Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Baguhin ang Iyong Puso: 10 Araw Para Labanan ang KasalananHalimbawa

Rewire Your Heart: 10 Days To Fight Sin

ARAW 5 NG 10

Binabago ng Pananampalataya ang Puso 

Ano ang nasa kaibuturan ng ating mga kasalanan? Sa kabuuan ng pag-aaral na ito, nakikita natin na ang puso ay may sentral na bahagi sa pag-akay sa atin tungo sa kasalanan o kabanalan. Ngunit ano ang nakakaapekto sa puso? 

Ipinakita sa atin ni Jesus sa Sermon sa Bundok na ang kawalan ng pananampalataya ang pinagmumulan ng lahat ng ating mga kasalanan. 

Iniutos ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na huwag mabalisa patungkol sa kanilang kakainin, iinumin o susuutin. Paano ito magiging posible? Hanggang ngayon ang mga tao ay kailangang magpagal at kumayod upang makaraos, mabuhay mula araw ng suweldo hanggang sa sunod na araw ng suweldo. Paano ko pakakainin ang aking pamilya, babayaran ang aking hinuhulugan, ipaaayos ang kotse? Ang sagot ni Jesus ay magtiwala sa probisyon ng Diyos (Mat. 6:25–30). Ang pinaniniwalaan natin ang makapagbabago ng ating mga puso. 

Tinuturuan tayo ni Jesus ng isang mahalagang katotohanan patungkol sa kung paano gumana ang ating mga puso. Tila sinasabi Niya ang, “Dahil ginagawa ng Diyos ang maliliit na bagay, tiyak na gagawin din Niya ang malalaking bagay.” Pinapakain Niya ang mga ibon at dinaramtan ang damo. Ito ay patunay na pakakainin ka Niya at daramtan ang iyong mga anak. Manampalatayang ang Diyos ay isang tagapagtustos at ang kabalisahan ay maaalis mula sa iyong puso. Ang pinaniniwalaan mo ay magbabago sa iyong puso. 

Subalit, kabaligtaran ang sinasabi ng kawalan ng pananampalataya sa ating mga puso. Tulad ng sinabi ni Jesus, ang kasalanan na kabalisahan ay nagbubunyag ng pinagmumulan nito na kawalan ng pananampalataya. Nababalisa tayo dahil hindi tayo naniniwalang tutustusan tayo ng Diyos. Iba't ibang uri ng kawalan ng pananampalataya ang palaging pumupuno ng ating mga puso at lakip ng mga ito ang kanilang mga katumbas at hindi maiiwasang kasalanan. 

Ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi kayang makapagtustos. Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi makapapawi nang husto. Ang kautusan ng Diyos ay hindi akma sa aking kagalakan. Ang dugo ni Jesus ay hindi sapat upang makapaglinis ng aking kasalanan. Ang pagkilos ng Espiritu Santo ay kulang para sa aking pagpapabanal. Hindi kaya ng Ebanghelyong ayusin ang samahan naming mag-asawa, hilahin akong papalayo mula sa aking adiksyon, o patahimikin ang kapaitan sa aking puso. Nagdududa tayong ang Diyos ay sapat.

Kung hindi natin mapagtitiwalaan ang Diyos, sino ang maaari nating pagtiwalaan? Kung ibabatay sa ating mga kilos lahat tayo ay nakasagot na sa tanong na ito ng umaalingawngaw na, “Ako!” Ako ang tutugon sa lahat ng aking mga pangangailangan. Ako ang magbibigay katuparan sa aking mga ninanais. Kapag tinangka nating bigyang katuparan ang ating mga kagustuhan sa sarili nating kakayahan, ang tanging solusyong maiisip natin ay kasalanan. Kapag puno ng kawalan ng pananampalataya ang ating mga puso, lahat ng mahawakan natin ay tatabasin nating mga diyus-diyosang naaakma sa ating sariling kasiyahan. Kay liit ng ating pananampalataya!

Kaya't paano mo lalabanan ang kasalanan? Baguhin ang iyong puso. Paano mo magagawang baguhin ang iyong puso? Baguhin ang iyong mga paniniwala. 

Paniwalaang ipinagkaloob na ni Jesus ang lahat ng kailangan mo sa Ebanghelyo at ang puso mo ay magsisimulang tumakbo papalayo sa kasalanan at papunta sa Diyos. 

Banal na Kasulatan

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Rewire Your Heart: 10 Days To Fight Sin

Maraming Cristiano ang naniniwalang ang tanging paraang mapagtagumpayan ang kasalanan ay ang magngitngit at daigin ang tukso. Ngunit hindi mo malalabanan ang kasalanan sa pamamagitan ng iyong isip; kailangan mo itong labanan gamit ang iyong puso. Base sa aklat na Rewire Your Heart, itong sampung-araw na sulyap sa ilang pinakamahahalagang bersikulo patungkol sa iyong puso ay makatutulong sa'yong tuklasin kung paanong malalabanan ang kasalanan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa Diyos na baguhin ang iyong puso.

More

Nais naming pasalamatan ang Spoken Gospel para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa higit pang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://bit.ly/2ZjswRT