Mas Mahusay Kapag Sama-samaHalimbawa
Paanong Manalangin Para sa Espirituwal na Paglago
Sumulat si Pablo tungkol sa isang prayer warrior sa Mga Taga-Colosas 4:12 “Si Epafras ... lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na masunurin sa kalooban ng Diyos” (RTPV05).
Si Epafras ay isang bayani para sa akin. Hindi ko alam sa iyo, ngunit ang panalangin ay napakahirap para sa akin. Iniisip mo na dapat ay natural itong dadating, ngunit hindi ito totoo sa akin. Kaya't lalo akong bumibilib na si Epafras ay may disiplina upang lagi siyang magbigay ng panahon para ipanalangin ang mga tao.
Ngunit gustung-gusto ko rin ang katotohanang ipinapanalangin niya ang espirituwal na paglago ng mga tao. Madalas na ang ipinapanalangin natin ay para sa pangangailangan ng mga tao —ang kanilang kalusugan at pananalapi at ang kanilang relasyon — ngunit hindi natin gaanong pinag-uukulan ng panahon sa pananalangin ang kanilang espirituwal na paglago. Hindi natin ipinapanalangin na baguhin tayo ng Diyos upang maging mas katulad Niya tayo. Marahil ang isang kadahilanan ay hindi natin alam kung anong dapat nating ipanalangin.
Sa kabutihang-palad, ang Biblia ay punung-puno ng mga bersikulo kung paanong mananalangin para sa isang tao upang siya ay magkaroon ng espirituwal na paglago.
“At nawa'y malaman ninyo ang buong pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip” (Mga TagaEfeso 3:19a). Sino ang kilala mong maaaring may mga pagsubok na nararanasan at nangangailangan ng pagmamahal ng Diyos sa buhay nila ngayon? Isipin mo sila at sabihin ito, “Diyos ko, hayaan mong malaman nila ngayon kung gaano mo talaga sila kamahal.”
“Nawa'y… gawin niya sa atin ang kalugod-lugod sa kanyang paningin.” (Hebreo 13:21 ASND) Mga magulang, hindi ba ninyo nanaising gawin iyang panalangin para sa inyong mga anak, na hindi lamang nila gagawin ang tama kundi magiging masigasig silang gawin ang tama? Ipanalangin sila ngayon din:“Diyos ko, bigyan mo sila ng integridad."
“Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya” (Mga Taga-Roma 15:13a RTPV05). Sino ba ang hindi nangangailangan ng karagdagang pag-asa o kagalakan o kapayapaan sa kanilang buhay? Manalangin, “Diyos ko, may kilala akong taong nangangailangan ng pag-asa. Tulungan Mo siyang magtiwala sa Iyo habang nagdaraan siya sa napakahirap na panahon ng kanyang buhay.”
“Hinihiling ko sa Diyos … na ipagkaloob Niya sa inyo ang Espiritu na nagbibigay ng karunungan at nagpapahayag tungkol sa Diyos” (Mga Taga-Efeso 1:17a RTPV05). Sino ang kakilala mong nangangailangang gumawa ng pagpapasya? Hilingin mo sa Diyos na bigyan siya ng karunungan.
“Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang lalo ninyong maunawaan na kayo ay mahal ng Diyos at si Cristo ang nagpapatatag sa inyo.” (2 Mga Taga-Tesalonica 3:5). Ang lahat ba sa atin ay naabot na ito? Wala pa tayo roon sa ngayon. Ngunit maaari tayong manalangin para sa isa't-isa, upang tayo ay lumago habang tayo ay nabubuhay nang sa gayon ay marating natin ito. Ipanalangin mo ang bersikulong ito para sa isang tao.
“Idinadalangin kong palakasin niya ang inyong buhay espirituwal…sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.” (Mga Taga-Efeso 3:16 RTPV05). Sino ang kilala mong nakakaramdam na para bang natatabunan na sila ng buhay o kaya naman ay para bang kailangan nilang gawin lahat sa pamamagitan ng kanilang sariling kapangyarihan? Ipanalangin mo ito para sa kanila. Sabihin mo, “O Diyos, tulungan mong malaman nila na hindi sila nag-iisa. Bigyan mo sila ng kalakasan at kapangyarihan."
Pakinggan ang audio teaching para sa araw na ito mula kay Pastor Rick >>
Tungkol sa Gabay na ito
Hindi mo kayang gawin ang lahat ng ninanais ng Diyos para sa iyo at matupad ang mga layunin kung bakit narito ka sa planetang ito nang walang tulong. Kailangan natin ang isa't-isa, at kabilang tayo sa Katawan ni Cristo! Sa seryeng ito, ipinapaliwang ni Pastor Rick kung paanong mabuhay nang may ugnayan sa ibang tao.
More