Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang PaghahanapHalimbawa

The Quest

ARAW 2 NG 7

Kilala na ng Diyos ang puso mo. Nababasa Niya ang iniisip mo. At kapag natapos mo na ang pag-aaral na ito, maaari mong punitin ang iyong talaarawan kung gusto mo o sunugin ito, ngunit, sa pagitan ng ngayon at pagkatapos, ito ay tungkol sa totoong ikaw at sa totoong Panginoon ng sandaigdigan. May ninanais kang higit pa sa mga kasagutan. Ang nais mo ay kapahayagan. Nilikha ka para rito. Ako rin.

Bakit kaya tatanungin ng Diyos ang tao ng mga katanungan samantalang alam na Niya ang mga kasagutan sa mga ito? Marahil isang araw ay magbibigay Siya ng dose-dosenang pagpapaliwanag, ngunit paulit-ulit ay ito ang ipinahihiwatig ng Banal na Kasulatan: Ang Diyos, ang Maylikha, ang Tagapagligtas, at ang Hari, ay nagnanais na magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa Kanyang pinahahalagahang nilikha sa gitna ng ating mga kahinaan at pagdududa at kabiguan. At hindi lamang pakikipag-ugnayan. Nais Niya ng pakikipagkasunduan. At hindi lamang pakikipagkasunduan. Ang nais Niya ay ang pakikipaglapit.

Sa iyo. Hindi sa kung sinong iniisip mong ikaw sana o sa ninanais mong pagkilos mo sa harap ng mga nanonood. Ikaw.

Basahin ang Genesis 1:26-2:17 at 3:19, pansinin—at maaari ring markahan—ang bawat bersikulo kung saan tuwirang nakipag-usap ang Diyos kay Adan. Anong itinanong ng Diyos sa Genesis 3:9?

Ngayon, makipagpalit ka ng posisyon kay Adan at hayaan mong ang banal na pagsisiyasat ay mapapunta sa iyo. Nasaan ka? May pupuntahan ka, ngunit ang anumang tiyak na daraanan patungo sa iyong destinasyon ay nagsisimula sa iyong kinaroroonan ngayon. Sa isang talaarawan, sumulat sa Diyos mismo, at ilarawan kung nasaan ka ngayon sa buhay mo. Kung ikaw ay nasa isang magandang lugar, sabihin mo ito sa Kanya. Maging tiyak ka sa Kanya katulad ng pagiging tiyak mo sa isang taong tunay na nagmamahal at makikipagbunyi sa iyo, Sa isang banda, maaaring ikaw ay nasa isang lugar na walang pagbabago o sa isang mahalaga, nakasasakit, o malungkot na lugar.

Ilarawan kung nasaan ka nang may ganap na kalayaang magsalita sa Diyos. Posible, ikaw ay nasa kakaibang lugar na hindi maiilarawan ng iisang pang-uri lamang. Sabihin mo sa Kanya lahat ng pagkamasalimuot nito

Sa totoo lang, maaaring gusto mo ring itanong sa Diyos ang tanong na ito: "Panginoon, nasaan ka? Nasaan Ka kamakailan lang?" o "Nasaan Ka noong ...?" Maaaring alam mo ang kasagutan ayon sa Biblia o ayon sa teolohiya. Batid ng isip mo ang mga pangako sa Banal na Kasulatan na nagsasabing hindi Ka Niya iiwan ni pababayaan man, ngunit sa ngayon ang nararamdaman ng puso mo ay hindi mo Siya matagpuan. Maaari mo Siyang tanungin kung nasaan Siya o, kung ito ay tungkol sa nakaraang panahon, kung nasaan Siya noon. 

Tapusin ang iyong pagsusulat ngayong araw na ito sa pamamagitan ng Mga Awit 139:7-20, kung saan maaari mong hiramin ang eksaktong mga salita ng salmista o kaya ay maaari mo ring isulat ang mga ito sa sarili mong pagkakaunawa. 

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

The Quest

Sa 7-araw na babasahing gabay na ito, gumagamit si Beth Moore ng mga katanungan mula sa Banal na Kasulatan upang dalhin ka sa pakikipaglapit sa Nag-iisang lubos na nakakakilala sa iyo. Ang baluktot na bantas sa dulo ng pangungusap ay nagpapahayag ng pag-uusisa, pagkakaroon ng interes, at marahil ay pagdududa. Ang tanong ay isang paanyaya sa kahinaan, sa pagiging malapit. Ang Biblia ay hindi lumalayo sa mga ganitong paanyaya. Paulit-ulit na nakikita natin ang mga anak ng Diyos na nagtatanong tungkol sa kanilang Maykapal. Nakikita rin natin ang Diyos ng sandaigdigan na nagtatanong sa Kanyang nilikha. Ang Paghahanap ay isang hamon na tanggapin ang paanyayang ito.  Matutong maghanap sa Banal na Salita, tumugon sa mga katanungan ng Diyos, at magdala ng iyong mga katanungan sa Kanya. Hayaan mong ang baluktot na bantas ay maging mapa mo na magtuturo sa iyo sa isang mas malapit na pakikipag-ugnayan sa Ama.

More

Nais naming pasalamatan si Beth Moore at ang Lifeway Women sa pagpapaunlak ng gabay na ito. Para sa dagdag pang impormasyon, maaaring pumunta sa: http://www.lifeway.com/thequest