kang naniniwala sa pangako ng Diyos.” At isiniwalat sa kanya ng anghel ang isang plano na maaaring kailangan ng habambuhay para maunawaan. Pero, sa mga huling sandali ng pagkikitang iyon, ang isang batang babae na sa maraming taon ay narinig na darating ang ipinangakong Tagapagligtas ay binigyan ng pinakasisigurong katotohanan tungkol sa Diyos: "sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos” (Lucas 1:37).

Kapag nararamdaman natin na napakatagal ng Diyos sa paghahatid ng Kanyang mga pangako sa atin—mga pangako ng kapayapaan o pag-asa o pagtustos—ang bawat Pasko ay makakapagpaalala sa atin na walang pangako ang ating Ama sa langit na hindi matutupad. At kapag ibinibigay ng Diyos ang Kanyang mga pangako, maaaring hindi ito tulad ng iyong inisip, binalak o ginusto. Ngunit makatitiyak ka na ito ay higit sa inaasahan mo.


Jeff Johnson
UpStreet

Banal na Kasulatan

Araw 13Araw 15

Tungkol sa Gabay na ito

The Magic Of Christmas

Para sa ilan, ang Pasko ay oras ng kagalakan at pagdiriwang. Sa iba naman, ito ay isang mahapding paalala ng mga nawala. Kung anuman ang iyong nararanasan sa kapaskuhang ito, ang Pasko ay isang pagkakataon upang tumuon sa pinagmulan ng ating pag-asa. Inaanyayahan ka naming sumama sa mga kawani ng North Point para sa susunod na 25 araw upang magkasamang maranasan ang hiwaga ng Pasko. Sumali sa pag-uusap gamit ang #NPDevo.

More

Nais namin pasalamatan ang kawani ng North Point Community Church at North Point Ministries sa pagbabahagi ng nilalaman ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang northpoint.org