Pagharap sa DalamhatiHalimbawa
Pag-asa Sa Gitna Ng Dalamhati
Maaari pa ring magsabi ang Diyos ng NGUNIT!
Nang malaman ni Jesus na may sakit si Lazaro, ang tugon ni Jesus ay “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”
Pagkatapos ng dalawang araw ay sinabi Niya sa kanila, “Patay na si Lazaro; ngunit ako'y nagagalak dahil wala ako roon upang kayo'y sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”
Naghintay Siya bago pumunta "upang sila ay maniwala." Ang mga pagpapaliban ng Diyos ay laging may layunin. Gusto Niya tayong dalhin sa mas malalim na antas ng pananampalataya. Naipakita na Niyang nakapagpapagaling Siya; ngayon ay itinuturo Niyang may kapangyarihan Siya maging sa kamatayan. Mangyayari lang ito kung Siya ay magpapaliban.
Maaari kayang sa panahong itinakda ng Diyos, kapag wari ay wala ang Diyos, na nais ka Niyang turuan ng isang bagay na mas dakila, mas makahulugan, ng isang bagay na hindi mo pa alam?
Kaya mo bang magpakumbaba upang matanggap ito? Kaya mo bang paniwalaan na kung kaya ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay, sa gayon ay may dahilan Siya upang hayaan ang pagdurusa mo kahit hindi mo ito nauunawaan? Makatutulong ba ito sa iyo upang magtiwala, dahil alam mo na ang pag-ibig, katarungan, at kapangyarihan ng Diyos ay ganap, nakikita ang wakas mula sa simula, at batid ang Kanyang ginagawa, kahit na hindi mo ito nauunawaan?
Nanalangin ka na ba para sa kagalingan ng iyong mahal sa buhay pero namatay pa rin siya?
Maaaring isipin mo na tapos na ang lahat. NGUNIT sinasabi pa rin ng Diyos, "Ang pangalan Ko ay maluluwalhati sa pamamagitan nito." Naniniwala ka ba?
Sa Juan 17:24, mababasa natin na, sa ating pagninilay na may pananalangin, ay nararapat maging napakalapit sa ating mga puso kapag may isa tayong mahal sa buhay na namatay. Matamang pag-isipan ang ninanasa ni Jesus: “Ama, sila ay ibinigay mo sa akin at nais kong makasama sila sa kinaroroonan ko upang makita nila ang karangalang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig.”
Ang nais Niya ay makasama ang Kanyang mga anak. Ganap ang Kanyang kasiyahan at kuntento Siya sa paghahari mula sa kalangitan, ngunit ayon sa Kanyang panalangin sa Juan 17, may ninanais Siyang hindi pa natutupad: na ang mga nananampalataya sa Kanya ay makasama Niya sa tahanang inihanda Niya para sa mga ito (Juan14:2–4).
Kapag ang isang mahal sa buhay ay namatay, kailangan nating laging maalala na sinagot na ng Ama ang panalangin ni Jesus. Ang Diyos ay may kapangyarihan sa kamatayan ng ating mga mahal sa buhay, at may mga layunin Siyang maaaring hindi natin kailanman mauunawaan, ngunit maaari nating panghawakan ang katotohanang nanalangin na si Jesus sa Ama upang madala ang mga mananampalataya sa kanilang tahanan. Kapag ang isang Cristiano ay namatay, ibinibigay ng Ama ang kahilingan ng Kanyang Anak.
Ito lang ang masasabi natin:Kapag ang isang mahal natin sa buhay ay namatay, mas malaki ang kapakinabangan kay Jesus kaysa sa ating kawalan.
Oo, maaaring may nawala sa atin. Hindi na natin makakasama ang ating mahal sa buhay. Ang kabigatan ng pagkawala ay maaaring hindi kayang ilarawan ng mga salita. Ngunit ang kawalan ay hindi kailanman higit sa mga salita ni Jesus: “Ama, sila ay ibinigay mo sa akin at nais kong makasama sila sa kinaroroonan ko upang makita nila ang karangalang ibinigay mo sa akin.”
Maaaring mapupuno na ang isang timba ng mga luha natin, ngunit ang mga luhang iyon na tumutulo sa ating mga pisngi ay magniningning nang may kagalakan kapag napagtanto nating ang kamatayan ng ating mga mahal sa buhay ay kasagutan sa panalangin ni Jesus.
Dito tayo nakakakita ng pag-asa.
Sipi: Hindi kailanman nagsasabi ng "paalam" ang mga mananampalataya; kundi "hanggang sa muling pagkikita" lang – Woodrow Kroll
Panalangin: Panginoon, salamat na sa gitna ng pagdadalamhati ay maaari kaming umasa na isang araw ay muli kaming magkikita ng aming mga mahal sa buhay. Amen
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Kapag ang isang taong minamahal natin ay namatay, madalas ay maraming iba't ibang emosyon ang ating nararamdaman. Sa 10-araw na debosyonal na ito, matututunan natin kung paano natin kakayanin ang kalungkutan kapag ang ating mga mahal sa buhay ay kasama na ng Panginoon. Ang mga ito ay mga araling itinuro sa akin ng Panginoon nang ang aking pinakamamahal na asawa ay umuwi na sa langit noong katapusan ng Hunyo 2021.
More