Pagharap sa DalamhatiHalimbawa
Ang Kaiklian ng Buhay
Ang pagkawala ng isang mahal sa buhay ang madalas na nagdadala sa atin sa katotohanang napakaikli ng buhay.
Ang buhay ay marupok at panandalian lamang. Para sa ilan, ang paglalakbay na ito ay tatagal lamang ng ilang taon. Para sa iba, tatagal ito ng maraming dekada. Ngunit para sa lahat, darating ang araw na ito ay matatapos.
Dahil alam nating hindi maiiwasan ang kamatayan, kailangang turuan natin ang ating sariling pag-isipang mabuti kung gaano kaikli ang ating magiging buhay.
Ngunit kung minsan, habambuhay o ang pagkawala ng isang buhay ang kinakailangan upang matutunan natin kung hanggang saan ang ating hangganan. Ito ang dahilan kung bakit sa Mga Awit 90:12 ay sinabihan tayo ni Moises na manalangin, "Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon, itanim sa isip namin upang kami ay dumunong".
Binibilang natin kung anong mahalaga sa atin: pera, nakuhang iskor sa paligsahan, calories sa ating kinakain, atbp. Kaya't kung pinapahalagahan natin ang ating mga araw, dapat ding bilangin natin ang mga ito. Kung paanong ang isang taong napapasobra ng pagtantya sa kanyang perang pamuhunan ay maaaring maging iresponsable sa paghawak ng kanyang pananalapi, ang isang taong sumosobra sa pagtantya ng kanyang ipapamalagi sa buhay na ito ay maaaring maging iresponsable rin. May malawak na karunungan sa pagturing sa ating bukas bilang isang kaloob sa halip na ito'y ipagsawalang-bahala.
Ang kaiklian ng buhay ay isang mahigpit at hindi maikakailang katotohanan. Maaaring isipin natin ang kawalang-kasiguraduhan ng buhay – ang katotohanang sinuman sa atin ay maaaring mamatay ngayon o bukas – ngunit ang buhay ay hindi lamang walang katiyakan, napakaikli rin nito.
Sinabi ni Job, 'Ang buhay ng tao'y maikli lamang, subalit punung-puno ng kahirapan. Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas, parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam … Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw, at bilang na rin ang kanyang mga buwan, nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan. Lubayan mo na siya at pabayaan, nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan.' (Job 14:1-6)
O, sa salita ni Moises, sa Mga Awit 90:10, ito ang sinasabi, 'Buhay nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad, minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas; ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap, pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.’
Ang isang taong inaakalang siya ay maygulang na, ngunit nabubuhay na tila hindi siya mamamatay ay isang hangal – iyan ang tawag ng Diyos sa mga katulad niya sa Banal na Kasulatan (Lucas 2:20).
Ang pagkatantong ang buhay ay maikli lamang ay nagkakaroon ng epekto sa iyo. Dinadala ka nitong gamitin sa pinakamabuti ang iyong oras.
Ang kahulugan at pagkakuntento sa maikling pamumuhay dito sa mundo ay matatagpuan lamang habang pinagsisikapan mong sundin, mahalin at paglingkuran ang Diyos.
Isinulat ni Pablo, 'Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay magawâ ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus – ang pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao. (Mga Gawa 20:24)
Sa ganitong paraan, kapag ang maikling panahon mo dito sa mundo ay natapos na, hindi ka malungkot o hindi nasiyahan sa Diyos kundi mararamdaman mong isang karangalang ang buhay mo ay nagamit tungo sa pagtatayo ng walang hanggang kaharian ng Diyos. At may pagtitiwala, masasabi mong kasama ni Pablo, 'Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid. Sa Araw na iyon ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona' (2Timoteo 4:6-8).
Oo, ang buhay ay napakaikli, at gayundin ang mga pagkakataon upang gumawa ng mga pang-walang hanggang pamumuhunan. Kaya, gawing mahalaga ang iyong buhay para kay Jesus.
Sipi: “Ang mga taong nakagagawa ng malalaking pagbabago sa mundo ay hindi yaong mahusay sa lahat ng bagay, kundi yaong napahusay ng isang dakilang bagay." John Piper
Panalangin: Panginoon, dahil batid kong maikli lamang ang aking buhay, tulungan Mo ako upang magamit ito sa pinakamabuting paraan, upang kapag dumating ang oras na magkikita na tayo, magiging handa ako. Amen
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Kapag ang isang taong minamahal natin ay namatay, madalas ay maraming iba't ibang emosyon ang ating nararamdaman. Sa 10-araw na debosyonal na ito, matututunan natin kung paano natin kakayanin ang kalungkutan kapag ang ating mga mahal sa buhay ay kasama na ng Panginoon. Ang mga ito ay mga araling itinuro sa akin ng Panginoon nang ang aking pinakamamahal na asawa ay umuwi na sa langit noong katapusan ng Hunyo 2021.
More