Mas Mahusay Kapag Sama-samaHalimbawa
Itaguyod ang mga Tao sa Pamamagitan ng Pagtanggap sa Kanila
Narito ang isang lihim: Ang lahat ay humahanap ng pagtataguyod. Napansin mo ba iyan? Gagawin ng mga tao ang halos kahit ano upang makamtan ito. Kung hindi ka naniniwala, manood ka ng ilang reality shows. Tingnan mo kung anong ginagawa ng mga tao upang makita sa telebisyon, upang sila ay palakpakan ng mga tao.
Ang Diyos ay isang mapagtaguyod at mapagmahal na Ama. Kapag itinataguyod mo ang ibang tao, nagpapakita ka ng pagmamahal at kinakatawan mo si Cristo. Itinaguyod ni Jesus ang mga tao habang Siya ay naglilingkod, kaya't naglilingkod kang katulad ni Jesus. Ipinapakita mo sa mundo ang kahit maliit na bahagi ng katangian ng Diyos.
Isa sa pinakamabuting paraan ng pagtataguyod sa mga tao sa pang-araw-araw na buhay ay ang pagtanggap sa kanila. Sinasabi ng Mga Taga-Roma 15:7 na, “Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos” (RTPV05).
Minsan ay madaling piliin ang magmalaki at maliitin at hamakin ang mga tao, lalo na kung hindi sila umaabot sa iyong pamantayan. Lahat tayo ay may ugaling panghawakan ang ating kalakasan at itanghal ito sa harap ng mga tao, pagkatapos ay ituring silang mas mababa kapag hindi nila naabot ang ating mga inaasahan. Halimbawa, ikaw ay isang taong laging nasa oras, at kapag ang ibang tao ay nahuhuli sa kanilang pagdating, ang tingin mo sa kanila ay mas mababa kaysa sa iyo. Maganda naman ang pakiramdam mo sa sarili mo sa kabilang banda dahil mas magaling ka sa kanila sa pagiging maaga. O maaari rin namang ikaw ay isang napakaayos na tao at hindi mo mapigilang mapansin kapag pumupunta ka sa mga tahanan ng ibang tao kung gaano kagulo ang mga ito, at nagiging maganda ang pakiramdam mo sa sarili mo. Nagiging ugali nating itanghal sa mga tao ang ating mga kalakasan, at nakakalimutan nating may kahinaan tayo sa ibang mga bagay.
Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo ang mas mainam na paraan upang mas maging maganda ang pakiramdam ninyo sa inyong sarili. Sa halip na ibaba ninyo ang tingin sa ibang tao, bakit hindi ninyo subukang iangat sila? Magbibigay ito ng kakaibang tuwa na hindi ninyo maikukumpara sa ibang bagay.
Sinasabi ng Biblia sa Mga Taga-Roma 12:10 na, “Magmahalan kayo bilang tunay na magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo” (RTPV05).
Upang magawa natin ang gawain ng Diyos, kailangan nating pahalagahan ang mga pagkakaibang ibinigay sa atin at maging ang paraan kung paano tayo nahubog nang walang kaparis. Narito ang paraan kung paano mong malalamang natanggap mo na ang isang tao: Humihinto ka na sa pagpupumilit na gayahin ka nila. Napapagtanto mo at nagagalak ka sa katotohanang sila ay naiiba. Sa totoo lamang, magiging kabagot-bagot ang mundo kung lahat tayo ay magkakapareho. Kaya ginawa tayo ng Diyos sa iba't-ibang uri upang gumawa ng iba't-ibang bagay nang sa gayon lahat ay magagawa sa mundong ito.
Ang layunin ng isang pamilya, ng isang maliit na grupo, ng pamilya mo sa iglesia, o anumang pangkat sa pamayanan ay hindi ang hubugin ang mga tao sa iyong wangis kundi ang tanggapin at itaguyod ang bawat isa at tulungan ang bawat isang matuklasan kung ano ang pagkakagawa sa iyo ng Diyos.
Pakinggan ang audio teaching para sa araw na ito mula kay Pastor Rick >>
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hindi mo kayang gawin ang lahat ng ninanais ng Diyos para sa iyo at matupad ang mga layunin kung bakit narito ka sa planetang ito nang walang tulong. Kailangan natin ang isa't-isa, at kabilang tayo sa Katawan ni Cristo! Sa seryeng ito, ipinapaliwang ni Pastor Rick kung paanong mabuhay nang may ugnayan sa ibang tao.
More