Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mas Mahusay Kapag Sama-samaHalimbawa

Better Together

ARAW 4 NG 24

Humayo sa Pagmimisyon Nang Magkasama

Nilikha ka para sa isang misyon. Nais ng Diyos na ibahagi mo ang Kanyang pag-ibig sa ibang tao — sa iyong mga kaibigan, pamilya, at mga kasama mo sa trabaho — na wala pa sa Kanyang pamilya.

Bakit nais Niyang gawin mo ito? Sapagkat gusto ng Diyos na ang lahat ay maging kabilang sa Kanyang pamilya. Walang nilikhang tao ang Diyos na hindi Niya minahal at binigyan ng layunin. Walang taong nilikha ang Diyos na hindi inialay ni Cristo ang Kanyang buhay. Kaya't nais ng Diyos na ibahagi mo ang Mabuting Balitang ito.

Ngunit hindi ka nag-iisa! Nais ng Diyos na humayo ka sa iyong misyon nang kasama ang ibang tao. Sinasabi sa Mga Taga-Filipos na, “Kayo'y nananatili sa iisang layunin at sama-samang ipinaglalaban ang pananalig sa Magandang Balita” (RTPV05).

Paano mong ibabahagi sa iyong mga kaibigan na mahal sila ng Diyos? At paano mo itong gagawin katulong ang ibang tao? Magagawa mo ito sa pamamagitan ng iyong maliit na grupo.

Una, manalangin kayong sama-sama. Hilingin mo sa iyong maliit na grupong ipanalangin ang iyong mga kaibigang wala pang relasyon sa Diyos. Hindi mo maaaring pilitin ang sinuman upang mahalin ang Diyos, ngunit maaari mo silang ipanalangin. Maaaring tanggihan ng mga kaibigan mo ang iyong paliwanag o kaya naman ay hindi pakinggan ang iyong katwiran. Ngunit wala silang magagawa sa iyong panalangin. Ito ay diretso sa kanilang mga puso!

Sinasabi ng Biblia sa Mga Taga-Colosas 4:3 na, “Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang Kanyang Salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo”(RTPV05).

Habang nananalangin kayo na bigyan kayo ng pagkakataon, alam ba ninyo kung anong mangyayari? Makikita ninyo ang mga ito sa lahat ng dako! Sa pamamagitan ng panalangin ay nagkakaroon ka ng kamalayan. Kapag sinimulan mong ipanalangin ang iyong pamilya, nakikita mo rin ang kanilang pangangailangan. Kapag sinimulan mong ipanalangin ang mga katrabaho mo, nagkakaroon ka ng malasakit para sa kanila.

At habang nakikilala mo ang mga tao sa paligid mo, nalalaman mo ang mga bagay na pareho ninyong kinawiwilihan at sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ka ng pagkakataong maibahagi ang Ebanghelyo sa kanila.

Bago mo maibahagi ang Mabuting Balita sa ibang tao, kailangan mo munang makapag-umpisa ng relasyon sa kanila. Ano ba ang mga karanasan, kinawiwilihan at mga pangangailangang nagkakapareho kayo? Kausapin mo ang mga kasama mo sa iyong maliit na grupo tungkol sa mga bagay na gusto ninyong gawin, pagkatapos ay tanungin mo sila, “Sino ang mga kakilala nating ganyan din ang kinahihiligan na alam nating hindi pa mananampalataya? Sino ang maaari nating anyayahan upang sumama sa atin?”

Sa Saddleback Church, may isang maliit na grupo kung saan ang mga miyembro nito ay mga tagahanga ng San Diego Chargers. Lahat ng miyembro ng grupong ito ay bumili ng mga tiket para sa isang buong season para sa laro ng mga Chargers. Pagkatapos ay nag-ambag-ambag sila at bumili ng dalawang sobrang tiket na para rin sa isang buong season. Sa tuwing manonood sila ng laro, nagsasama sila ng dalawang bagong kasama. Nagsasaya sila sa panonood ng laro at pagkatapos nito ay sasabihin nila, “Nasiyahan ka ba rito? Itong grupo naming ito ay nagsasama-sama tuwing Huwebes ng gabi sa bahay nina Bob. Gusto mo bang sumama sa amin?”

Magbibigay ang Diyos ng lahat ng uri ng pagkakataon at mga pamamaraang tulad nito. Magsimula na kayong manalangin sa inyong maliit na grupo tungkol dito, at buksan ang inyong mga mata sa mga taong nakapaligid sa inyo na maaari ninyong paglingkuran nang sama-sama.

Pakinggan ang audio teaching para sa araw na ito mula kay Pastor Rick >>

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Better Together

Hindi mo kayang gawin ang lahat ng ninanais ng Diyos para sa iyo at matupad ang mga layunin kung bakit narito ka sa planetang ito nang walang tulong. Kailangan natin ang isa't-isa, at kabilang tayo sa Katawan ni Cristo! Sa seryeng ito, ipinapaliwang ni Pastor Rick kung paanong mabuhay nang may ugnayan sa ibang tao.

More

Ang gabay na ito © 2015 ni Rick Warren. All rights reserved. Ginamit nang may pahintulot. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: www.rickwarren.org