Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pagharap sa DalamhatiHalimbawa

Handling Grief

ARAW 8 NG 10

Paglipat Mula sa KUNG Tungo Sa Naniniwala Ako

Noong unang makatagpo nina Marta at Maria si Jesus sa libingan ay pareho nilang sinabi kay Jesus, “Kung kayo po ay narito, buháy pa sana ang kapatid ko."

Nais ni Jesus na dalhin sila sa pananampalatayang KUNG tungo sa Naniniwala Ako.

Nang mahinahon at may pagmamahal na sinabi sa kanya ni Jesus, “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” may panunuyang sumagot siya, “Nalalaman ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.” Ngunit sa bawat tibok ng puso niya, ang sinasabi talaga niya ay, "Gusto ko sanang narito Kayo upang mapigilang mangyari ang kalunus-lunos na bagay na ito."

Samantala, nagpatuloy ng pagsasabi si Jesus, “Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay." Pagkatapos ay direktang tinanong siya ni Jesus, "Naniniwala ka ba sa sinabi ko?” Na tinugon ni Marta ng, “Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako."

Maliwanag na sinasabi sa Biblia na pagkatapos ng kamatayan, dalawang literal na tadhana ang naghihintay sa sangkatauhan: ang walang hanggang buhay at ang walang hanggang kamatayan (Mga Taga-Roma 6:23). Ang mga taong inilalagay ang kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo ay makakatanggap ng walang hanggang buhay. Kapag ang isang mananampalataya ay namatay, ang kanyang katawan ay nananatili sa libingan, ngunit ang kanyang kaluluwa ay may kamalayan at agad na dinadala sa presensya ni Jesus. Ang kagyat na tadhana ng ating kaluluwa ay ang langit, dahil si Jesus mismo ay umakyat sa langit (Mga Gawa 1:11) at sa kasalukuyan ay naroroon upang maghanda ng tahanan para sa atin.

Kapag tayo ay namatay, tayo ay may kamalayan at agad-agad na dinadala sa presensya ng ating Tagapagligtas sa langit.

Ang ating mga mahal sa buhay na namatay na ay nauna na sa atin sa langit. Wala na sila sa nakaraan - sila ay nasa hinaharap na.

Kailangan nating palitan ang "anggulo" kung saan natin tinitingnan ang kamatayan ng ating mga mahal sa buhay. Sa halip na makita silang "patay sa nakaraan" - kailangang simulan nating makita sila na "buhay na buhay sa langit" at maunawaang makakasama natin silang muli sa darating na panahon.

Maraming sinabi si Jesus tungkol sa langit. Hindi Niya itinuro ang langit bilang isang hindi malirip na lugar. Inilarawan Niya ito bilang Kanyang tahanan—isang katotohanan. Ang Kanyang Ama ay nasa lugar na ito (Lucas 10:21), kung saan ang lahat ay naaayon sa Kanyang kalooban (Mat. 6:10). Hinikayat Niya ang mga tagasunod Niyang doon maglaan (t. 19-21). Nagmula Siya doon (Juan 3:13) at ninanais na Niyang bumalik doon. At ipinangako Niyang dadalhin Niya ang Kanyang mga tagasunod upang doon manirahan kasama Niya (14:1-3).

Ito ay napakasimpleng kaunawaan na nagdadala ng pag-asa ng kalangitan sa mga pusong nasasaktan. Ito ay may dalawang bahagi—ang una ay ang ating responsibilidad, at ang pangalawa ay ang Kanyang pangako. Kung naniniwala ka dito, Siya ang iyong magiging muling pagkabuhay at ang iyong buhay.

Ang sagot ni Marta ang nagpatunay ng kanyang paniniwala kay Jesus.

“Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig.” (Juan 11:27)

Ang pinakamahalagang araw sa buhay ni Marta ay hindi ang araw na inibsan ni Jesus ang kanyang kagyat na sakit sa pamamagitan ng pagpapabangon kay Lazaro mula sa kamatayan, kundi noong araw na tumayo siya sa harap ng Panginoong Jesus at naniwala sa Kanya. Iyon ay ang araw na tinanggap niya ang buhay na tinatamasa niya, ng kanyang kapatid na babae, at ng kanyang kapatid na lalaki sa langit kasama si Jesus araw-araw sa loob ng mahigit na dalawang libong taon.

Ang araw na ito ay maaari ring maging pinakamahalagang araw ng iyong buhay, kapag ikaw ay naniwala kay Jesus bilang iyong Tagapagligtas at Panginoon at malamang isang araw sa malapit na hinaharap ay makakatagpo mo ang Panginoon at kasama Siya at ang lahat ng ating mga mahal sa buhay na naniwala sa Kanya at nauna na sa atin sa kawalang hanggan.

Sipi:"Ang pananampalataya ay ang sining ng paghawak sa kadahilanang ating tinanggap na, sa kabila ng ating nagbabagong damdamin." C.S.Lewis

Panalangin:Panginoon, dalangin kong gawin Mong kagalakan ang aking kalungkutan, habang naniniwala ako sa kung sino Ka at inilalagay ang aking tiwala sa Iyo. Amen.


Banal na Kasulatan

Araw 7Araw 9

Tungkol sa Gabay na ito

Handling Grief

Kapag ang isang taong minamahal natin ay namatay, madalas ay maraming iba't ibang emosyon ang ating nararamdaman. Sa 10-araw na debosyonal na ito, matututunan natin kung paano natin kakayanin ang kalungkutan kapag ang ating mga mahal sa buhay ay kasama na ng Panginoon. Ang mga ito ay mga araling itinuro sa akin ng Panginoon nang ang aking pinakamamahal na asawa ay umuwi na sa langit noong katapusan ng Hunyo 2021.

More

Nais naming pasalamatan si Vijay Thangiah sa pagpapaunlak ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: https://www.facebook.com/ThangiahVijay