Mas Mahusay Kapag Sama-samaHalimbawa
Sa Paglalakbay sa Buhay, Kailangan Natin ang Isa't-isa!
Sinasabi ng Biblia sa Mga Taga-Colosas 2:6-7 na, “Sapagkat tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa Kanya” (RTPV05). Madalas na inihahambing ng Biblia ang buhay sa isang paglalakad, sapagkat hindi ka basta nakaupo na lamang sa buhay mo. Tayo ay nasa isang paglalakbay! Sa kabuuan ng Bagong Tipan tayo ay sinasabihang lumakad sa karunungan, sa pag-ibig, sa liwanag, sa pagsunod, at sa Banal na Espiritu.
Ngunit isa sa mahalagang paraan na sinasabi sa atin ng Diyos tungkol sa ating paglalakad ay ito: Hindi tayo nilalayong lumakad nang mag-isa sa buhay na ito. Walang kinalaman dito kung ikaw man ay may-asawa o wala. Hindi solusyon sa problemang ito ang pagkakaroon ng asawa: ang pamayanan ang kasagutan dito. At matatagpuan mo ang iyong pamayanan sa iyong espirituwal na pamilya — ang Katawan ni Cristo.
Ang iba sa inyo ay magsasabi, “Anong mali sa paglalakad nang nag-iisa? Mahilig akong lumakad nang mag-isa. Sa totoo lang, mas gusto ko pa nga ito. Maaari akong lumakad sa gusto kong bilis. Wala akong kailangang hintayin.”
Maaaring gusto mong lumakad mag-isa, ngunit kailangan mo ang ibang taong maglalakad na kasama mo sa buhay na ito. Hayaan mong bigyan kita ng tatlong dahilan.
1. Mas ligtas ito. Naranasan mo na bang maglakad nang nag-iisa sa isang madilim na eskinita sa gabi o kaya naman ay sa isang mahabang landas sa kabukiran? Medyo nakakatakot ito. Mas ligtas na tahakin ang buhay nang may kasamang ibang tao.
2. Mas nakapagbibigay ito ng lakas ng loob. May isang matandang kasabihan ang mga taga-Zambia na nagsasabing, “Kapag tumatakbo kang mag-isa, tumatakbo ka nang mabilis. Ngunit kapag tumatakbo kang may kasama, tumatakbo ka nang malayo.” Ang buhay ay hindi isang takbuhan na umaabot lang ng 50 yarda; ito ay isang marathon! Ang tanging paraan kung paano mong matatapos ang pagtakbo nang maayos at hindi ka mapapagod ay kung may mga kasama kang may makabuluhang relasyon sa iyo.
3. Mas maaasahan ito. Mas marami kang natututunan kapag may kasama ka sa paglalakad kaysa sa kung nag-iisa ka. Sinasabi sa Mga Kawikaan 28:26 na, “Ang nagtitiwala sa sariling kakayahan ay mangmang.” Sa ibang salita, kapag ikaw lang ang nag-iisip tungkol sa isang bagay at walang nakikiayon sa iyo, maaaring lumalakad ka sa maling direksyon. Kapag lumalakad kang mag-isa sa buhay, walang sinumang magsasabi sa iyo, “Nawawala tayo sa tamang landas. Kailangang bumalik tayo at pumunta sa tamang direksyon.”
Sinasabi sa Mga Taga-Efeso 4:16 na, “Sa pamamagitan niya, ang mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan ay magiging isang katawan; at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, ang buong katawan ay lálaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig” (RTPV05).
Kailangan mo ng mga tao sa buhay mo na tutulong upang ikaw ay lumago patungo sa plano ng Diyos para sa iyo. Ang buhay ay tungkol sa mga relasyon. Ang Diyos ay pag-ibig, at nais Niyang matutunan mong mahalin Siya at mahalin din ang iyong kapwa. Ang mga ito ang dalawang pinakadakilang aral para sa ating buhay.
Pakinggan ang audio teaching ngayong araw na ito mula kay Pastor Rick >>
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hindi mo kayang gawin ang lahat ng ninanais ng Diyos para sa iyo at matupad ang mga layunin kung bakit narito ka sa planetang ito nang walang tulong. Kailangan natin ang isa't-isa, at kabilang tayo sa Katawan ni Cristo! Sa seryeng ito, ipinapaliwang ni Pastor Rick kung paanong mabuhay nang may ugnayan sa ibang tao.
More