Tuklasin ang Pangitain ng DiyosHalimbawa
Pag-abante
Ni Michael Youssef, Ph.D.
Hindi ka ba makausad at walang kakayahang umabante sa pangitain ng Diyos? Hindi ka nag-iisa. Noong pinangunahan ni Moises ang mga Israelita palabas ng Egipto, kinaharap nila ang kaparehong pangambang kinakaharap natin. Pagdating nila sa Dagat na Pula, kinaharap nila ang mga gabundok na hadlang sa isang dako, isang malawak na dagat sa harap nila, at isang makapangyarihang hukbo sa likod nila (tingnan ang Exodo 14).
Gusto na sana ng mga taong umatras dahil sa takot at manatili na lang sa dati nilang buhay. Si Moises naman, nang may mabuting intensyon, ay ginustong manatili sa kasalukuyan: “Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, pumanatag lamang kayo” (Exodo 14:14). Ngunit ang gusto ng Diyos ay umabante sila sa hinaharap. “Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita’” (Exodo 14:15). Tinulungan ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng mahimalang paghahati ng dagat, ngunit inasahan muna Niya si Moises na kumilos sa pananampalataya.
Kung minsan nais na lang nating umatras sa takot. Sa ibang pagkakataon naman maaaring mas naisin nating manatili sa kinalalagyan at hintayin ang Diyos na gumawa para sa atin. Ngunit nais ng Diyos na umabante tayong taglay ang Kanyang pangitain sa atin. Palagi Siyang nariyan upang ibigay ang Kanyang gabay, probisyon, at lakas, ngunit kailangan muna nating maging handa na humakbang sa pananampalataya at sundin ang Kanyang plano.
Ang pag-abante ay hindi palaging simple. Kakaharapin mo ang mga kabiguan, pagsalungat at mga hadlang. Ngunit anuman ang iyong kaharapin, maisasakatuparan ng Diyos ang Kanyang pangitain sa iyong buhay hangga't nananatili kang isang instrumentong nakahandang magagamit Niya.
Panalanagin: Ama, bigyan ako ng lakas ng loob na umabanteng taglay ang pangitaing bigay Mo sa akin, kahit pa natatakot ako. Ipinapanalangin ko ito sa pangalan ni Jesus. Amen.
“Kaya't buong tapang nating masasabi, ‘Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot Ano ang magagawa sa akin ng tao?’” (Mga Hebreo 13:6).
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Tulad ni Ester, iniukol ng Diyos ang iyong buhay para sa mismong panahong ito. Ang Kanyang mga makalangit na layunin ay nahahayag at natutupad sa pamamagitan ng isang pang-araw-araw na relasyon sa Kanya. Sa 10-araw na debosyonal na ito ni Dr. Michael Youssef, mahihikayat kang hanapin at tumugon sa pangitain ng Diyos para sa iyong buhay. Matutunang mamumuhay batay sa pananampalataya at makilala nang mas malalim ang Diyos habang namumuhay batay sa Kanyang walang hanggang perspektibo.
More