Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Baguhin ang Iyong Puso: 10 Araw Para Labanan ang KasalananHalimbawa

Rewire Your Heart: 10 Days To Fight Sin

ARAW 10 NG 10

Kailangan ng Ating Mga Puso ang Diyos

Ito ang ikasampu at huling araw ng ating pag-aaral patungkol sa “puso.” Pagkatapos ng lahat nating natalakay, may isang panghuling tanong na kailangan pa nating itanong. Kaya ba nating baguhin ang sarili nating mga puso? 

Kaya ba nating gawin ang panloob na pagbabago ng pusong kinakailangan upang makasunod sa Diyos, sambahin si Jesus, at pakinggan ang Espiritu? Ang sagot ay hindi. 

May isang kataka-takang pangungusap sa aklat ng Deuteronomio matapos ibigay ng Diyos sa bayan ng Israel ang lahat ng kautusang kakailanganin nilang sundin upang makapanatili sa pakikiisa sa Kanya. 

“Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya hinahayaang maunawaan ninyo ang inyong mga naranasan” (29:4). 

Hindi maunawaan ng Israel ang mga bagay mula sa Diyos, ni talagang pakinggan ang mga kautusan Niya sa paraang masusunod nila ang mga ito. Bakit? Dahil wala sa tamang kalagayan ang kanilang mga puso. 

Kasunod ng bersikulong ito, ipinahayag sa kanila ng Diyos, na sa malapit na hinaharap, tatalikuran nila ang kanilang kasunduan at mararanasan nila ang Kanyang galit. At totoo nga, sa pagbabasa natin sa Biblia, mapagtatanto nating ito mismo ang nangyari. 

Kaya't ano pa ba ang aasahan nila? Ano pa ba ang aasahan natin? Kung hindi natin kayang sundin ang mga kautusan ng Diyos at manatili sa pakikiisa sa Kanya, ano ang gagawin nila, at gagawin natin? 

Kailangan natin ng mga bagong puso. 

Magpasalamat tayo, sa sunod na kabanata ng Deuteronomio nagbitaw ng pangako ang Diyos na babaguhin ang ating mga puso. Ito ang ating sipi sa araw na ito. 

Babaguhin ng Diyos at lilinisin ang ating mga puso, upang ibigin natin Siya. Ang Diyos mismo ang gagawa ng panloob na pagbabago sa atin. Siya ang magbabago ng ating mga puso. 

Ito ang ginagawa ni Jesus para sa atin sa pamamagitan ng kilos ng Espiritu Santo. Kung ikaw ay nananampalataya kay Jesus at sa Kanyang Ebanghelyo, naranasan mo na ang isang bahagi ng gawaing ito. Hindi natin mapananampalatayanan si Jesus nang wala ang panloob na kilos ng Espiritu Santo. 

At patuloy ang paggawa ng Diyos sa atin araw-araw. Araw-araw siyang may ginagawa sa ating mga puso. At ang layunin ng paggawa na ito ay sinasabi sa atin sa bersikulong ito: upang ibigin natin Siya nang buong katapatan. 

Nais mo bang baguhin ang iyong puso? Tumawag sa Diyos at hingin sa Kanyang baguhin ito. Siya lang ang makagagawa nito. 

Ang tangi mo na lang kailangang gawin ay ibigay ang lahat mong pagmamahal sa Diyos alang-alang kay Cristo. Pakaisipin ang lahat ng ginawa Niya para sa iyo sa krus. Pag-isipan ang katotohanang babalik Siya upang makasama ka magpakailanman. Habang lumalago ang pagmamahal mo sa Diyos, patuloy na magbabago ang iyong puso. 

Magalak sa Ebanghelyo, at babaguhin ng Diyos ang iyong puso. 

Para sa higit pa sa ideyang ito, iniimbitahan kitang tingnan ang aking aklat na “Rewire Your Heart.”

Araw 9

Tungkol sa Gabay na ito

Rewire Your Heart: 10 Days To Fight Sin

Maraming Cristiano ang naniniwalang ang tanging paraang mapagtagumpayan ang kasalanan ay ang magngitngit at daigin ang tukso. Ngunit hindi mo malalabanan ang kasalanan sa pamamagitan ng iyong isip; kailangan mo itong labanan gamit ang iyong puso. Base sa aklat na Rewire Your Heart, itong sampung-araw na sulyap sa ilang pinakamahahalagang bersikulo patungkol sa iyong puso ay makatutulong sa'yong tuklasin kung paanong malalabanan ang kasalanan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa Diyos na baguhin ang iyong puso.

More

Nais naming pasalamatan ang Spoken Gospel para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa higit pang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://bit.ly/2ZjswRT