Mas Mahusay Kapag Sama-samaHalimbawa
Ang Pinakadakilang Kaloob ng Pagmamahal ay ang Pagbibigay ng Atensyon
Sinasabi ng Biblia sa Mga Taga-Galacia 6:10 na, “Kaya nga, sa lahat ng pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya”(RTPV05) Kaya bakit nga ba binibigyan ng natatanging atensyon ang mga taong kabilang sa bayan ng Diyos?
Sapagkat anumang bigyan mo ng pagpansin ay lalago. Kapag binigyan ko ng atensyon ang aking hardin, ito ay mamumunga. Kapag binigyan ko ng pansin ang aking mga anak, sila ay lalaki. Kapag binigyan ko ng atensyon ang pagsasama naming mag-asawa, ito ay lalago. Kapag binigyan ko ng atensyon ang aking trabaho, ito ay lalago.
Ano ang pinakadakilang kaloob ng pagmamahal? Hindi ang mga diamante, mga bulaklak, o mga tsokolate. Ang pinakadakilang kaloob ng pagmamahal na maaari mong ibigay ay ang pagtutuon mo ng iyong atensyon. Maaari mong pagtibayin ang mga tao sa simpleng pagtitig sa kanilang mga mata, na ang talagang sinasabi nito ay, “Pinahahalagahan kita. Ang anumang sasabihin mo sa akin ay importante dahil mahalaga ka sa akin.” Ang inaasam ng mga tao higit pa sa anumang bagay ay ang nakatuong atensyon sa kanila. Gusto nilang malaman na may halaga ang kanilang mga iniisip, na mahalaga ang kanilang mga buhay, na sila ay mahalaga.
Ang pinakadiwa ng mga relasyon ay hindi nakabatay sa kung anong ginagawa natin para sa isa't-isa o kung anong ibinibigay natin sa isa't-isa. Ang pinakadiwa ng mga relasyon ay kung gaano kalaking bahagi ng sarili ang ibinibigay natin sa isa't-isa.
Hindi ko kayang sabihin sa inyo kung gaano karaming mga kalalakihan ang nakausap ko na nagsabi, “Hindi ko maintindihan. Ibinibigay ko ang lahat ng pangangailangan ng aking pamilya. Ibinibigay ko sa aking asawa ang mga kailangan niya. Ibinibigay ko sa aking mga anak ang mga kailangan nila. Ano pa bang gusto nila?”
Ikaw ang gusto nila! Ang gusto nila ay ang iyong oras. Ang gusto nila ay ang iyong atensyon. Gusto nilang ituon mo ang atensyon mo sa kanila. Gusto nilang malamang iniisip mong may kabuluhan sila, Walang kayang pumalit sa panahon. Hindi kailangan ng mga bata ang mga materyal na bagay; ang kailangan nila ay ang oras mo. Ang buhay mo bilang may-asawa ay nangangailangan ng oras at ang pakikipagkaibigan ay nangangailangan ng oras at ang maliliit na grupo ay nangangailangan ng oras.
Ngayong Sabado at Linggo, humanap ka ng mga pagkakataon upang ipakita ang pagbibigay mo ng atensyon sa mga tao sa buhay mo. Iyan ang pinakadakilang kaloob ng iyong pagmamahal na maibibigay mo! Ngunit huwag mong hintayin lamang itong mangyari; gumawa ka ng mga pagkakataon upang maipakita mo ang pagbibigay mo ng atensyon.
Kung kailangan mong ilagay ito sa listahan ng mga gagawin mo, gawin mo ito. Kung kailangang ibigay mo ang oras na ginugugol mo sa panonood sa Netflix, gawin mo. Kung kinakailangang ipagpaliban mo ang mga gawaing bahay, gawin mo. Kung kinakailangang magsakripisyo ka, gawin mo. Gawin mo ang kailangan mong gawin upang mabigyan mo ng atensyon ang mga relasyon mo. Ito ay kinakailangan sa kanilang paglago!
Pakinggan ang audio teaching ngayong araw na ito mula kay Pastor Rick>>
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hindi mo kayang gawin ang lahat ng ninanais ng Diyos para sa iyo at matupad ang mga layunin kung bakit narito ka sa planetang ito nang walang tulong. Kailangan natin ang isa't-isa, at kabilang tayo sa Katawan ni Cristo! Sa seryeng ito, ipinapaliwang ni Pastor Rick kung paanong mabuhay nang may ugnayan sa ibang tao.
More