Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Araw-Araw na Debosyonal ng Pasasalamat ni Paul TrippHalimbawa

Paul Tripp's Daily Thanksgiving Devotional

ARAW 10 NG 12

Wala kang anumang magagawa upang makamit ang biyaya ng Diyos. Kailangan mong tanggapin at tandaan ito. Hindi mo kayang magkaroon ng sapat na katuwiran upang maibigay ang mga banal na hinihingi ng Diyos. Ang iyong kaisipan ay hindi kailanman magiging sapat ang kadalisayan. Ang iyong mga ninanais ay hindi kailanman magiging sapat ang kabanalan. Ang iyong mga salita ay hindi kailanman magiging sapat ang kalinisan. Ang iyong mga pagpili at pagkilos ay hindi kailanman magiging sapat upang maparangalan ang Diyos. Napakataas ng marka para sa iyo at sa akin upang maabot ito. Walang pagbubukod dito. Lahat tayo ay nabubuhay sa magkaparehong bigat ng batas at sa parehong kawalang-kakayahan ng kasalanan. Lahat tayo ay higit na bumabaling sa idolatriya kaysa sa pagsamba sa Diyos. Mas magaling tayong makipag-away sa ating kapit-bahay kaysa sa mahalin sila. Lahat tayo ay mas nadadaliang mainggit kaysa maging kontento. Lahat tayo ay mga magnanakaw sa iba't-ibang paraan. Lahat tayo ay pinag-iimbutan ang kung anumang mayroon ang iba. Mas natural sa atin ang baliin ang katotohanan kaysa sa protektahan ito. Nakapaghahatol tayo sa ating mga salita sa halip na magbigay ng biyaya. Bawat araw ay nagpapakita tayo ng katibayan na hindi natin kailanman maaabot ang pamantayan ng Diyos sa ating mga sariling kakayahan.

Narito ang iyong "Ito ang sinasabi ko" na pahayag: "Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan" (Mga Taga-Roma 3:20). At bakit totoo ito? Totoo ito dahil "ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos" (Mga Taga-Roma 3:23). Ang salita ay sinasaklaw lahat. Walang hindi kasama rito. Tunay ngang isang nakapagpapakumbabang balita ito na kailangang tanggapin ng lahat ng tao sa kanilang mga puso at sa kanilang pagkakakilanlan. Ngunit itong mahirap-na-tanggaping balitang ito ang daanan hindi sa nakalulungkot na pagkamuhi sa sarili, kundi sa walang-hanggang pag-asa at kagalakan. Tanging sa pagtanggap mo kung sino ka at kung anong hindi mo kayang gawin ka magsisimulang magkaroon ng kaunawaan sa pangangailangan mo ng kaloob ng Diyos. Pagsamahin natin ang masamang balita at ang mabuting balita, tulad ng ginawa ni Pablo sa Mga Taga-Roma 3. Isinulat niya, "ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos," ngunit hindi iyan ang katapusan ng kuwento. Nagpatuloy siya sa pagsasabing tayo ay "pinawalang-sala na niya sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya" (Mga Taga-Roma 3:24-25).

Ang pantakip-kasalanan ay isang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang sakripisyo ni Jesus ang pumawi ng galit ng Diyos at lumikha ng pagkakasundo sa pagitan ng Diyos at ng lahat ng nanampalataya sa Kanya. Dahil kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan, ang tanging paraan kung paanong tayong mga makasalanan ay maaaring magkaroon ng relasyon sa Kanya ay sa pamamagitan ng pagbibigay ni Cristo ng buhay Niya upang bayaran ang kaparusahan ng ating kasalanan. Hindi mo kailangang sumunod upang makuha ang biyaya ng Diyos. Nakuha na ni Cristo ang biyaya ng Diyos para sa ating kapakanan. Kaya ang iyong pagsunod ay hindi isang kabayarang may kasamang takot, kundi isang himno ng pasasalamat sa Diyos na kinatagpo ka sa kung saan ka naroon at ginawa para sa iyo ang hindi mo kayang gawin para sa sarili mo.

Banal na Kasulatan

Araw 9Araw 11

Tungkol sa Gabay na ito

Paul Tripp's Daily Thanksgiving Devotional

Ang Araw ng Pasasalamat ay panahon upang alalahanin ang lahat ng mabubuting bagay na ibinigay ng Diyos sa atin. Ngunit kung minsan ang pagkahibang ng panahon ay humahadlang sa atin sa paggugol ng oras upang magpasalamat sa Diyos sa Kanyang maraming mga regalo. Sa nakahihikayat na mga debosyon mula kay Paul David Tripp, ang mga maiikling debosyon na ito ay tatagal lamang ng 5 minuto upang mabasa, ngunit hihimukin kang magnilay sa awa ng Diyos buong araw.

More

Nais naming pasalamatan ang Crossway sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaring bumisita sa: https://www.crossway.org/books/new-morning-mercies-hcj/