Mas Mahusay Kapag Sama-samaHalimbawa
Ang Pamayanan: Ang Sagot ng Diyos sa Pagkatalo
Sinong nagbabantay sa iyo?
Kailangan mo ng mga taong ipagtatanggol ka, maninindigan para sa iyo, iingatan ka, tutulungan kang hindi maligaw ng landas, at bibigyan ka ng babala. Lahat tayo ay nangangailangan nito, dahil lahat tayo ay may kahinaan.
Sinasabi sa Mga Taga-Filipos 2:4 na, “Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili.” (RTPV05). Kung gusto ninyo ng isang bersikulong taliwas sa kultura, ito na iyon! Sa Amerika, ang pangkalahatang kaisipan ay umiikot sa “ako”— mga pangangailangan ko, mga kapakinabangan ko, mga gusto ko, at mga ambisyon ko.
Ngunit sinasabi ng Biblia na dapat nating kalingain ang isa't-isa. Tayo ay pamilya! Bilang magkakapatid sa pamilya ng Diyos, nararapat na ipagtanggol natin ang isa't-isa at tulungan silang hindi maligaw ng landas.
Simula noong Setyembre 11, 2001, naging mas mapagbantay tayo para sa isa't-isa. Ngunit alam mo bang may mas matindi ka pang kaaway kaysa sa mga terorista? Totoo iyan! May personal na kaaway ka, at inis na inis siya sa tapang mo. Siya si Satanas. Nais niyang guluhin ang buhay mo. Nais niyang sirain ang mga relasyon mo. Nais niyang talunin ka.
Bakit niya gagawin ito? Dahil hindi niya kayang saktan ang Diyos. Kapag hindi mo masaktan ang isang tao, anong ginagawa mo? Ang binabalingan mo ay ang kanyang mga anak. Hindi kayang saktan ni Satanas ang Diyos, kaya't ang sinusubukan niyang saktan ay ang mga anak ng Diyos.
Kapag sinasalakay ka ni Satanas, hindi siya haharap sa iyo na nakasuot ng pulang kasuotan habang may hawak na malaking tinidor at magsasabi ng, “Boo!” Paano guguluhin ni Satanas ang iyong buhay? Sa pamamagitan ng mga masamang ugaling hindi mo matalikuran, sa pamamagitan ng mga naranasang pait na ayaw mong kalimutan, sa pamamagitan ng mga suliranin at pangyayari, sa pamamagitan ng mga relasyong dumurog sa iyong puso.
Marami sa mga Cristiano ay nagiging talunan dahil pinipilit nating labanan ang diyablo sa sarili nating lakas. Kailangan mo ng ibang taong magbabantay at mag-iingat sa iyo.
Ang pamayanan ang kasagutan ng Diyos sa pagkatalo. Kailangan mong makatagpo ng mga taong maninindigan para sa iyo sa mga panahon ng kagipitan at magsasabi sa iyo, “Hindi ka namin pababayaang mawalan ng pag-asa. Hindi ka namin hahayaang manatili sa matinding kalungkutan. Hindi ka namin hahayaang mag-alala. Mananatili kami ritong kasama ka."
“Kung ang nag-iisa'y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid na may tatlong pilipit na hibla ay hindi agad malalagot” (Ang Mangangaral 4:12 RTPV05).
Pakinggan ngayong araw na ito ang audio teaching mula kay Pastor Rick >>
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Hindi mo kayang gawin ang lahat ng ninanais ng Diyos para sa iyo at matupad ang mga layunin kung bakit narito ka sa planetang ito nang walang tulong. Kailangan natin ang isa't-isa, at kabilang tayo sa Katawan ni Cristo! Sa seryeng ito, ipinapaliwang ni Pastor Rick kung paanong mabuhay nang may ugnayan sa ibang tao.
More