Pagharap sa DalamhatiHalimbawa
Dalawang Halimbawa Ng Pagdadalamhati
Si David at ang kanyang asawang si Svea Flood, isang batang mag-asawa kasama ang kanilang 2-taong gulang na anak ay pumunta sa Congo bilang mga misyonero noong 1921.
Sa maikling panahon, ang kanyang asawang si Svea ay nagkasakit ng malaria. Sa gitna nito, napag-alaman niyang siya'y nagdadalang-tao at sa loob ng ilang buwan ay nagtiis sa napakataas na lagnat.
Nang kalaunan, lumala ang malaria ni Svea na naratay siya sa kama at isang linggo pagkatapos niyang iluwal ang isang malusog na sanggol na babae, siya ay namatay.
Labis na nabigla si David Flood sa pagkamatay ng kanyang asawa. Habang nakatayo siya sa tabi ng libingan nito, kasama ang kanyang batang anak na lalaki, narinig niya ang iyak ng kanyang anak na babae mula sa kubo At bigla na lamang, napuno ng kapaitan ang kanyang puso. Umalsa ang galit sa kanya – at hindi niya ito mapigilan. Biglaan ang kanyang galit, at sumisigaw na sinabi, "Bakit Mo pinahintulutan ito, Diyos ko? Naparito kami upang ibigay ang aming mga buhay! Napakaganda ng asawa ko, napakatalino. At narito siya, wala na sa edad na dalawampu't pito!"
"May dalawang-taong gulang na anak ako ngayon na hindi ko halos maalagaan, at may sanggol na babae pa. Binigo mo ako, O Diyos. Nakapanghihinayang na buhay!"
Ibinigay niya ang kanyang sanggol na babae sa isang misyonero upang maalagaan at sinabi, "Babalik na ako sa Sweden. Wala na ang aking asawa, at hindi ko kayang alagaan ang sanggol na ito. Sinira ng Diyos ang aking buhay." Pagkatapos nito, nagtungo siya sa daungan, tinanggihan hindi lamang ang pagkatawag sa kanya, kundi ang Diyos mismo.
Napakaraming taon pa ang lumipas bago siya natagpuan ng kanyang anak na babae sa isang lumang gusali katabi ang mga bote ng alak sa paligid niya. Pitumpu't tatlong taon na siya at may sakit na diabetes. Inatake na rin siya sa puso, at may katarata ang dalawang mata niya.
Purihin ang Diyos na ang pagtatagpo nilang ito ng kanyang anak na babae ang nagdala sa kanya sa pagbabalik-loob at bumalik siya sa Panginoon bago siya namatay. Ngunit ang buong buhay niya ay nasayang.
Si Lettie Cowman at ang kanyang asawang si Charles ay pumunta sa Japan bilang mga misyonero noong 1900s.
Pagkatapos ng labing-anim na taong araw-araw na pagpupulong, pamamahala ng isang Institusyon ng Biblia, at isang organisasyon at pagbibiyahe sa Korea at China upang mangaral, humina ang kanyang kalusugan. Kaya't bumalik sa Estados Unidos sina Charles at Lettie.
Sa California, si Charles ay inatake sa puso, at lalo pang lumala ang kanyang kalagayan. Matiyagang inalagaan ni Letti ang kanyang pinakamamahal na si Charles sa loob ng anim na taon. Ngunit pagkatapos ng mahabang pakikipagbuno, si Charles ay namatay noong Setyembre, 1924.
Matinding dagok ang pagkamatay ni Charles para kay Lettie. Dahil wala silang anak, si Charles ang naging lahat-lahat para sa kanya. Naranasan nila ang "pag-aasawang ginawa sa langit" at mahal na mahal nila ang isa't isa. Isinulat niya sa kanyang talaarawan, "Nabubuhay ako sa impyerno dito sa lupa!" Nanalangin si Lettie na pagalingin ng Diyos si Charles. Bakit hindi Niya ito ginawa? Hindi ba't daan-daang tao ang nanalangin sa Diyos para kay Charles? Nasaan Siya?"
Bumaling si Lettie sa Salita ng Diyos para tulungan siya. Tila tinatanong siya ng Diyos kung mas gusto niyang gumaling ang kanyang asawa kaysa naisin ang kalooban Niya para sa kanyang buhay. Maraming oras ang ginugol ni Lettie sa pagbabasa ng Biblia at ng mga aklat tungkol sa pagdurusa at pagpapalakas ng loob. Marami siyang kinopyang mga katotohanan mula sa mga aklat na ito. Hindi niya nabatid na ginagawa niya ito hindi lang para sa kanyang sarili kundi para na rin sa ibang tao, dahil mula sa mga karanasan at pighati ni Mrs. Cowman at sa daan-daang mga salita ng karunungan na nakuha niya sa mga aklat na kanyang binasa, ang Streams in the Desert ay umusbong. At sa mahigit na 90 taon na ngayon, ang Streams in the Desert ay patuloy na inililimbag at nakapagbenta na ng higit sa anim na milyong mga kopya sa iba't ibang wika.
Maaari mong pahintulutan ang Diyos na gamitin ang iyong pagdadalamhati upang makatulong sa ibang tao o maaari mong sayangin ang iyong buhay. Ang pagpili ay nasa sa iyo.
Sipi:"Tandaan, iisa lang ang buhay mo. Iyan lang. Nilikha ka para sa Diyos. Huwag mong sayangin ito."- John Piper
Panalangin: Panginoon, tulungan Mo akong hindi Ka kailanman sukuan o sumuko sa buhay dahil sa pagkawala ng isang mahal sa buhay. Tulungan Mo akong huwag sayangin ang aking buhay, sa halip ay pahintulutan Kang gamitin ang aking pagdadalamhati para sa Iyong kaluwalhatian. Amen.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Kapag ang isang taong minamahal natin ay namatay, madalas ay maraming iba't ibang emosyon ang ating nararamdaman. Sa 10-araw na debosyonal na ito, matututunan natin kung paano natin kakayanin ang kalungkutan kapag ang ating mga mahal sa buhay ay kasama na ng Panginoon. Ang mga ito ay mga araling itinuro sa akin ng Panginoon nang ang aking pinakamamahal na asawa ay umuwi na sa langit noong katapusan ng Hunyo 2021.
More