Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Pagharap sa DalamhatiHalimbawa

Handling Grief

ARAW 7 NG 10

Malapit Na Tayong Magkita Muli

Sa isa sa mga malaking kabalintunan sa mundo, ang kagalakan at kalungkutan ay hindi magkasalungat. Sa totoo lang, ang dalamhati ang daan patungo sa panibagong pag-asa — kung hahayaan natin ito.

Habang hinahayaan nating maramdaman natin ang ating pagdadalamhati, habang pinag-uusapan natin ito, at pinoproseso, mas malaki ang posibilidad na makaalpas tayo mula sa mga anino na buo pa rin ang ating integridad at mas matatag ang ating pananampalataya.

Sa pinakamadidilim na sandali natin, maaari tayong mamuhay na puno ng hinanakit, habang nagdadabog at niyayanig ang ating kamao dahil sa galit sa Diyos. O, maaari nating ilagay ang ating pananampalataya sa Diyos na may kapamahalaan sa buhay at kamatayan. Mayroon tayong katiyakan na kasama natin ang Diyos. Maaari nating ilagay ang ating tiwala sa mga salita ni Jesus na nagsabi, "ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”

Ang muling pagkabuhay ni Lazarus ang nagsasalaysay ng pinakahuli sa pitong mga "kuwento ng himala sa Ebanghelyo ni Juan. Tinatawag niya ang mga itong mga "palatandaan." Ang mga palatandaang ito ay nagtuturo sa isang bagay na higit pa sa kanila at mas malaki pa kaysa sa katotohanan.

Ninais nina Marta at Maria ng isang himala, at nakuha nila ang kanilang himala. Ang kanilang pakiusap ay pinagbigyan, ang kanilang panalangin ay sinagot. Ngunit sinabi sa atin ni Juan na ito'y isang palatandaan. At ang mga palatandaan ay nagtuturo sa isang bagay na higit kaysa sa kanila, tungo sa isang bagay na mas mahalaga at mas totoo.

Madalas ay gusto natin ng kabaligtaran o ng pagpapanumbalik; Nangako si Cristo ng muling pagkabuhay. Pinanumbalik Niya si Lazaro, ang huli at pinakamalaking palatandaan; ngunit si Jesus ang muling pagkabuhay at ang buhay.

Nag-aalok si Jesus ng higit pa at ng mas mainam. Hindi isang magandang buhay kundi isang bagong buhay. Siya ang totoong himala ng kuwento; Siya ang pinakahuli at sukdulang tugon sa ating panalangin. Siya ang muling pagkabuhay at ang buhay. Hindi panunumbalik kundi muling pagkabuhay. Hindi pagbabaliktad kundi panibagong sigla. Ginapi ni Jesus ang kasalanan at ang kamatayan at ang impiyerno.

Kung maniniwala tayo sa Kanya, magkakaroon tayo ng buhay, totoo, permanente, masagana, matibay, at walang hanggang buhay. Kapag tayo'y namatay, mararanasan pa rin natin ang buhay na iyon. Ngunit kahit ngayon pa lang ay maaari na natin itong maranasan dahil mas malaki ito sa buhay na batid natin at sa kamatayang pinangangambahan natin.

Ito'y isang kagalakang mauunawaan lang ng mga Cristianong nawalan ng mahal sa buhay na nakay Cristo. Isa sa mga matamis na kagalakan ng Kalangitan ay hindi lamang ang makita ang ating Tagapagligtas, kundi ang muling makasama ang ating mga kapatid kay Cristo na nauna sa ating tumawid sa ilog ng Jordan.

Sinasabi sa atin ng 1 Mga Taga-Tesalonica 4:13-14 na "Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Jesus upang isama sa kanya.”

Nakita nating nagkaroon ng kaginhawaan si Haring David sa katotohanang ito noong namatay ang sanggol na anak niya. May katiyakan niyang sinabi na "Balang araw, susunod ako sa kanya ngunit hindi na siya makakabalik sa akin” (2 Samuel 12:20-23).

Ito ang pag-asang dapat nating pagtuunan ng pansin kapag tayo'y natatabunan ng mga ulap ng bagyo dahil sa pagkawalang naranasan.

Sa halip na makita natin ang ating mga mahal sa buhay na "patay sa nakaraan” – simulan nating makita silang “buhay na buhay sa langit” – at unawaing sandali na lang at magkakasama na muli tayo.

Ang ating buhay dito sa mundo ay ni hindi isang kisapmata kung ihahambing sa walang hanggang panahon na siyang nangyayari sa langit.

Sipi: Kapag pumupunta ako sa sementeryo, gusto kong isipin ang panahon kung saan ang mga nangamatay ay muling babangon mula sa kanilang mga libingan. ... Salamat, ang ating mga kaibigan ay hindi nakalibing, sila'y nakahasik lamang! – D.L.Moody

Panalangin: Panginoon, pinasasalamatan Kita sa katiyakang magkikita kaming mula ng aking mga mahal sa buhay pagdating ng panahon. Amen


Araw 6Araw 8

Tungkol sa Gabay na ito

Handling Grief

Kapag ang isang taong minamahal natin ay namatay, madalas ay maraming iba't ibang emosyon ang ating nararamdaman. Sa 10-araw na debosyonal na ito, matututunan natin kung paano natin kakayanin ang kalungkutan kapag ang ating mga mahal sa buhay ay kasama na ng Panginoon. Ang mga ito ay mga araling itinuro sa akin ng Panginoon nang ang aking pinakamamahal na asawa ay umuwi na sa langit noong katapusan ng Hunyo 2021.

More

Nais naming pasalamatan si Vijay Thangiah sa pagpapaunlak ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: https://www.facebook.com/ThangiahVijay