Baguhin ang Iyong Puso: 10 Araw Para Labanan ang KasalananHalimbawa
Ang Nais ng Diyos ay Iyong Puso
Ano ang habol ng Diyos? Ano ang nais Niya mula sa atin? Habol ba Niya ay isang awit sa araw ng Linggo o isang magandang panalangin kagabihan? Palagay ko'y alam nating lahat na ang sagot ay hindi. Ang habol ng Diyos ay ang ating puso.
Isa sa pinakamaliwanag na tagpo sa Biblia kung saan matututunan natin ito ay sa Isaias. Inilalarawan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang propeta ang pagkubkob na paparating sa Jerusalem.
Subalit, ilan ulit man nilang narinig ang mga salita ni Isaias at mga pahayag ng Diyos, hindi talaga sila nakikinig. Tulad sila ng isang taong binigyan ng aklat ngunit hindi ito mabuklat sapagkat ito'y nakasara at isang taong binigyan ng aklat ngunit hindi naman marunong bumasa (29:11-12).
Kaya't bakit ang paparating na kaparusahang ito? At bakit hindi maunawaan ng mga tao ang mga pangitain at babala mula sa Diyos?
Dito natin makikita nang malinaw kung ano ang habol ng Diyos. Narito ang dahilan.
“Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito, at sa bibig lamang nila ako iginagalang, subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso” (29:13).
Pinarurusahan at binubulag ng Diyos ang kanyang bayan dahil nagpapakitang-tao lang sila ng relihiyon, subalit inilalayo naman ang kanilang puso. Lumalapit sila sa Diyos at binibigyan Siya ng papuri at binibigkas ang lahat ng tamang mga salita, ngunit hindi laan sa Diyos ang kaibuturan ng kanilang kalooban - kanilang mga puso.
Hangad ng Diyos ang iyong puso, hindi iyong bibig. Hangad Niya ang iyong mga pagpapahalaga, pagsinta, kagustuhan, at mithiin. Nais ng Diyos ang iyong mga pagnanais. At hindi Siya makukuntento hangga't hindi Niya nakakamtan ang mga ito.
Bakit? Dahil alam Niyang tanging kapag Siya na ang iyong hinangad ka maghahangad ng isang mabuting bagay. At hindi mo lang hahangarin ang isang mabuting bagay, ang sa katunaya'y ang tanging mabuti, kundi ito ring maituturing na pinakamainam na mabuti. Hangad ng Diyos ang iyong mga hangarin sapagkat hangad Niya ang iyong ikabubuti.
At paano Niya makakamtan ang iyong puso? E, paano Niya plinanong makamtan ang mga puso ng Kanyang nagrerebeldeng bayan noong panahon ni Isaias?
Gagawa Siya ng mga kababalaghan sa harapan nila (29:14). Ngunit ang mga kababalaghang ito ay hindi kasiya-siya. Ang mga bagay na ito ay mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka. Mga bagay tulad ng pagpaparusa at dakilang mga gawa ng paghatol. Ang dahilang sa salita lamang lumalapit sa Diyos ang mga tao at hindi sa kanilang mga puso ay dahil ang kanilang paglilingkod ay huwad. Ito ay “ayon lamang sa utos ng tao” (29:13).
Kaya't pupunuin ng Diyos ng tunay na takot ang kanilang mga puso. Maaaring tila malupit ito sa ating pandinig, ngunit hangad ng Diyos ang kanilang mga puso. Kaya't ihahayag Niya ang Kanyang sarili sa kanila sa tanging paraang makapagbabago sa kanila.
Ganyan din binabago ng Diyos ang mga puso ngayon. Ipinapakita Niya ang Kanyang sarili sa atin sa mga paraang kahanga-hanga. At ang pinakakahanga-hangang paraang nagpahayag Siya sa atin ay sa pamamagitan din ng pagpaparusa at paghahatol. Ngunit sa pagkakataong ito, ang pagparusa at paghatol ay hindi ipinataw sa ating nararapat sa mga ito. Ang matinding galit ng Diyos ay napunta kay Jesus, na Siyang pumasan ng ating kaparusahan kahit hindi Siya karapat-dapat nito.
Malayo ba ang puso mo sa Diyos samantalang ang iyong mga labi ay malapit sa Kanya? Nais mo bang baguhin iyan? Masdan si Jesus! Masdan kung paanong nagpapahayag sa iyo ang Diyos sa pamamagitan ni Cristo! Hayaan ang takot at pag-ibig sa Diyos na tumagos iyong puso sa pamamagitan ng taimtim na pagninilay sa katotohanang taglay ng Ebanghelyo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Maraming Cristiano ang naniniwalang ang tanging paraang mapagtagumpayan ang kasalanan ay ang magngitngit at daigin ang tukso. Ngunit hindi mo malalabanan ang kasalanan sa pamamagitan ng iyong isip; kailangan mo itong labanan gamit ang iyong puso. Base sa aklat na Rewire Your Heart, itong sampung-araw na sulyap sa ilang pinakamahahalagang bersikulo patungkol sa iyong puso ay makatutulong sa'yong tuklasin kung paanong malalabanan ang kasalanan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa Diyos na baguhin ang iyong puso.
More