Baguhin ang Iyong Puso: 10 Araw Para Labanan ang KasalananHalimbawa
Ang Mabuti o Masama ay Nagmumula sa Puso
Ano ang nagsasanhi sa ating gumawa ng mabuti o masama? Karamihan sa mga tao'y nag-aakalang ito'y nakabase sa ating mga pagpapasya. Kapag nagpasya kang gumawa ng mabuti ito ang gagawin mo. Kapag nagpasya kang gumawa ng masama, iyan sa halip ang gagawin mo.
Ngunit itinuturo sa atin ni Jesus na ang tunay na pinagmumulan ng ating mga gawa ay mas malalim. Ito ay higit sa lahat mula sa puso.
“Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong tigib ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi.” (Lucas 6:45).
Anuman ang nasa iyong puso ang lilitaw sa iyong buhay.
Kung ano ang itinuturing mong kayamanan, pinahahalagahan, ikinagagalak, at tinatamasa ay magreresulta sa iyong mga gagawin. Kung pinahahalagahan mo ang mabubuting bagay sa iyong puso, ikaw ay gagawa ng kabutihan. Kung pinahahalagahan mo ang masasamang bagay sa iyong puso, ikaw ay gagawa ng kasamaan.
Kaya't paano natin babaguhin ang pinahahalagahan ng ating puso? Ang kasagutan, ayon sa sinabi ni Jesus, ay iba sa maaari nating inaasahan. Maaaring inaasahan natin ang isang talaan ng mga gawain, kagawian o pagninilay na makapagbabago ng pinahahalagahan ng ating mga puso.
Subalit, ang kalagayan ng iyong puso ay hindi nababatay sa ginagawa mo, kundi sa kung sino ka. Itinuro ni Jesus na walang mabuting punongkahoy ang namumunga ng masama, at wala ring masamang puno ang namumunga ng mabuti. Tanging mabubuting puno ang kayang mamunga ng mabuti.
Kaya't kailangan nating tanungin, paano tayo magiging mabuting puno?
Ito ay trabaho ng Ebanghelyo. Ginagawa tayo ni Jesus na mabuting puno sa kabila ng lahat ng ating masasamang bunga. Inililigtas Niya tayo at binabago bago pa man tayo gumawa ng anuman para makamit ang pagbabagong iyan.
Ang tangi nating kailangang gawin ay tanawin ang ating sarili na mabuting puno dahil sa ginawa ni Jesus para sa atin, at pahahalagahan Siya ng ating mga puso nang higit sa anupaman.
Nais mo bang baguhin ang iyong mga gawa? Ituring mong kayamanan si Jesus dahil ginawa ka Niyang mabuting puno kahit pa noong ikaw ang pinakamasamang punong naroroon. Matapos ay kikilos Siya sa iyong puso upang makapamunga ka ng mabubuting bunga.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Maraming Cristiano ang naniniwalang ang tanging paraang mapagtagumpayan ang kasalanan ay ang magngitngit at daigin ang tukso. Ngunit hindi mo malalabanan ang kasalanan sa pamamagitan ng iyong isip; kailangan mo itong labanan gamit ang iyong puso. Base sa aklat na Rewire Your Heart, itong sampung-araw na sulyap sa ilang pinakamahahalagang bersikulo patungkol sa iyong puso ay makatutulong sa'yong tuklasin kung paanong malalabanan ang kasalanan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa Diyos na baguhin ang iyong puso.
More