Aking Kasukdulan Para Sa Kanyang Kadakilaan (My Utmost For His Highest)Halimbawa
Ang Mahirap na Tanong
Ang sagot ni Pedro sa mahirap na katanungan na ito ay ibang-iba sa palaban na astang ipinakita niya ilang araw pa lamang ang nakakaraan nang kanyang sabihin ang, "Kahit na ako'y patayin kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila."(Mateo 26:35; tingnan rin ang mga bersikulong 33–34). Ang ating likas na indibiduwalidad, o ang ating likas na sarili, ay matapang na nagsasalita at nagpapahayag ng kanyang nararamdaman. Ngunit ang tunay na pag-ibig sa kaibuturang espirituwal ay matutuklasan lamang kapag naranasan ang sakit ng katanungan na ito ni Jesu-Cristo. Mahal ni Pedro si Jesus sa paraang sinumang likas na tao ay nagmamahal sa isang mabuting tao. Ngunit iyon ay emosyonal na pagmamahal lamang. Maaring umabot ito sa kalaliman ng ating natural na sarili, ngunit hindi kailanman tatagos sa espiritu ng isang tao. Ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang ang ideklara ito. Sabi ni Jesus, "Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao [ang nagpapakilala ng kanyang pagmamahal sa lahat ng kanyang ginagawa, hindi lamang sa kanyang sinasabi] ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos." (Lucas 12:8)
Malibang nararanasan natin ang sakit ng pagharap sa bawat pagkabulaan sa ating sarili, hinahadlangan natin ang pagkilos ng Salita ng Diyos sa ating buhay. Sinasaktan tayo ng Salita ng Diyos nang higit sa magagawa ng kasalanan, dahil ginagawa tayong manhid ng kasalanan. Ngunit ang katanungan na ito ng ating Panginoon ay nagpapatindi ng ating pakiramdam hangga't ang sakit na dulot ni Jesus ay maging pinakamarilag na sakit na maaari nating isipin. Sinasaktan nito hindi lamang ang bahaging likas, kundi pati ang bahaging espirituwal. "Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa...tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu..."—hanggang sa puntong wala nang pagkabulaan ang kayang manatili (Mga Hebreo 4:12). Kapag tinanong sa atin ito ng Panginoon, imposible tayong makapag-isip at makasagot nang maayos, dahil kapag kinausap tayo nang tuwiran ng Panginoon, lubhang matindi ang sakit. Napakalubha ng sakit na dulot nito na anumang bahagi ng ating buhay na hindi nahahanay sa Kanyang kalooban ay masasaktan. Hindi kailanman mapagkakamalian ng Kanyang mga anak ang sakit na dulot ng Salita ng Diyos, ngunit ang sandaling maramdaman ang sakit na ito ang mismong sandali na ihinahayag ng Diyos sa atin ang Kanyang katotohanan.
O Panginoon, hawiin Mo ang bawat nagpapakulimlim. Magliwanag Ka nang malinaw at malakas at nakapagpapalakas.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito
Sa loob ng mahigit na walumpung taon, ang "My Utmost for His Highest" o "Aking Pinakamataas Para Sa Kanyang Pinakamataas" ni Oswald Chambers ay isa sa mga librong pinakamarami nang nakabasa sa mundo ng Cristianismo. Ngayon ay ikinalulugod naming ipalabas ang espesyal na edisyon na itong may tatlumpung debosyonal na pinili mula sa Aking Pinakamataas Para Sa Kanyang Pinakamataas, na idinisenyo upang ipakilala ang isang bagong henerasyon sa walang hanggang mga katotohanan ng Banal na Kasulatan na itinuro sa pamamagitan ng mga hindi nagmamaliw na salita ni Oswald Chambers. Kasama rin sa mga seleksyon na ito ang personal na panalangin ni Oswald Chambers sa bawat gabay.
More